“Isang Magkakatugmang Kabuuan,” kabanata 23 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846-1893 (2019)
Kabanata 23: “Isang Magkakatugmang Kabuuan”
Kabanata 23
Isang Magkakatugmang Kabuuan
Si Susie Young ay laging sakiting bata. Noong panahong siya ay siyam na taong gulang, noong tagsibol ng 1865, nakaligtas siya mula sa mga sakit na pulmonya, ubong dalahit, at iba pang malulubhang sakit. Umuubo siya nang walang patid kapag siya ay tumakbo nang mabilis o masyadong naglalaro. Kung minsan ang kanyang ama, si Brigham Young, ay dahan-dahang kakargahin siya sa mga bisig nito, hahawakan siya nang malapit, at mahinang sasabihin, “Hintay tayo ng isang minuto, anak ko. Huwag pumunta nang nagmamadali. Mag-ukol ng oras upang huminga.”1
Bihirang naisin ni Susie na maghintay ng isang minuto. Laging may nangyayari sa bahay kung saan kahati niya ang marami sa mga asawa ng kanyang ama at ang karamihan sa maliliit pang anak nito. Ang mahabang dalawang palapag na tahanan ay tinawag na Lion House, at ito ay nakatayo sa tabi ng tanggapan ng kanyang ama, isang kanto ang layo sa silangan ng kinatatayuan ng templo sa Lunsod ng Salt Lake. Ang itaas na palapag ng Lion House ay may maraming silid-tulugan at sala para sa mga miyembro ng pamilya. Sa unang palapag ay mas marami pang silid-tulugan at isang malaking sala para sa pag-aasikaso ng mga bisita at pagdaraos ng panalangin ng pamilya. Sa silong ay imbakan at mga bodega, isang labahan at kusina, at isang silid-kainan na kasya ang buong pamilya.
Sa harap na balkon ng bahay, nakamasid sa kalye, ay nakaupo ang isang maharlikang rebulto ng leon.2
Halos tatlumpu sa limapu’t limang kapatid na lalaki at babae ni Susie ay doon nakatira sa isang pagkakataon. Kung minsan ay nag-aampon din ang pamilya, kabilang na si Ina Maybert, isang batang babae mula sa India. Isang batang lalaki na nakatira sa lugar na nagngangalang Heber Grant ang madalas maglaro sa bahay kasama ang mga kapatid na lalaki ni Susie at sumasama sa mga Young para sa mga panalangin ng pamilya. Siya ay ang nag-iisang anak nina Rachel Ivins at dating tagapayo ni Brigham Young na si Jedediah Grant. Sa taglamig, nais ni Heber na kumapit sa paragos ni Brigham at hayaan siyang hilahin sa ibabaw ng yelo.3
Sinikap ng pamilya Young na panatilihin ang isang maayos na tahanan, na may mahigpit na iskedyul para sa pagkain, pag-aaral, at panalangin. Ngunit hindi nito napigilan sina Susie at kanyang mga kapatid na magpadausdos pababa sa hawakan ng mga hagdanan, tumakbo paakyat sa mga hagdan, at maglaro ng taguan.4 Noong maliit na bata pa siya, inakala ni Susie na normal na magkaroon ng gayong kalaking pamilya at para sa kanyang ama na magkaroon ng mahigit isang dosenang asawa. Sa katunayan, ang kanyang pamilya ay hindi karaniwan maging sa mga maramihang pamilya, na kadalasan ay higit na mas maliit kung ihahambing sa pamilya niya. Hindi tulad ng kanyang ama, karamihan sa mga lalaki sa Simbahan na nagsabuhay ng maramihang pag-asawa ay mayroon lamang dalawang asawa.5
Ang sarili niyang ina, si Lucy Bigelow Young, ay isang mapagmahal na magulang na nagbuhos sa kaniya ng pagkalinga at pagmamahal. Sina Zina Huntington Young at Emily Partridge Young, dalawa sa mga asawa ng kanyang ama na tumira nang maikling panahon sa Lion House, ay tila mga pangalawang ina sa kanya. Gayon din ang asawa ng kanyang ama, si Clara Decker Young, na madalas magpuyat upang makipagkuwentuhan at magbigay ng payo kay Susie at sa kanyang mga kapatid na babae.6
Isa pang asawa, si Eliza Snow, ay isang makata na nag-aral ng mga aklat sa kanyang libreng oras at hinikayat ang namumukadkad na pagkamalikhain ni Susie. Si Eliza ay matalino, mahusay, at lubhang disiplinado sa sarili. Ang kanyang kuwarto, sala, at mesang sulatan ay malinis at mainam ang pagkakaayos. Inaakala ng ilang tao na si Eliza ay suplada at masungit, subalit kilala siya ni Susie bilang mabait at magiliw—lalo na kapag nag-aalaga ng maysakit.7
Ang Lion House ay hindi palaging malaya mula sa tunggalian, ngunit sinikap ng pamilya na magtagumpay ang pagsasaayos ng kanilang pagsasama sa tahanan. Hindi gusto ni Brigham na ihambing ang maramihang pag-aasawa sa mga kaugalian ng mundo. “Mula ito sa Langit,” sabi niya sa mga Banal. “Ang Panginoon ay pinasimulan ito sa isang malinaw na layuning magtayo ng isang marangal na bansa, isang banal na priesthood, isang bansang natatangi sa Kanyang sarili, isa na maaari Niyang angkinin at biyayaan.”8
“Kung ako kailanman ay nagkaroon ng pagsubok sa lupa ng aking pananampalataya, ito’y nang inihayag ni Joseph Smith ang doktrinang ito sa akin,” siya ay nagpatotoo pa. “Kinailangan kong manalangin nang walang humpay at kinailangan kong magkaroon ng pananampalataya, at inihayag ng Panginoon sa akin ang katotohanan nito, at nasiyahan na ako.”9
Ang galak na nadama niya sa pagpapalaki ng kanyang maraming anak sa ebanghelyo ni Jesucristo ay bunga ng pananampalatayang iyan.10 Sa gabi, magpapatunog siya ng kampana, tinatawag ang lahat para sa mga panalangin ng pamilya. “Salamat sa Inyo para sa aming mga tahanan sa mga payapang lambak na ito, at para sa mga liblib na kabundukang ito na iningatan Ninyo bilang isang lugar ng pagtitipon para sa Inyong mga tao,” madalas niyang ipanalangin, magiliw na nakikipag-usap sa Panginoon nang may tunay na pagmamahal sa kanyang tinig. “Pagpalain ang mga maralita, ang nangangailangan, ang maysakit at nahihirapan. Panatagin ang mga puso ng mga yaong nagdadalamhati. Maging isang sandigan at baston sa matatanda at gabay sa kabataan.”11
Madalas pagnilayan ni Brigham ang kapakanan ng mga Banal. Nagbabago na ang panahon, at ang konstruksyon ay isinasagawa na para sa riles ng tren na sasaklaw sa Hilagang Amerika.12 Namuhunan siya ng salapi sa gawain, nakatitiyak na magagawa ng riles ng tren ang paglalakbay papunta at pabalik sa Utah na mas mabilis, mas mura, at di-gaanong nakakapagod para sa mga missionary at mga nandarayuhan. Subalit alam niyang magdudulot ito ng mas maraming tukso sa teritoryo, at nais niyang ihanda ang mga Banal sa espirituwal at sa kabuhayan para sa pagdating nito.13
Nais din nitong patibayin ang sarili niyang pamilya, kung kaya noong tagsibol na iyon, nalaman nina Susie at kanyang mga kapatid na inarkila nito si Karl Maeser bilang kanilang pribadong guro. Ilan sa mga kapatid ni Susie ay hindi naibigan ang pagtuturo ni Propesor Maeser at huminto sa pag-aaral. Ngunit si Susie ay nabighani sa kanyang mga aralin.
Ang mga aklat, lalo na ang mga banal na kasulatan, ay naging buhay sa loob ng silid-aralan. Hinikayat ni Propesor Maeser ang mga batang Young na magtanong at pag-isipan ang mga solusyon sa mga suliranin. Bagama’t siya ay laging sabik na matuto ng mga bagong bagay, kung minsan ay nagiging bugnutin si Susie kapag nagkamali siya sa kanyang mga takdang aralin.14
Matiyaga si Propesor Maeser. “Tanging ang mga may lakas ng loob na gumawa ng mga pagkakamali,” sinabi niya rito, “ang natututo ng mga makabuluhang aral at katotohanan.”15
Nagtatrabaho si Johan Dorius noong tagsibol na iyon bilang isang sapatero sa Fort Ephraim. Siya at ang kanyang kapatid na si Carl ay nakauwi na mula sa kanilang misyon sa Scandinavia mga dalawang taon na ang nakakalipas. Bago lisanin ang Denmark, umasa silang maisama ang kanilang ina pabalik. Subalit dahil hindi handang iwan ng bagong asawa ni Ane Sophie ang Copenhagen, nagpasiya siyang manatili. Nabigo, ang magkapatid ay naglayag mula sa Denmark ilang araw kalaunan kasama ang pangkat ng tatlong daang mga Banal.
Mula nang bumalik sa Utah, sinikap ni Johan na kumita ng pera. Habang wala siya, ang kanyang asawa, si Karen, ay nagpatayo ng isang bahay na may dalawang silid sa kanilang bakanteng lote sa Spring Town, naglinang ng mga pananim, at nag-alaga ng isang bakuran na puno ng mga hayop. Inasam ni Karen ang mga masasayang araw kasama ang kanyang asawa at mga anak sa bagong tahanan, ngunit hindi pa nagtatagal mula nang makabalik si Johan, tumanggap ito ng pahintulot na magpakasal sa pangalawang asawa, isang bininyagang Norwegian na nagngangalang Gunild Torgersen. Lubhang mabigat para kay Karen ang bagong sitwasyon, ngunit siya ay napalakas sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya sa Panginoon. Dahil ang kanilang bahay ngayon ay masyadong maliit na, lumipat ang pamilya sa isang malaking lote sa lunsod sa Ephraim noong taong iyon.16
Noong panahong iyon, sumidhi ang tensyon sa pagitan ng mga Banal at mga Ute Indian sa Lambak ng Sanpete. Sa pagdami ng mga nandarayuhan na nagtitipon sa Utah, ang mga bayan ay mabilis na lumaki at ang mga bagong pamayanan ay madalas humarang sa mga Ute sa kanilang tradisyunal na pinagkukunan ng pagkain at tubig. Ilan din sa mga naninirahan ay nag-aalaga ng malalaking kawan ng mga hayop sa ilang acre ng damuhan sa gitnang Utah, na itinutulak pang palayo ang mga Ute mula sa lugar.17
Batid ang mga problemang ito, hinimok ni Brigham Young ang mga Banal na pakainin ang mga Indian at maging mabait sa kanila. “Nakatira tayo sa kanilang mga lupain, na siyang nagiging sagabal sa kanilang tagumpay sa pangangaso, pangingisda, atbp.,” isinulat niya sa isang lider ng Simbahan. “Sa mga kadahilanang ito, kailangan tayong magpakita sa kanila ng lahat ng posibleng kabaitan, kalayaan, pagtitiyaga, at pagkamagiliw.”18
Bagama’t umasa si Brigham na bigyang-inspirasyon ang higit na pagkahabag para sa mga Indian, kakaunti na ang pagkain sa ilang pamayanan, at iilang mga Banal lamang ang handang magbahagi ng kanilang mga pagkain. Nang tumanggi ang mga mamamayan na ibahagi ang kanilang mga pagkain, madalas bumaling ang mga Ute sa pagnanakaw ng hayop para sa kanilang ikabubuhay.19
Sa huli ay naganap na ang karahasan noong tagsibol ng 1865 matapos mauwi sa wala ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng mga Banal at mga Ute sa Lambak ng Sanpete. Sa loob ng ilang linggo, sinimulan ng isang pangkat ng mga Ute na pinamumunuan ng isang lalaking nagngangalang Black Hawk na magnakaw ng mga baka at pumaslang ng mga mamamayan.20 Lumala ang labanan nang ang tagsibol ay naging tag-init. Noong Hunyo, tinangka nina Brigham at pamahalaan ng Estados Unidos na hikayatin ang mga lider na Ute na ilipat ang tribu sa isang reservation—lupain na inilaan ng pamahalaan para tirhan ng mga Indian—ngunit nagpatuloy ang mga pag-atake sa mga pamayanan. Pagkatapos ay iniutos ni Brigham sa milisya na pigilan ang mga paglusob nang hindi ginagawan ng masama ang mga kababaihan, mga bata, o mga payapang Ute. Subalit sinalakay pa rin nang malupit ng magkabilang panig ang bawat isa.21
Noong hapon ng ika-17 ng Oktubre, pinanood nang buong kilabot ni Johan Dorius habang sinalakay nina Black Hawk at kanyang mga tauhan ang isang batang mag-asawang Danish, ang kanilang sanggol na anak na lalaki, at isang dalagang Swedish sa mga bukirin sa labas ng Ephraim. Matapos umalis ng mga tauhan ni Black Hawk sakay ng kabayo upang salakayin ang mga hayop ng pamayanan, nagmamadaling nagtungo sina Johan at ang maraming Banal sa mga bukirin. Ang mag-asawa ay patay na, at naghihingalo ang dalagang Swedish, ngunit kahit paano ang sanggol na lalaki ay hindi nasaktan. Kinuha ito ni Johan at kinarga ito patungo sa bayan.22
Habang hinahabol ng milisya ang grupo ni Black Hawk, inatasan ng mga lider ng Simbahan ang mga Banal sa Lambak ng Sanpete at sa mga karatig-pook na kumilos nang may pag-iingat at may pagtatanggol. Ngunit nadadaig ng takot at pagdududa, binalewala ng ilang mga Banal na pinakanaapektuhan ng labanan ang kanilang mga salita.23
Anim na buwan matapos ang paglusob sa Fort Ephraim, ang mga miyembro ng Simbahan sa isang maliit at hindi gaanong protektadong komunidad na tinatawag na Circleville ay nakahuli ng dalawampung payapang Paiute, na kanilang pinaghihinalaang mga espiya ni Black Hawk. Itinali ng mga mamamayan ang mga lalaki at ikinulong sila sa ilalim ng mga bantay sa lokal na meetinghouse. Ang mga babae at bata, samantala, ay ikinulong sa isang walang laman na silong. Nang subukan ng ilan sa mga lalaking Paiute na tumakas, binaril sila ng mga mamamayan at pinatay ang mga natitirang bihag, bawat isa, kabilang ang kababaihan at mga batang nakatatanda.24
Mariing kinundena ni Brigham ang karahasan. “Kapag binaril ng isang tao ang isang walang malay na Indian, siya ay nagkasala ng pagpaslang,” sabi niya.25 Sinisi ni Brigham ang mga Banal, hindi ang mga Ute, sa labanan. “Kung ang mga elder ng Israel ay laging pinakikiharapan ang mga Lamanita gaya ng nararapat,” ipinahayag niya, “hindi ako naniniwalang dapat tayong magkaroon ng anumang suliranin sa kanila.”26
Nagpatuloy ang paglaganap ng karahasan sa pagitan ng mga Banal at mga Indian sa gitnang Utah nang isa pang taon. Ang mga Banal sa mga mas maliliit na komunidad ay lumipat sa mas malalaking bayan, at nagtalaga ang mga mamamayan ng mga bantay upang protektahan ang kanilang mga hayop. Matapos pigilan ng mga Banal ang isang malaking pagsalakay ng mga Indian noong Hulyo 1867, si Black Hawk at dalawang pinuno ay sumuko sa mga kinatawan ng pamahalaan. Patuloy ang ilang Ute sa pagsalakay sa mga alagang hayop ng mga Banal, ngunit ang labanan ay halos nagwakas na.27
Kalaunan sa taong iyon, noong ika-6 ng Oktubre, idinaos ng mga Banal ang kanilang pangkalahatang kumperensya sa unang pagkakataon sa isang maluwang na bagong tabernakulo sa kanlurang bahagi ng kinatatayuan ng templo. Ibinalita ng Unang Panguluhan ang mga plano sa pagtatayo ng mas malaking lugar ng pagtitipon sa paligid ng templo noong 1863. Ang hugis-itlog na gusali ay napapaibabawan ng isang malaking simboryo na kahugis ng isang talukab ng pagong. Sinuportahan ang simboryo ng apatnapu’t apat na poste na yari sa sandstone, na inihulma ng beteranong tagagawa ng tulay na si Henry Grow mula sa arkong balag ng mga kahoy na suporta sa bubong, nabibigkis nang mahigpit gamit ang mga kahoy na turnilyo at mga piraso ng balat ng hayop. Dahil ang makabagong disenyo ay walang ginamit na panloob na poste upang suportahan ang napakalaking kisame, ang mga Banal na nasa kumperensya ay natatanaw nang walang harang ang mga tagapagsalita sa pulpito.28
Noong taglagas na iyon, patuloy na sinubaybayan ni Brigham Young ang pag-unlad ng riles ng tren. Natapos ang Digmaang Sibil sa Amerika sa pagkakapanalo ng Hilaga noong tagsibol ng 1865, na siyang nagbibigay sa proyekto ng riles ng panibagong bugso habang nakamasid ang bansa pakanluran para sa mga bagong oportunidad. Naglingkod si Brigham sa kapulungan ng mga direktor ng isa sa mga kumpanya ng tren, ngunit ang kanyang suporta para sa proyekto ay hindi nag-alis ng kanyang pag-aalala tungkol sa mga pagbabagong dadalhin nito sa teritoryo—at sa ekonomiya nito.29
Sa Doktrina at mga Tipan, nagtagubilin ang Panginoon sa Kanyang mga tao na “maging isa,” magtulungan sa mga pasanin sa ekonomiya, at “[tumayong] malaya sa ibabaw ng lahat ng iba pang mga nilalang sa ilalim ng selestiyal na daigdig.”30 Sa paglipas ng mga taon, gumamit sina Brigham at iba pang mga lider ng iba’t ibang pagsisikap upang mapagkaisa ang mga Banal at patuloy silang nakaugnay sa isa’t isa. Isa sa mga pagsisikap ay ang alpabetong Deseret, isang sistemang ponetiko na dinisenyo upang ayusin ang nakikitang mga problema sa pagbabaybay sa Ingles, turuan ang mga batang Banal na magbasa, at tulungan ang mga nandarayuhan na mabilis matuto ng Ingles at maging panatag sa Utah.31
Gayon din, upang makamit ang kalayaan sa ekonomiya para sa Sion, sinimulan ni Brigham ang kilusang kooperatiba sa mga Banal. Sa kanyang mga sermon, madalas niyang hikayatin ang mga miyembro ng Simbahan na magtanim ng sariling pagkain, gumawa ng gawang-bahay na kasuotan, at magtayo ng mga gilingan, pabrika, at mga pandayan. Pinuna rin niya ang mga mangangalakal sa loob at labas ng Simbahan na nagpupunta sa teritoryo upang ibenta na may malaking tubo ang mga mahirap mahanap na kalakal mula sa silangan, sa gayon ay pinapayaman ang kanilang sarili sa halip na ang kapakanan ng Sion.32
Batid ang riles ng tren ay magdadala ng mas marami pang mangangalakal at mga paninda upang makipagkumpetensya sa pantahanang industriya ng mga Banal, nagsumamo si Brigham sa mga miyembro ng Simbahan na suportahan ang mga lokal na negosyo at maghangad ng kalayaan sa pananalapi mula sa panlabas na merkado.33 Para sa kanya, ang kaligtasang pang-ekonomiya ng mga Banal ay kasinghalaga ng kanilang espirituwal na kaligtasan. Ang pag-atake sa ekonomiya ng Sion ay isang pag-atake mismo sa Sion.
Nagsimula rin si Brigham na maghanap ng mga paraan upang palakasin ang mga Banal sa pamamagitan ng mga institusyon sa loob ng Simbahan. Noong 1849, itinatag ng Scottish na Banal na si Richard Ballantyne ang unang Sunday School ng lambak. Mula noon, maraming ward ang nagpapatakbo ng mga Sunday School na malaya mula sa isa’t isa, madalas na gumagamit ng iba’t ibang aklat at materyal ng aralin. Kamakailan, gayunman, itinatag ni George Q. Cannon ang Juvenile Instructor, isang magasing may mga litrato na may mga aral ng ebanghelyo na magagamit sa mga Sunday School at mabibili ng mga guro at estudyante sa mababang halaga. Noong Nobyembre 1867, pinili nina Brigham at iba pang mga lider ng Simbahan si George bilang pangulo ng isang Sunday School Union upang hikayatin ang mga ward at branch sa buong Simbahan na itatag ang Sunday School sa kanilang sarili.34
Ang pangunahin at batayang klase ng mga Sunday School ay karamihang nakatuon sa mga batang lalaki at babae ng Simbahan. Para sa mga lalaking nasa wastong gulang sa Simbahan, nagpasiya si Brigham na bumuo ng Paaralan ng mga Propeta sa bawat isa sa mga malalaking bayan ng teritoryo. Halos tatlumpu’t limang taon na ang nakararaan, inatasan ng Panginoon si Joseph Smith na itatag ang mga gayong paaralan sa Kirtland at Missouri upang magkaroon ng pagkakaisa at pananampalataya sa mga maytaglay ng priesthood sa bata pang Simbahan at ihanda ang mga lalaki na ipahayag ang ebanghelyo.35
Nais ni Brigham ang bagong Paaralan ng mga Propeta na maglinang ng mas malawak na espirituwal na pagkakaisa at katapatan sa mga kalalakihan ng Simbahan. Naniwala siya na ito ay makatutulong sa kanila na maunawaan ang kahalagahan ng pagtutulungan sa ekonomiya, tuparin ang mga tipan, at pagtatayo ng Sion bago dumating ang tren.
Isang Paaralan ng mga Propeta ang nagbukas sa Lunsod ng Salt Lake noong Disyembre 2, 1867. Sa mga sumunod na linggo, hinikayat ni Brigham ang mga miyembro nito na patakbuhin ang kanilang mga negosyo sa mga paraan na magbibigay-kapakinabangan sa mga Banal sa halip na sa mga tagalabas na mangangalakal. “Tayo ay magiging isa at uunawain ang isa’t isa,” itinuro niya. At pinagsabihan niya ang mga miyembro ng Simbahan na bumili ng mga kalakal kung kailan at kung saan nila nais, nang walang pagsasaalang-alang sa pangangailangan ng Sion.
“Wala silang lugar sa kahariang ito,” kanyang ipinahiwatig.36
Anim na araw matapos ang pag-oorganisa ng Paaralan ng mga Propeta sa Lunsod ng Salt Lake, nakipag-usap si Brigham sa mga bishop tungkol sa pagsasaayos ng mga Relief Society ng mga ward, na halos nabuwag na noong panahong may nagbabantang panganib mula sa Hukbo ng Estados Unidos mga sampung taon na ang nakararaan. Inasam ni Brigham na itataguyod ng mga ward Relief Society ang higit na pagkakaisa sa mga Banal sa pamamagitan ng pagtulong sa mga pinakanangangailangang miyembro.37
Dahil kaunti lamang ang alam ng mga bishop tungkol sa layunin ng Relief Society, hiniling niya kay Eliza Snow na tumulong sa kanila sa pag-organisa ng mga society sa kanilang ward. Ikinarangal ni Eliza na tumulong. Ilang tao lamang ang nakauunawa sa layunin ng Relief Society tulad ng pagkakaunawa niya. Bilang kalihim ng Female Relief Society ng Nauvoo, maingat na isinulat ni Eliza ang mga katitikan ng pulong, itinala ang mga turo ni Joseph Smith sa kababaihan, at pinangalagaan ang mga ito sa isang talaang libro.
Nasiyahan si Eliza na magtrabaho kasama ang mga bishop, at pinahalagahan nila ang kanyang tulong.38 Nang sinabi sa kanya ni Brigham noong sumunod na tagsibol na ito ay may isa pang misyon para sa kanya, hindi niya tinanong kung ano iyon. Sinabi lamang niya, “Sisikapin kong isakatuparan ito.”
“Nais kong magturo ka sa kababaihan,” sinabi ni Brigham sa kanya. Naniniwala siya na kailangan ng kababaihan ng Simbahan si Eliza upang tulungan silang maunawaan ang papel na ginagampanan ng Relief Society sa pagtatayo ng Sion.
Nadama ni Eliza na bumilis ang tibok ng kanyang puso. Ang pagtuturo sa kababaihan ng Simbahan ay isang napakalaking gawain. Ang mga kababaihan sa Simbahan ay hindi karaniwang nagsasalita sa mga pampublikong pulong sa labas na mga pulong ng patotoo. Ngayon si Eliza ay inaasahang bumisita sa bawat pamayanan sa teritoryo, makipagkita sa bawat isa sa mga ward at branch Relief Society, at magsalita sa publiko.39
Hindi nagtagal matapos ang kanyang pulong kay Brigham, inilathala ni Eliza ang isang artikulo sa Deseret News. “Ano ang layon ng Female Relief Society?” tanong niya sa kanyang mga mambabasa. “Sinasagot ko—na gumawa ng kabutihan—upang magamit ang bawat kakayahang taglay natin sa paggawa ng kabutihan, hindi lamang sa pagtulong sa mga maralita kundi sa pagliligtas ng mga kaluluwa.”
Gamit ang mga talaan ng Relief Society sa Nauvoo, hinikayat niya ang kababaihan na sumulong at tanggapin ang kanilang mga tungkulin. “Kung mayroon mang mga anak na babae o mga ina sa Israel na nakadarama kahit paano na limitado sa mga bagay na kanilang nagagawa,” isinulat niya, “ngayon ay magkakaroon sila ng sapat na pagkakataon na maipakita ang lakas at kakayahan nila sa paggawa ng kabutihan.”40
Noong hapon ng Abril 30, 1868, binisita ni Eliza ang Female Relief Society ng Ikalabintatlong Ward ng Lunsod ng Salt Lake. Halos dalawampu’t limang babae ang naroon, kabilang sina Zina Huntington Young, Emily Partridge Young, at Bathsheba Smith, lahat ay pawang kasapi ng Relief Society sa Nauvoo. Ang bagong hirang na pangulo ng Relief Society ng ward, si Rachel Grant, ay nangasiwa ng pulong kasama ang kanyang dalawang tagapayo, ang kambal na magkapatid na sina Annie Godbe at Margaret Mitchell.41
Ngayon ay nasa edad na apatnapu’t pitong taong gulang, nanirahan si Rachel Grant sa Nauvoo noong simula ng dekada ng 1840, ngunit hindi siya kasapi sa orihinal na Relief Society. Ang pag-aaral tungkol sa maramihang pag-aasawa ay lubhang sumubok sa kanyang pananampalataya, at bumalik siya sa piling ng kanyang pamilya sa mga estado sa silangan matapos ang pagkamatay ni Joseph Smith. Gayunman, nanatili siyang may kaugnayan sa mga missionary at iba pang mga miyembro ng Simbahan, at nagpasiyang pumunta sa Utah noong 1853 matapos ang maraming panalangin at pagninilay-nilay. Dalawang taon kalaunan, pinakasalan niya si Jedediah Grant bilang pangmaramihang asawa at isinilang ang kanyang nag-iisang anak, si Heber, siyam na araw bago ang hindi inaasahang pagkamatay ng kanyang asawa. Mula noon, itinaguyod niya si Heber sa maliit na kitang nakukuha niya sa pagtatrabaho bilang mananahi.42
Pagkatapos ng pagbubukas ng pulong ng Relief Society, tinawag ni Rachel si Eliza upang magturo sa kababaihan. “Inasahan ni propetang Joseph Smith ang mga dakilang bunga mula sa pagbuo ng Female Relief Society,” sinabi ni Eliza sa mga babae, “ang ganoong dami ng kabutihan ay maaaring gawin ng mga kababaihan sa pagdalaw sa may karamdaman at nahihirapan.” Hinikayat niya sila upang pangasiwaan ang maayos na pagpupulong, gumawa ng mabubuting bagay, at pangalagaan ang isa’t isa.
“Ang samahan ay dapat tulad ng isang ina sa kanyang anak,” paliwanag niya. “Hindi niya ito hawak nang malayo ngunit hinahawakan ito nang malapit at ginagagap sa kanyang dibdib, nagpapakita ng kahalagahan ng pagkakaisa at pagmamahal.”
Nang matapos magsalita si Eliza, iwinika ni Rachel na kanyang ipinagmamalaki ang mga kababaihan at umaasa siyang magtatamo sila ng lakas sa pamamagitan ng pagpupulong at pagsasama-sama. Kasunod noon ay hinikayat ni Eliza ang mga babae na makipag-usap sa bawat isa. Pinatotohanan niya na sila ay magkakaroon ng lakas sa pakikipag-usap sa isa’t isa.
“Ang kaaway ay nalulugod kapag hindi natin madaig ang ating mga damdamin ng pangamba at kapag pinigilan natin ang ating dila mula sa pagsasambit ng mga salita ng panghihikayat at determinasyon,” sabi niya. “Kapag ang pagkakimi ay nabasag, nagkakaroon tayo ng lakas ng loob.”
“Darating ang panahon,” pangako niya, “na tayo ay nasa malaking lugar at kikilos sa mga responsableng sitwasyon.”43
Habang ang mga ward at branch ay nag-organisa ng mga Relief Society, nakipagtipon si Eliza kay Sarah Kimball, isa pang nagtatag na miyembro ng society sa Nauvoo, upang idetalye ang mga tungkulin ng mga opisyal ng Relief Society.44 Pagkatapos ay sinimulan niyang bumisita sa mga Relief Society sa buong teritoryo, madalas na sumisipi sa mga katitikan ng orihinal na Relief Society upang turuan ang kababaihan sa kanilang mga tungkulin. “Ang organisasyong ito ay kabilang sa organisasyon ng Simbahan ni Cristo, sa lahat ng dispensasyon kapag naipanumbalik ito nang husto,” itinuro ni Eliza sa kababaihan ng Simbahan. Kapag siya ay hindi maaaring personal na pumunta sa mga Relief Society, sumusulat siya sa kanila ng mga liham.45
Si Brigham, samantala, ay bumuo ng iba pang mga sangay ng Paaralan ng mga Propeta at pinayuhan ang kanilang mga miyembro na pag-aralan ang lahat ng uri ng kaalaman at maging isa sa puso at isipan.46 Noong Abril 1868, nagtungo siya sa Provo upang itatag ang isang paaralan sa ilalim ni Abraham Smoot, na kanyang isinugo kasama sina John Taylor, Wilford Woodruff, Joseph F. Smith, at iba pa upang baguhin ang magulo at suwail na bayan. Habang naroon, hinikayat nina Brigham at Abraham ang mga miyembro ng paaralan sa Provo na pangunahing makipagkalakal sa isa’t isa, nang sa gayon ay mapanatili sa mga Banal ang kanilang mga mapagkukunan at mga kinikita.
“Ang bawat miyembro ay may impluwensya,” sabi ni Abraham, “at dapat natin itong gamitin sa tamang paraan.”47
Ilang linggo kalaunan, ang tagapayo ni Brigham na si Heber Kimball ay naaksidente sa karwahe sa Provo. Marahas siyang tumilapon mula sa loob at nabaldog ang kanyang ulo sa lupa. Nakahandusay siya roon nang ilang sandali, lantad sa malamig na hangin, hanggang sa natagpuan siya ng isang kaibigan. Umasa si Brigham na si Heber, isa sa kanyang pinakaunang kaibigan, ay gagaling mula sa aksidente. Gayunman, nagkaroon ng stroke si Heber noong unang bahagi ng Hunyo, at pumanaw kalaunan noong buwang iyon, na naliligiran ng pamilya.
Ang kanyang pagkamatay ay naganap eksaktong walong buwan sa araw ng pagkamatay ng kanyang asawang si Vilate. “Hindi ako magtatagal matapos niya,” nagpropesiya si Heber sa kanyang pagpanaw. Sa libing ni Heber, pinili ni Brigham na maghandog ng simpleng papuri sa kanyang kaibigan at sa kabutihan nito bilang tagapayo.
“Siya ay isang taong may hindi matatawarang integridad,” sinabi niya, “tulad ng sinumang taong nabuhay sa mundo.”48
Noong panahon ng pagpanaw ni Heber, ang mga manggagawa ng riles—kabilang sa kanila ay maraming nandarayuhang Tsino, mga dating alipin, at mga beterano ng Digmaang Sibil—ay nagkukumahog upang makumpleto ang transcontinental na riles ng tren. Noong Agosto, hinikayat ni Brigham ang kalalakihan sa Simbahan na tumulong sa paggawa. Sa oras na ang dalawang linya ng riles ng tren ay nagsanib sa hilaga ng Great Salt Lake, umaasa siyang makapagtayo ng isang linya na nag-uugnay sa Lunsod ng Salt Lake at iba pang mga lugar sa timog upang mapabilis ang paglalakbay sa pagitan ng mga pamayanan at upang magdala ng mga bato para sa templo.49
Isang gabi pagkatapos ng panalangin ng pamilya, sa kabilang banda, ibinahagi ni Brigham ang kanyang pag-aalala ukol sa riles ng tren sa ilan sa kanyang mga asawa, mga kaibigan, at nakatatandang mga anak. “Nilisan natin ang mundo, ngunit ang mundo ay lumalapit sa atin,” sabi niya. Ang Sunday School, ang Paaralan ng mga Propeta, at Relief Society ay naitatag upang suportahan at palakasin ang mga Banal. Ngunit sapat na ba ang nagawa niya at ng kanyang salinlahi upang maihanda ang mga kabataan para sa mga bagay na darating?
“Hindi sila magkakaroon ng katulad na pagsubok na dinanas ng kanilang mga ama at ina,” sabi niya. “Sila ay susubukan sa kapalaluan at kamalian at kalayawan ng makasalanang mundo.” Kung hindi tinulungan ng kanyang salinlahi ang kabataan na magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo, ang mga tukso ay maaaring umakay sa kanila sa masama.50
Sa huli, nagtitiwala si Brigham na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay patuloy na pag-iisahin at pangangalagaan ang mga tao ng Diyos, kabilang na ang mga kabataan.
Ang ipinanumbalik na ebanghelyo, sabi niya noong simula ng 1869, “ay isinugo ang mga guro sa mga dulo ng mundo, ay tinipon ang mga tao ng halos bawat wika at paniniwala sa silong ng langit, ng mga lubhang magkakaibang pinag-aralan at mga lubhang magkakasalungat na mga tradisyon, at pinagsama sila sa isang magkakabagay na kabuuan.”
“Ang isang paniniwala na kayang kumuha ng magkakaibang grupo ng sangkatauhan at gawin silang masaya, kuntento, at nagkakaisang mga tao,” sabi niya, “ay nagtataglay ng kapangyarihan na hindi gaanong alam ng mga bansa. Ang kapangyarihang iyon ay ang kapangyarihan ng Diyos.”51
Noong Marso 1869, ang mga taong-bayan ng Ogden ay nagsiksikan sa mga matataas na talampas upang makita ang mga manggagawa ng riles ng tren. Sa wakas ay nakarating na ang mga riles sa mga pangunahing lugar ng teritoryo, isang dugtong ng riles at piraso ng bakal nang paisa-isa. Hindi magtatagal ay ilang mga tren ang darating, bumubuga ng itim na usok at abong singaw sa kalangitan.52
Binisita ni Brigham ang mga Banal sa mga pamayanan sa katimugan, kalaunan, noong taong iyon. Mayroon ngayong mga Sunday School, mga Paaralan ng mga Propeta, at mga Relief Society sa marami sa mga bayan na kanyang binisita. Sa kanyang kahilingan, ang mga Banal ay nagbubukas din ng mga bagong tindahan, na tinatawag na “mga kooperatiba” o “mga ko-op,” upang itaguyod ang kooperasyong pangkabuhayan sa halip na paligsahan sa pagitan ng mga Banal. Nais ni Brigham na ang bawat bayan ay may isang tindahang kooperatiba para magbigay sa mga Banal ng kanilang mga pangunahing pangangailangan sa isang makatarungang presyo.53
Noong unang bahagi ng Mayo, pinayuhan niya ang mga Banal ng gitnang Utah na mamuhay ayon sa bawat salita ng Diyos. “Hindi patunay na ang mga tao ay mga banal ng Diyos dahil nakatira sila sa mga lambak na ito,” sabi niya. “Kung nais nating mapatunayan sa Diyos o sa mga tao na tayo ay mga banal, kung gayon ay kailangan nating mabuhay para sa Diyos at wala nang iba.”54
Ang mga riles ng tren sa silangan at kanluran sa wakas ay nagtagpo kinabukasan, Mayo 10, 1869, sa isang lambak sa kanlurang bahagi ng Ogden. Ang mga kumpanya ng tren ay nagkabit ng mga kable ng telegrapo sa mga martilyo na naglagay sa mga huling pako sa riles. Ang bawat pukpok ng martilyo ay nagpadala ng isang de-kuryenteng pulso sa kawad ng telegrapo sa Lunsod ng Salt Lake at iba pang mga lunsod sa buong bansa, na nagpapahayag na idinudugtong ng riles ng tren ngayon ang mga baybaying Atlantiko at Pasipiko ng Estados Unidos ng Amerika.55
Ipinagdiwang ng mga Banal sa Lunsod ng Salt Lake ang pangyayari sa bagong tabernakulo malapit sa templo. Nang gabing iyon, pinanatili ng lahat ng mga pampublikong opisina at gusali na nakasindi ang kanilang mga ilaw nang ilang oras sa gabi upang bigyang-liwanag ang lunsod. Sa isang burol sa hilaga ng bayan ay nagsindi ang mga Banal ng malaking siga na maaaring makita sa loob ng ilang kilometro.56