“Walang Dapat Ikatakot sa mga Masasama,” kabanata 34 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846-1893 (2020)
Kabanata 34: “Walang Dapat Ikatakot sa mga Masasama”
Kabanata 34
Walang Dapat Ikatakot sa mga Masasama
Noong Marso 8, 1885, nagising si Ida Udall sa kanyang ikadalawampu’t pitong kaarawan sa maliwanag na sikat ng araw. Ngunit nais man niyang salubungin ang mainit na araw pagkatapos ng taglamig, alam ni Ida na kailangan niyang maging maingat kapag lumalabas siya. Kadalasan ay kinailangan niyang manatili sa loob ng bahay hanggang takipsilim—o manganib na makilala ng isang marshal ng Estados Unidos.1
Walong buwan na ang nagdaan simula nang si Ida ay nilisan ang kanyang tahanan sa St Johns, Arizona, upang pumunta sa “ilalim ng lupa,” isang kataga na sinimulang gamitin ng mga Banal upang ilarawan ang buhay na nagtatago sa batas. Noong panahong iyon, ang kanyang asawa, si David, ay pinaratangan ng poligamya at sumailalim sa paglilitis kasama ang limang iba pang mga Banal. Halos apatnapung lalaki ang nagbigay-saksi sa mga paglilitis, at ilan sa kanila ay nagsinungaling sa korte laban sa mga Banal. “Tila walang batas o katarungan para sa mga Mormon sa Arizona,” isinulat ni David kay Ida noong panahong iyon.2
Nang matapos ang paglilitis, lima sa anim na kalalakihan ang hinatulan ng poligamya. Tatlong lalaki ang hinatulan ng tatlo at kalahating taon sa bilangguan sa Detroit, Michigan, mahigit tatlong libong kilometro ang layo. Tanging si David ang nakaiwas na mahatulan, ngunit ito ay dahil ang kanyang kaso ay naantala ng anim na buwan habang naghahanap ang mga nagsakdal ng mas maraming saksi laban sa kanya—kabilang na si Ida.3
Matapos lisanin ang Arizona, tumira si Ida sa ama ni David at asawa nito sa Nephi, sa isang bayan mga isandaan at tatlumpung kilometro sa timog ng Lunsod ng Salt Lake. Tanging ang mga pinakamalalapit na kapamilya at mga kaibigan ni Ida ang tanging nakakaalam kung nasaan siya.
Hindi pa nakakasama si Ida sa kanyang mga biyenan, kaya noong una ay tila sa mga estranghero siya nakapisan. Ngunit pagtagal ay nagawa niyang mahalin ang mga ito at nagkaroon ng mga kaibigan sa kanyang mga bagong kapitbahay, kabilang na ang iba pang maramihang asawa na nagtatago upang protektahan ang kanilang mga pamilya. Ang pagdalo sa mga pulong sa Simbahan at pakikisalamuha sa mga kaibigan ngayon ay nakatulong na pasayahin ang kanyang mahahaba at malulungkot na mga araw.4
Noong kaarawan ni Ida, nagdaos ng handaan ang kanyang mga kaibigan at pamilya sa Nephi. Subalit yaong mga pinakamahalaga sa kanya— ang kanyang mga magulang, si David, at unang asawa ni David, si Ella—ay daan-daang kilometro ang layo. Halos anim na buwan na niyang hindi nakikita si David. At lalong mahirap tiisin ang pagkawala nito dahil ipapanganak niya ang panganay nilang anak sa loob ng ilang linggo.5
Hindi nagtagal pagkatapos ng handaan noong kaarawan niya, tumanggap si Ida ng kopya ng isang pahayagan mula sa Arizona. Nang binasa niya ang pahayagan, nagulat siya na makita ang ulo ng balita na nagsasaad ng pagkamatay ng kanyang ina, si Lois Pratt Hunt. Si Lois ay apatnapu’t walong taong gulang lamang, at hindi handa si Ida sa pagpanaw nito.
Marahang kinuha ng mga kaibigan ni Ida ang pahayagan mula sa kanyang mga kamay at naupo sa tabi niya hanggang dapit-hapon. Makalipas ang ilang oras, humilab ang kanyang tiyan at nagsilang ng isang malusog na batang babae na may asul na mga mata, na pinangalanan niyang Pauline.
Ang mga sumunod na linggo ay mabilis na lumipas at puno ng lungkot at saya, ngunit nagpasalamat si Ida na kasama niya si Pauline. “Ako ay biniyayaan ng sarili kong minamahal na munting anak na babae,” isinulat niya sa kanyang journal. “Pinasasalamatan ko ang Diyos na ngayon ay may dahilan ako upang mabuhay at gumawa.”6
Noong tagsibol na iyon, sa hilagang Utah, sina Sagwitch, ang kanyang asawang si Moyogah, at labing-anim pang mga Shoshone ay umakyat ng burol papuntang Logan temple.7 Natapos na ang templo at inilaan noong nakaraang taon, isang patunay sa pananampalataya at kasipagan ng mga Banal sa hilagang Utah at katimugang Idaho. Kasama sa mga walang pagod na nagtrabaho upang maitayo ang templo sina Sagwitch at iba pang mga Banal na mga Shoshone.8
Mahaba at mahirap ang paglalakbay na isinagawa ng mga Shoshone upang makarating sa templo. Labindalawang taon na ang lumipas mula nang sina Sagwitch at mahigit dalawang daang iba pang mga Shoshone ay sumapi sa Simbahan. Sumasamba sila sa sarili nilang mga ward at sa kanilang sariling wika.9 Ibinuklod sina Sagwitch at Moyogah sa Endowment House,10 at ang anak ni Sagwitch na si Frank Timbimboo Warner ay hinirang bilang missionary sa mga Shoshone.11
Ngunit ang pag-atake ng Hukbo ng Estados Unidos sa kampo ng mga Shoshone sa tabi ng Ilog Bear ay nagmumulto pa rin sa isip ng mga nakaligtas, at ang iba pang mga paghihirap ay patuloy na gumagambala sa kanila. Matapos sumapi sa Simbahan, tumanggap sina Sagwitch at kanyang mga tao ng lupain sa katimugang Idaho upang tirhan at tamnan. Ngunit ilang buwan matapos dumating ang mga Shoshone, ang mga tao mula sa kalapit na bayan na hindi miyembro ng Simbahan ay nagsimulang matakot na hinihikayat ng mga puting Banal ang mga Indian na salakayin sila. Nagbanta ang mga tagabayan sa mga Shoshone at napilitan ang mga ito na lisanin ang kanilang lupain habang sinisimulan nila ang kanilang ani. Bumalik ang mga Shoshone noong sumunod na taon, ngunit ang mga tipaklong at mga ligaw na hayop mula sa ibang taniman ay nameste sa kanilang mga bukirin at kinain ang kanilang mga pananim.12
Kumikilos sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong John Taylor, hindi nagtagal ay nakatagpo ang mga lider ng Simbahan ng lupain para sa mga Shoshone sa bandang hilagang hangganan ng Utah.13 Ngayon ang kanilang maliit na bayan, ang Washakie, ay may ilang bahay, mga kural, pandayan, isang tindahan ng kooperatiba, at isang paaralan.14
Mahirap ang pagbuo ng bagong buhay, ngunit hindi nito pinigilan sina Sagwitch at ang kanyang mga tao sa pagtulong na maitayo ang templo. Sa kaunting panahong kanilang maiaambag, ang mga lalaki mula sa komunidad ay maglalakbay sakay ng mga karitelang hila ng mga baka o kabayo at tren patungo sa Logan, kung saan sila tumutulong mangalap ng bato. Sa ibang pagkakataon ay inihahanda nila ang almires na nagdidikit ng mga pader ng templo o naghahalo ng palitada upang takpan ang mga panloob na dingding. Noong inilaan ang templo, nakapag-ambag ang mga Shoshone ng libu-libong oras ng paggawa upang maitayo ang sagradong gusali.15
Nag-ambag din si Sagwitch ng kanyang oras, bagama’t siya ay nagkaka-edad na at may galos ang kanyang kamay mula sa masaker sa Ilog Bear. Ang pagpatay ay hindi nalalayo sa isipan ng kanyang mga tao. Maraming nakaligtas ngayon ang sinusukat ang kanilang mga edad ayon sa dami ng taon na lumipas mula noong kagimbal-gimbal na pangyayari.16 Hindi nila malimutan ang mga magulang, kapatid, asawa, anak, at apo na nawala sa kanila.
Noong araw ng masaker, hindi nagawang pigilan ni Sagwitch ang mga sundalo na paslangin ang kanyang mga tao. Ngunit noong tagsibol ng 1885, siya at ang iba pang mga Shoshone ay gumugol ng apat na araw sa templo, nagsasagawa ng mga ordenansa para sa kanilang mga namayapang kamag-anak, kabilang na ang marami sa mga napatay sa Ilog Bear.17
Noong Hunyo 1885, nagtungo sina Joseph Smith III at ang kanyang kapatid na si Alexander sa Teritoryo ng Utah sa isa pang misyon para sa Reorganized Church of Jesus Christ of Latter Day Saints. Tulad ng sinisikap gawin ng mga naunang missionary mula sa kanilang simbahan, nais ng magkapatid na kumbinsihin ang mga Banal sa Utah at sa ibang lugar na si Propetang Joseph Smith ay hindi kailanman nagsabuhay ng maramihang pag-aasawa.18
Kasama sa mga Banal na nakapansin sa kanilang pagdating ay si Helen Whitney, ang limampu’t anim na taon gulang na anak nina Heber at Vilate Kimball. Pamilyar si Helen sa mensahe ng magkapatid. Sa katunayan, minsan siyang naglathala ng isang polyeto, Plural Marriage as Taught by the Prophet Joseph [Ang Maramihang Pag-aasawa Ayon sa Turo ni Propetang Joseph], bilang tugon sa pahayag ni Joseph III tungkol sa kanyang ama. Bilang isa sa mga maramihang asawa ni Joseph Smith mismo, may katiyakang batid ni Helen na ang propeta ay nagsagawa ng maramihang pag-aasawa.19
Labing-apat na taong gulang si Helen noong itinuro sa kanya ng kanyang ama ang alituntunin ng maramihang pag-aasawa at tinanong siya kung nanaisin niyang mabuklod kay Joseph. Lubos na tutol siya rito noong una, at galit na galit siyang tumugon sa mga salita nito. Ngunit noong buong araw na iyon, habang iniisip niya kung ano ang gagawin, alam niya na lubos siyang mahal ng kanyang ama upang ituro sa kanya ang anumang bagay na salungat sa kalooban ng Diyos. Sumang-ayon siya sa pagbubuklod, naniniwala na ang kanilang pag-iisang dibdib ay tutulong na dumakila sa kaniya at sa kanyang pamilya at iuugnay sila kay Joseph Smith sa mga kawalang-hanggan.
Ang areglo ay lubhang iba sa kinaugalian sa halos lahat ng paraan. Si Helen ay bata pa upang mag-asawa, bagama’t ang ilang babae na kaedad niya ay ikinakasal sa Estados Unidos noong panahong iyon. Tulad ng ilan sa mga asawa ni Jospeh, nabuklod siya sa propeta sa kawalang-hanggan lamang. Bibihira silang nakikisalamuha ni Joseph sa isa’t isa, at hindi kailanman niya ipinahiwatig na sila ay nagkaroon ng isang matalik na pisikal na ugnayan. Patuloy siyang nanirahan sa tahanan ng kanyang mga magulang at, tulad ng iba pang maramihang asawa sa Nauvoo, ay pinanatiling pribado ang tungkol sa kanyang pagbubuklod. Ngunit siya ay nasa edad kung saan ilang kadalagahan ang nililigawan na nagpapahirap sa kanyang ipaliwanag sa kanyang mga kaibigan kung bakit siya tumigil sa pagdalo sa ilang mga panlipunang pagtitipon.20
Matapos ang pagkamatay ng propeta, pinakasalan ni Helen si Horace Whitney, ang anak nina Newel at Elizabeth Ann Whitney. Si Helen ay labinpitong taong gulang at si Horace ay dalawampu’t dalawang taong gulang noon, at lubusan ang pagmamahal nila sa isa’t isa. Noong araw ng kasal, nangako sila na maging tapat at malapit sa isa’t isa para sa natitirang bahagi ng kanilang buhay at, kung maaari, sa mga kawalang-hanggan. Ngunit sa altar ng templo sa Nauvoo, ikinasal sila sa buhay na ito lamang, dahil si Helen ay ibinuklod na kay Joseph Smith para sa kawalang-hanggan.21
Kalaunan, matapos manirahan sa Utah, sumang-ayon si Helen sa pagpapakasal ni Horace kina Lucy Bloxham at Maria Cravath. Hindi nagtagal kalauanan ay pumanaw si Lucy, ngunit sina Maria at Helen ay naging magkapitbahay at natamasa ang isang magandang ugnayan. Maligaya sa pag-aasawa sina Helen at Horace sa loob ng tatlumpu’t walong taon, at nagluwal si Helen ng labing-isang anak.22 Pumanaw si Horace noong Nobyembre 22, 1884, at ngayon ay iniuukol ni Helen ang ilan sa kanyang oras sa pagsulat para sa Deseret News at Woman’s Exponent.23
Hindi naging madali ang maramihang pag-aasawa para kay Helen, ngunit masigasig niya itong ipinagtanggol. “Kung wala akong malakas na patotoo mula sa Panginoon,” isinulat niya, “Naniniwala ako na hindi ako magpapasailalim dito kahit sa isang sandali.”
Ilang taon matapos isulat ni Helen ang Plural Marriage as Taught by the Prophet Joseph, inilathala ni Helen ang pangalawang polyeto, Why We Practice Plural Marriage [Bakit Namin Isinasabuhay ang Maramihang Pag-aasawa], na tumugon sa mga karaniwang pagbatikos ng kaugalian. “Hindi magkakaroon ng kasamaan,” sinabi niya sa kanyang mga mambabasa, “sa isang bagay na nagbibigay-inspirasyon sa panalangin, nagtataboy ng kasakiman sa puso at pinalalawak ang kakayahang magmahal ng tao, na nagdudulot sa isa na gawin ang higit na dakilang mga gawa ng kabaitan sa labas ng sarili niyang maliliit na grupo.”24
Bagama’t kung minsan ay napapagod sa pagsusulat si Helen, ang kita ang nagtutustos para sa kanyang suskrisyon sa pahayagan at iba pang mga gastusin.25 Kinastigo ng kanyang mga editoryal ang mga tagausig ng Simbahan sa kanilang pagbibigay-suporta sa kalayaan at kalayaang panrelihiyon sa isang banda at pagtataguyod ng isang malupit na kampaya laban sa Simbahan sa kabilang banda. Nagbigay rin ng lakas ng loob ang kanyang mga salita sa kanyang mga kapwa Banal.
“Kung gagawin ng mga taong ito ang kanilang bahagi, ang kapangyarihan ng Makapangyarihang Diyos ay ipakikita sa kanila,” tiniyak niya sa kanyang mambabasa noong Agosto 1885. “Wala tayong dapat ikatakot sa mga masasama.”26
Para kay Helen, ang mga pagsisikap ni Joseph III na ilayo ang kanyang ama mula sa maramihang pag-aasawa ay isang pagsalakay sa katotohanan.27 Isang araw, habang sakay ng tren sa gitnang Utah, napansin niya ang isang lalaki na sumakay sa kanyang bagon at umupo sa harap niya. Tila hindi ito miyembro ng Simbahan, at inisip ni Helen kung ito ay isang opisyal ng pamahalaan na naroon upang ipatupad ang mga batas laban sa poligamya. Matapos bumaba ang dayuhan mula sa tren, nalaman ni Helen, sa kanyang pagkabigla, na ito pala ay si Joseph Smith III.
“Kung nakilala ko lamang siya,” isinulat niya sa kanyang journal, “naging mas matapang sana ako na mamintas at natutuksong ipakilala ang aking sarili.”28
Bagama’t ginugol ni Helen ang halos buong buhay niya na kasal kay Horace, batid niyang nabuklod siya kay propetang Joseph Smith. Kung paano iiral ang kanyang mga ugnayan sa kabilang buhay ay hindi palagiang malinaw sa kanya. Subalit layon niyang angkinin ang lahat ng walang hanggang pagpapala na ipinangako ng Diyos sa kanyang pamilya. Palagian siyang tinutulungan ng Diyos na lampasan ang hurno ng paghihirap, at patuloy siyang nagtitiwala na gagawin Niyang tama ang mga bagay sa huli.
“Matagal na mula nang natutuhan ko na iwan ang lahat sa Kanya, na nakaaalam nang higit sa ating sarili kung ano ang magpapaligaya sa atin,” isinulat niya.29
Ilang buwan matapos isilang ang kanyang anak na babae, muling naglakbay si Ida Udall. Naglalakbay sa ilalim ng huwad na pangalan, nakikituloy siya nang ilang linggo sa bawat pagkakataon sa iba’t ibang mga kaibigan at kamag-anak sa Utah.30 Sasailalim sa paglilitis si David sa Agosto 1885. Dahil ang mga tagausig ay hindi makabuo ng isang nakahihikayat na kaso laban sa kanya sa salang poligamya, sa halip ay ginamit nila ang isang gawa-gawang paratang ng pagsisinungaling sa korte na isinampa ng kanyang mga kaaway sa St. Johns laban sa kanya ilang taon bago iyon.31
Huling nasilayan nina Ida at David ang isa’t isa noong Mayo 1885, dalawang buwan matapos isilang si Pauline. Mula noon, nakatanggap si Ida ng liham mula kay David na nagpapahayag ng pagsisisi sa lahat ng kailangan niyang tiisin dahil dito.
“Minsan, aking nadarama na mas mainam na ako ay dadanas ng pagkabilanggo kaysa gumamit ka ng ibang pangalan at tumalilis mula dito at doon dahil sa takot na makilala,” pagsulat niya.32
Subalit umaasam si Ida na ang kanyang sakripisyo ay magiging sulit, lalo na dahil maraming tao ang naniniwala na si David ay mapapawalang-sala. Habang naghihintay siya sa balita ukol sa paglilitis sa Arizona, kumukuha siya ng kaaliwan sa pag-aalaga kay Pauline. Kung minsan ang pag-aasikaso sa mga pangangailangan ng sanggol ang tanging bagay na gumagambala sa nakakapagod na paghihintay.33
Noong ika-17 ng Agosto, dumating ang balita na si David ay napatunayang nagkasala sa paratang ng pagsisinungaling sa korte at nahatulan ng tatlong taon sa bilangguan. Nadismaya si Ida, ngunit umaasa siya na kahit papaano ay makakabalik na siya sa kanyang pamilya sa Arizona. Gayunman, iminungkahi ni apostol George Teasdale na huwag siyang lumabas mula sa pagtatago. Kung si David ay mapapatawad sa mababaw na kasong pagsisinungaling sa korte, muling susubukin ng kanyang mga kaaway na maipakulong siya sa salang poligamya.
Sumunod si Ida sa payo ng apostol at hindi bumalik sa Arizona.34 Ngunit sa bawat araw na lumilipas, nagiging mas sabik siya na makatanggap ng balita mula kay David sa bilangguan. Nagagawa lamang niyang sumulat ng isang liham bawat buwan sa kanyang pamilya, kaya umaasa siya kay Ella na magpadala kay Ida ng mga kopya ng kanyang mga liham. Gayunpaman, kinakaharap din ni Ella ang mga sarili niyang pagsubok, lalo na nang pumanaw ang kanyang bunsong anak na si Mary, noong Oktubre 1885.
Sa loob ng tatlong buwan, walang natanggap na liham si Ida mula kay David. Nang dumating ang isang balumbon ng mga liham nito, natagpuan niya na nagsimulang gumamit ito ng isang bansag para sa kanya. Nababahalang maipahamak ang kanyang sarili, tinatawag siya ngayon ni David gamit ang pangalan ng kanyang ina, Lois Pratt.35
Noong taglagas na iyon, habang nagtatago mula sa mga marshal sa timog ng Lunsod ng Salt Lake, tinawag ni Pangulong Taylor si Jacob Gates na maglingkod sa isa pang misyon sa Hawaii. Anim na taon na ang lumipas mula nang bumalik si Jacob mula sa kanyang unang misyon sa kapuluan. Noong panahong iyon, pinakasalan niya si Susie Young, na ngayon ay tinatawag na Susa. Nakatira sila sa Provo, magkatuwang na inaalagaan ang kanilang tatlong anak at magluluwal ng isa pa. Si Bailey, ang anak ni Susa sa kanyang unang asawa, ay nakatira rin kasama nila. Gayunpaman, ang kanyang anak na babae, si Leah, ay nakatira sa pamilya ng ama nito sa hilagang Utah.
Ang hindi inaasahang tawag kay Jacob na maglingkod sa misyon ay nag-iwan kay Susa na nasasabik at puno ng mga tanong. Hiniling ng sulat na tumungo si Jacob sa Hawaii sa loob lamang ng tatlong linggo, binibigyan siya ng kaunting panahon upang bayaran ang mga balanse sa kanyang negosyo. Hindi rin nito ipinahiwatig kung maaari niyang isama ang kanyang pamilya, gaya ng minsang pinapayagan ang mga missionary na gawin ito.
Nais sumama ni Susa sa kanya at isama ang mga bata, subalit hindi siya gaanong umaasa. “Mula sa tono ng pabatid kay Jacob, tila hindi niya nais na ako ay pumunta,” isinulat niya kinabukasan sa kanyang ina. “Ngayon ay naiisip mo na kung ano ang maaari kong harapin sa susunod na tatlong taon.”36
Kagyat na tinanggap ni Jacob ang tawag na magmisyon, ngunit tinanong niya kay Pangulong Taylor kung maaaring sumama sina Susa at ang mga bata sa kanya. “Mas nanaisin kong sumama sila sa akin,” isinulat niya. Ipinaalala niya sa propeta na si Susa ay nagtungo na sa Hawaii noon at kilalang-kilala ang lugar.37
Walang agarang tugon na dumating, at naghanda si Susa na hayaang umalis si Jacob nang mag-isa. Nalaman niya na tatlong iba pang mga missionary ang nakatanggap na ng pahintulot na dalhin nila ang kanilang mga pamilya sa Laie, kung saan limitado ang pabahay, kung kaya hindi niya inasahan ang katulad na pahintulot. Pagkatapos, isang linggo bago niya kailangang umalis ng Utah, tumanggap si Jacob ng liham na pinapayagan siyang isama ang kanyang pamilya.38
Nagmamadaling naghanda sina Susa at Jacob. Bukod pa rito, nagliham sila kay Alma Dunford, ang dating asawa ni Susa, upang itanong kung maaaring sumama sa kanila sa Hawaii ang sampung taong gulang na si Bailey. Sa halip na tumugon sa liham, naghintay si Alma hanggang paalis na ang pamilya patungong Hawaii. Pagkatapos ay hinarap niya ang mga ito sa istasyon ng tren sa Lunsod ng Salt Lake kasama ang isang deputy at mensahe ng hukuman na kinikilala ang kanyang karapatan na panatilihing kasama niya si Bailey sa Utah.
Bagama’t laging kapisan ni Bailey si Susa, iniwan siya ng korte na walang karapatan upang pigilin si Alma mula sa pagkuha dito. Habang lungkot na lungkot na nakikipaghiwalay si Susa sa kanyang anak, umiyak ang bata at sinikap na bumalik sa kanya.39
Kalaunan ay naglayag sina Susa at Jacob papuntang Hawaii kasama ang kanilang iba pang mga anak. Habang naglalayag, puspos ng lungkot at maysakit si Susa. Nang dumaong ang barko sa Honolulu, si Joseph F. Smith, na nakatira sa isla bilang destiyero upang maiwasan ang pagdakip, ang sumalubong sa kanila. Kinaumagahan ay nagpunta sila sa Laie, kung saan isang malaking pulutong ng mga Banal ang sumalubong sa kanila na may hapunan at isang konsyerto.40
Hindi nagtagal ay nakaangkop na sina Susa at Jacob sa buhay sa Laie. Hinangaan ni Susa ang magandang tanawin sa kanyang paligid, ngunit nahihirapan siyang masanay sa mga tirahan ng mga missionary, kung saan ay pinamumugaran ito ng mga hayop at insekto. “Kung ako man ay nalulungkot,” isinulat niya sa isang nakakatawang artikulo para sa Woman’s Exponent, “ako ay maraming kasama na mga bubwit, daga, alakdan, alupihan, ipis, garapata, lamok, buwaya, at milyun-milyong langgam.”41
Sa pangkalahatan, nangungulila siya sa Utah.42 Ngunit ilang buwan matapos dumating, tumanggap siya ng liham mula kay Bailey. “Sana kasama kita rito,” isinulat niya. “Iniisip ko kayo sa aking mga panalangin.”43
Sa mga panalanging iyon, kahit paano, maaaring mapanatag si Susa.
Noong nagtago si John Taylor sa unang bahagi ng 1885, sumama siya kay George Q. Cannon na nagtago nang palihim ilang linggo bago iyon. Sa ngayon, nakatagpo sila ng kanlungan sa tahanan ng ilang matatapat na Banal sa loob at sa palibot ng Lunsod ng Salt Lake, lumilipat tuwing ang mga kapitbahay ay nagsisimulang kumilos nang kahina-hinala o kapag hindi mapalagay si John. Dahil palagi silang tinutugis ng mga marshal, hindi sila maaaring hindi mag-ingat.44
Hindi magawang makipagkita sa mga Banal nang personal, sinubukan ng Unang Panguluhan na pangasiwaan ang mga gawain ng Simbahan sa pamamagitan ng liham. Kapag may ilang bagay na hindi malulutas ng gayong paraan, palihim silang makikipagkita sa iba pang mga lider ng Simbahan sa Lunsod ng Salt Lake. Bawat biyahe patungo sa lunsod ay mapanganib. Walang lider ng Simbahan na nagsasabuhay ng maramihang pag-aasawa ang ligtas.45
Noong Nobyembre, dinakip ng mga pederal na marshal si apostol Lorenzo Snow, na noon ay pitumpu’t-isang taong gulang at may mahinang kalusugan.46 Bago ang kanyang pagdakip, nagpasiya si Lorenzo na manirahan kasama ang isa lamang sa kanyang mga pamilya upang maiwasan ang paratang na labag sa batas na pagsasama nang hindi kasal. Subalit sinabi ng isa sa mga hukom na sangkot sa kaso na kailangan niyang ganap na tumigil sa pagiging asawa sa kanyang mga asawa. “Mas nanaisin kong mamatay ng isang libong kamatayan,” ipinahayag ni Lorenzo, “kaysa talikuran ang aking mga asawa at lumabag sa mga sagradong tungkuling ito.”47
Noong Enero 1886, hinatulan ng hukom si Lorenzo ng labingwalong buwan na pagkakabilanggo dahil sa tatlong bilang ng paglabag sa batas na magkasamang paninirahan. Noong sumunod na buwan, sinalakay nina marshal Elwin Ireland at ilang deputy ang sakahan ni George Q. Cannon at nagbigay ng mga subpoena sa mga miyembro ng pamilya na nakatira roon. Pagkatapos ay naglabas si Ireland ng $500 gantimpala para sa pagdakip kay George.48
Nang malaman ni George ang tungkol sa gantimpala, alam niya na ang isang pulutong ng mga “taong mangangaso” ang maghahanap sa kanya. Tutol na ilagay ang propeta sa panganib, nagpasiya siyang iwan si John nang ilang panahon. Sumang-ayon si John at pinayuhan siya na tumungo sa Mexico. Makaraan ang ilang araw, inahit ni George ang kanyang balbas at sumakay ng tren, umaasang makatakas mula sa Utah nang hindi napapansin.49
Subalit kahit paano ay lumabas ang mga sabi-sabi na nilisan ni George ang bayan at sumakay sa tren ang isang sheriff at dinakip siya. Pagkatapos ay dumating si marshal Ireland upang ihatid si George pabalik sa Lunsod ng Salt Lake.
Habang maingay na umaandar ang tren, isang miyembro ng Simbahan ang lumapit kay George at bumulong na isang grupo ng mga Banal ang nagpaplano na sagipin siya bago marating ng tren ang lunsod. Tumayo si George at nagpunta sa isang dungawan sa labas ng isa sa mga bagon ng tren. Hindi niya nais na may sinumang dakpin—o paslangin—dahil sa kanya.
Minamasdan ang tanawin ng taglamig, inisip ni George na lumundag mula sa tren. Gayunman, ang disyerto sa kanluran ay isang mapanglaw na lugar. Kung siya ay tatalon sa maling panahon, maaari siyang humantong ilang kilometro ang layo mula sa pinakamalapit na bayan. Maaaring nakamamatay na lakbayin ang tigang na lupaing ito nang naglalakad, lalo na para sa isang tao na halos animnapung taong gulang.
Hindi inaasahan ay biglang huminto ang tren, inihahagis si George palabas. Ang kanyang ulo at kaliwang bahagi ay malakas na tumama sa lupa habang maingay na nagpatuloy ang tren, naglalaho sa malamig at malungkot na kalupaan.
Nakahiga nang halos walang malay-tao sa nagyeyelong lupa, dama ni George ang sakit na dumadaloy sa kanyang ulo at katawan. Ang puno ng kanyang ilong ay naiusad sa isang banda, nabasag. Isang malalim na sugat ang gumuhit sa kanyang kilay papunta sa kanyang ulo, tinatakpan ang kanyang mukha at damit ng dugo.
Itinayo ang sarili, sinimulang maglakad ni George nang dahan-dahang sa riles. Hindi nagtagal nakita niya ang isang deputy na papalapit sa kanya. Napansin ni Marshal Ireland na nawawala siya at inutusan ang tren na huminto. Paika-ikang lumapit si George sa deputy, na sinamahan siya patungo sa kalapit na bayan.
Doon ay nagpadala si George ng telegrama na may kahilingan na walang Banal ang makikialam sa pagdakip sa kanya. Siya ay nasa mga kamay na ng Panginoon ngayon.50