2010
Walang Taong Perpekto
Marso 2010


Mga Kabataan

Walang Taong Perpekto

Sinabi ni Nephi ang mismong nasa isip ko: “Ang aking kaluluwa ay magsasaya sa inyo, aking Diyos, at bato ng aking kaligtasan.”

Noon ko pa gustong maging katulad ni Nephi: napakamasunurin, napakatapat, at lubhang espirituwal. Sa aking mga mata si Nephi ang pinakamabuting halimbawa ng kabutihan. May ilang bagay na mas kaakit-akit sa akin kaysa isiping maging katulad niya paglaki ko—o magsimula man lang magtaglay ng kahit kaunti ng kanyang kahusayan.

Isang araw nagkaroon ako ng kaunting problema, dulot ng nararamdamang kakulangan. Mataas ang ambisyon ko at napakarami kong mithiin. Ngunit talagang parang wala akong nararating. Habang lumuluha sa kawalang-pag-asa, sinabi ko ang nararamdaman kong ito sa aking ama. Agad siyang tumayo, nagpunta sa istante ng mga aklat, at kinuha ang isa sa kanyang mga kopya ng Aklat ni Mormon. Tahimik niya itong binuklat sa 2 Nephi 4 at sinimulang basahin ang talata 17.

Kinilabutan ang buong katawan ko na parang kinuryente nang marinig ko ang makapangyarihang mga salitang ito: “O kahabag-habag akong tao!” Nagulumihanan ako. Paano nasabi ni Nephi, na aking idolo at halimbawa, na “kahabag-habag” siya? Kung kahabag-habag siya, ano na ako?

Muli akong kinilabutan nang basahin ng aking ama ang talata 28: “Gumising, kaluluwa ko! Huwag nang yumuko sa kasalanan.” Dama ko na parang naglaho ang dilim ng kawalang-pag-asa sa aking isipan upang mailantad ang init at ganda ng asul na kalangitan at sikat ng araw. Imposibleng ilarawan kung paanong binigyang-kaliwanagan ng talatang ito ang aking kaluluwa. Ilang talata sa banal na kasulatan ang nagbigay sa akin ng malaking pag-asa, inspirasyon, at kagalakan tulad ng isang ito.

Sa talata 30, sinabi ni Nephi ang mismong nasa isip ko, kaya lang ay sa mas magandang pananalita: “Ang aking kaluluwa ay magsasaya sa inyo, aking Diyos, at bato ng aking kaligtasan.” Ang talatang ito ay pumayapa sa aking damdamin at nagpasalamat ako sa magiliw na awa at pag-ibig ng Panginoon.

Isinara ng tatay ko ang aklat at ipinaliwanag na ang mga talatang ito ay tinatawag kung minsan na awit ni Nephi. Pagkatapos ay magiliw niya akong tinuruan na kahit ang pinakadakilang mga tao sa lupa ay may kapintasan, at dapat kilalanin ng mga taong ito ang kanilang mga kapintasan dahil kung hindi sila ay magiging mapagmalaki at, sa gayon, hindi sila magiging dakila.

Naunawaan ko iyon. Hindi dahil may mga kahinaan ako ay hindi ko na kayang maging katulad ni Nephi. Ang pagkilala sa aking mga kahinaan ay nagpalapit sa akin sa kakayahan ni Nephi. Dakila si Nephi dahil, bukod sa pagiging masunurin at tapat, siya ay mapagpakumbaba at handang aminin ang kanyang mga kamalian.

Mula nang maranasan ko iyon, pinahalagahan ko na ang mga salitang ito ni Nephi. Tuwing babasahin ko ito, muli akong kinikilabutan at nabibigyang-inspirasyon tulad noong una kong basahin ito. Ipinahahayag sa akin ng mga talatang ito na ako ay anak ng Diyos, na may kakayahang higit pa sa kaya kong wariin. Alam ko na kung magiging tapat ako at magpapatuloy, may mga lihim na pagpapalang nakalaan.