Ang Hardin sa Aking Panaginip
Hindi ibinigay ang pangalan
Dahil lumaki ako sa isang matapat at aktibong pamilya ng mga Banal sa mga Huling Araw, hindi ko naisip kailan man na isang araw ay magpapasiya ang isa kong anak na hindi na magsimba.
Ikinasal kami ng asawa ko sa templo at kalaunan ay nagkaroon ng pitong anak. Ginawa namin ang lahat upang sundin ang payo ng mga propeta. Itinuro namin sa aming mga anak ang ebanghelyo, ibinahagi sa kanila ang aming mga patotoo, sama-samang dumalo sa mga miting sa araw ng Linggo, nagdaos ng family home evening, nanalangin sa araw at gabi, at binasa ang mga banal na kasulatan bilang isang pamilya. Gayunman, hindi napigilan ng aming mga ginawa ang aming anak sa pag-alis sa Simbahan.
Sa kalungkutan ko ay bumaling ako sa Panginoon para humingi ng lakas at naunawaan ko nang mas malinaw ang papel ng kalayaan sa pagpili sa ating buhay. Ngunit naisip ko pa rin, “Ano pa ang maaari kong gawin? Tiyak na may isang bagay akong magagawa upang maibalik siya sa katotohanan.” Ipinagdasal ko ang aming anak, ngunit nadama kong hindi pa sapat ang ginagawa ko. Tiyak na kung magkakaroon ako ng sapat na pananampalataya, magbabago siya, hindi ba?
Gayon ang mga sumagi sa aking isipan nang matutulog na ako isang gabi. Minarapat ng Ama sa Langit na sagutin ang mga tanong ko sa isang panaginip. Simpleng panaginip lang iyon, ngunit para sa akin ay napakalalim ng kahulugan niyon.
Sa panaginip ko ay nakatayo ako sa gitna ng taniman ko ng mga gulay. Naitanim at nadiligan ko ang mga binhi, ngunit hindi lumaki ang mga halaman. Sa panaginip ko ay sinabihan ko ang mga halaman ko na lumaki. Pinagsabihan ko ang mga ito na lumaki! At nagsimula akong matawa sa aking sarili. Ang mismong ideya ng pagsisikap na palakihin ang mga halaman ko sa pamamagitan ng pagsasabi sa mga ito na gawin iyon ay katawa-tawa.
Pagkatapos ay nagising ako. Kaagad kong naintindihan ang kahulugan ng aking panaginip. Ang anak ko ang binhi na sinisikap kong palakihin. Ngunit tulad ng hindi mo mauutusan ang mga binhi sa hardin na lumaki, hindi ko mapagbabago ang aking anak. Likas sa bawat binhi sa aking hardin ang kakayahang bigay ng Diyos na lumaki, at Diyos ang bahala sa paglaki ng bawat binhi. Gayundin naman na may kakayahan ang aking anak na lumaki dahil siya ay espiritung anak ng Ama sa Langit. Ngunit kung darating sa kanyang buhay ang pag-unlad at pagbabago, ito ay magmumula sa kanyang kalayaang pumili kaakibat ang kapangyarihan ng Diyos.
Sa hardin sa aking panaginip, ako ang nagtanim sa mga binhi, nagdilig sa hardin, bumunot sa nakasisirang mga damo, at sinikap sa bawat paraan na pangalagaan ang aking mga binhi. Gayundin naman na sa papel ko bilang ina ay nagtatanim ako ng mga binhi sa buhay ng aking mga anak. Sa tulong ng Ama sa Langit, tinuturuan ko sila, sinisikap kong maging halimbawa para sa kanila, ibinabahagi ang patotoo ko sa kanila, at minamahal sila, ginagawa ang lahat sa abot ng aking makakaya na maging kasangkapan ng kabutihan sa kanilang buhay. Pagkatapos ay kailangan kong maghintay. Sa takdang panahon tutulungan ng Punong Hardinero ang mga binhi na lumaki.
Samantala tinutulungan Niya akong maghintay nang may pagtitiyaga. Pinupuno Niya ng pag-asa ang puso ko. Ipinaaalala Niya sa akin na ginagawa ko ang lahat ng ipinagagawa Niya sa akin. Binibigyan Niya ako ng katibayan ng Kanyang pagmamahal sa araw-araw. Sa tuwing may kailangan ako, tinutulungan Niya ako.
Kaya’t ako ay maghihintay, mananalangin, magtitiwala sa Kanyang mga pangako, at patuloy na magtatanim. Darating ang pag-ani.