“Lesson 18 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagiging Katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)
“Lesson 18 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon
Lesson 18 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Pagiging Katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo
Sa panahon ng Kanyang ministeryo sa mga Nephita at Lamanita, itinanong ni Jesus sa Kanyang labindalawang disipulo, “Maging anong uri ng mga tao ba nararapat kayo?” (3 Nephi 27:27). Kung itatanong ito sa iyo ng Panginoon, paano ka tutugon? Paano mo maaabot ang iyong buong potensyal? Habang naghahanda ka para sa klase, isipin kung paano makatutulong sa iyo ang mga turo ng Tagapagligtas upang masagot ang mga tanong na ito. Pumili ng isang partikular na bagay na maaari mong gawin upang maging higit na katulad Niya.
Bahagi 1
Talaga bang maaari akong maging perpekto na katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo?
Mababasa natin sa Bagong Tipan ang tungkol sa pagbibigay ni Jesus ng Sermon sa Bundok, na kinapapalooban ng mga turo na siyang makatutulong sa Kanyang mga disipulo na maging perpekto (tingnan sa Mateo 5–7). Pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, si Jesus ay nagpakita sa lupaing Masagana at nagbigay ng gayon ding sermon (tingnan sa 3 Nephi 12–14).
Sa simula ng Kanyang mensahe sa mga tao, nagpatotoo si Jesus na pagpapalain ang mga yaong “makikinig sa mga salita” ng Kanyang piniling labindalawang disipulo (3 Nephi 12:1). Itinuro Niya ang mga Lubos na Pagpapala, ipinahayag Niya na natupad na Niya ang batas ni Moises, at ibinigay Niya ang mas mataas na batas ng ebanghelyo.
Maaaring magulumihanan o malula ang ilang tao sa utos ng Tagapagligtas na maging perpekto. Maaaring makatulong na malaman na sa mga banal na kasulatan, ang salitang perpekto o ganap ay maaaring mangahulugang “husto, buo, at lubos na umunlad; lubos na matwid” at “ang mga tunay na tagasunod ni Cristo ay maaaring maging ganap sa pamamagitan ng kanyang biyaya at Pagbabayad-sala” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Ganap,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org).
Ang isang kahulugan ng biyaya ay ito: “Ang salitang biyaya, ayon sa pagkakagamit sa mga banal na kasulatan, ay karaniwang tumutukoy sa nagbibigay-kakayahang kapangyarihan at espirituwal na pagpapagaling na inihahandog sa pamamagitan ng awa at pagmamahal ni Jesucristo. … Upang matanggap ang nagbibigay-kakayahang kapangyarihang ito, kailangan nating sundin ang ebanghelyo ni Jesucristo. … Nangako ang Panginoon na kung tayo ay magpapakumbaba sa Kanyang harapan at mananampalataya sa Kanya, tutulungan tayo ng Kanyang biyaya na madaig ang lahat ng sarili nating kahinaan (tingnan sa Eter 12:27)” (“Biyaya,” Mga Paksa ng Ebanghelyo, topics.ChurchofJesusChrist.org).
Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang tanging pag-asa natin upang tunay na maging sakdal ay tanggapin ito bilang kaloob ng langit—hindi natin ito “matatamo sa sariling sikap.” Kaya nga, ang biyaya ni Cristo ay hindi lamang nag-aalok sa atin ng kaligtasan mula sa kalungkutan at kasalanan at kamatayan kundi maging ng kaligtasan mula sa ating patuloy na panlalait sa sarili. …
… Kung magsusumigasig tayo, sa isang dako ng kawalang-hanggan ang ating kadalisayan ay magiging ganap at lubos. …
… Pinatototohanan ko na sa oras na ito at sa bawat oras ay nakaunat ang Kanyang mga kamay na may pilat ng bakas ng pako at ipinagkakaloob sa atin ang biyaya ring iyon, hindi tayo pinababayaan hanggang sa makauwi tayo nang ligtas sa bisig ng ating mga Magulang sa Langit. (“Kayo Nga’y Mangagpakasakdal—Sa Wakas,” Liahona, Nob. 2017, 41, 42)
Bahagi 2
Ano ang maaari kong gawin upang maging higit na katulad ni Jesucristo?
Habang patuloy na nagtuturo si Jesus sa mga Nephita, nagbahagi Siya ng mahahalagang alituntunin kung paano mamuhay ayon sa mas mataas na batas ng Kanyang ebanghelyo. Sinabi ni Pangulong Harold B. Lee:
Si Cristo ay pumarito sa mundo hindi lamang upang gawin ang pagbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sangkatauhan kundi upang ipakita sa mundo ang halimbawa ng pamantayan ng pagiging perpekto ng batas ng Diyos at ng pagsunod sa Ama. Sa kanyang Sermon sa Bundok ay ibinigay sa atin ng Guro ang isang tila paghahayag ng kanyang sariling pagkatao, na perpekto, … at sa paggawa ng gayon ay binigyan tayo ng huwaran para sa ating sariling buhay. (Decisions for Successful Living [1973], 55–56)