Paggunita sa mga Dakilang Tao
James E. Talmage (1862–1933)
Si James Edward Talmage ay 13 taong gulang nang mandayuhan ang kanyang pamilya mula sa kanilang bayang England at nanirahan sa Provo, Utah.
Matalino at uhaw sa kaalaman, si James ay part-time member ng faculty ng Brigham Young Academy sa Provo, Utah, nang siya ay 17 taong gulang na. Nagpatuloy siya sa pag-aaral ng chemistry at geology sa Lehigh University sa Pennsylvania at sa Johns Hopkins University sa Baltimore, Maryland. Dahil naging miyembro ng maraming bantog na samahang ukol sa siyensiya nagkaroon si James Talmage ng koneksyon sa mahahalagang tao at mga lathalain at tinulungan siya nitong labanan ang maraming di-matwid na opinyon na kinaharap ng mga Banal sa mga Huling Araw noong panahong iyon.
Noong 1888 pinakasalan niya si Mary May Booth. Nagkaroon sila ng walong anak. Mula 1894 hanggang 1897 siya ang pangulo ng University of Deseret sa Salt Lake City (na ngayon ay University of Utah). Noong panahong iyon ay binili niya ang isa sa mga popular na bagong bisikletang de-pedal at sinakyan ito nang madalas. Isang gabi ay umuwi siyang isang oras na huli para sa hapunan, pasa-pasa, duguan, at nanlilimahid. Malapit sa kanyang tahanan ay may isang tulay na tabla patawid sa kanal. Karaniwan ay bumababa siya sa bisikleta at naglalakad patawid. Ngunit sa pagkakataong ito inakala niyang kaya niyang tumawid sakay ng bisikleta. Sinikap niyang tumawid sakay ng bisikleta, paulit-ulit na nahulog, hanggang sa matutuhan niya ang pagtawid dito na sakay ng bisikleta.
Si Elder Talmage ay mahusay magbigay ng lektyur, at ang ilan sa kanyang mga mensahe at lesson ang naging batayan ng ilang aklat na nagpabantog sa kanya, kabilang na ang The Articles of Faith. Bago siya tinawag sa Korum ng Labindalawang Apostol noong 1911, hinilingan siya ng Unang Panguluhan na sumulat ng aklat tungkol sa buhay at ministeryo ng Tagapagligtas. Kalaunan, isang silid sa Salt Lake Temple ang inilaan upang doon ay makapagtuon sa pagsusulat si Elder Talmage. Ang kanyang 700-pahinang aklat na, Jesus the Christ, ay inilathala noong 1915 at ilang beses nang muling inilimbag simula noon.