2010
Umaasa sa Sariling Kakayahan
Enero 2010


Mensahe sa Visiting Teaching

Umaasa sa Sariling Kakayahan

Ituro ang mga banal na kasulatan at siping-banggit na ito o, kung kailangan, magturo ng isa pang alituntunin na magpapala sa mga kapatid na babae na inyong binibisita. Patotohanan ang doktrina. Anyayahan ang mga tinuturuan ninyo na ibahagi ang kanilang nadama at natutuhan.

Ano ang Pag-asa sa Sariling Kakayahan?

“‘Ang pag-asa sa sarili ay paggamit sa lahat ng pagpapalang bigay sa atin ng Ama sa Langit para itaguyod ang ating sarili at ating mga pamilya at lutasin ang sarili nating mga problema.’Bawat isa sa atin ay may tungkulin na sikaping iwasan ang mga problema bago pa mangyari ang mga ito at pag-aralang daigin ang mga hamon pagsapit nito. …

“Paano tayo makakaasa sa sariling kakayahan? Nakakaasa tayo sa sariling kakayahan sa pagtatamo ng sapat na kaalaman, edukasyon, at karunungan; sa matalinong pamamahala sa pananalapi at kabuhayan, espirituwal na katatagan, kahandaan sa mga biglaang pangangailangan at kagipitan; at pagkakaroon ng kalusugan at sosyal at emosyal na katatagan.”1

Julie B. Beck, Relief Society general president.

Isang Responsibilidad sa Ebanghelyo

“Kapag masinop tayong namumuhay at pinauunlad natin ang ating mga kaloob at talento, mas nakakaasa tayo sa sariling kakayahan. Ang pag-asa sa sariling kakayahan ay pag-angkin ng responsibilidad sa sarili nating espirituwal at temporal na kapakanan at sa mga yaong ipinagkatiwala ng Ama sa Langit sa ating pangangalaga. Sa pag-asa sa sariling kakayahan lang natin tunay na matutularan ang Tagapagligtas sa paglilingkod at pagpapala sa iba.

“Mahalagang unawain na ang pag-asa sa sariling kakayahan ay isang paraan para makamit ang isang mithiin. Ang pinakamimithi natin ay maging katulad ng Tagapagligtas, at ang mithiing iyan ay pinag-iibayo ng ating di-makasariling paglilingkod sa iba. Ang kakayahan nating maglingkod ay nadaragdagan o nababawasan sa antas ng ating pag-asa sa sariling kakayahan.”2

Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol.

“Ang pag-asa sa sariling kakayahan ay bunga ng ating paggawa at pundasyon ng lahat ng iba pang gawaing pangkapakanan. Ito ay isang mahalagang elemento sa ating kapakanang espirituwal gayundin sa temporal. Tungkol sa alituntuning ito, sinabi ni Pangulong Marion G. Romney [1897–1988]: ‘Magtrabaho tayo para sa ating pangangailangan. Umasa tayo sa ating sariling kakayahan at tumayo sa sariling mga paa. Ang kaligtasan ay hindi matatamo sa pamamagitan ng iba pang alituntunin. Ang kaligtasan ay responsibilidad ng tao sa kanyang sarili, at dapat nating isagawa ang ating sariling kaligtasan ukol sa mga bagay na temporal gayundin sa espirituwal.’ …

“Si Pangulong Spencer W. Kimball [1895–1985] ay nagturo pa tungkol sa pag-asa sa sariling kakayahan: ‘Ang responsibilidad para sa kapakanang panlipunan, emosyonal, espirituwal, pisikal, o pangkabuhayan ng bawat tao ay nakasalalay una sa kanyang sarili, ikalawa sa kanyang pamilya, at ikatlo sa Simbahan kung siya ay tapat na miyembro nito.’”3

Pangulong Thomas S. Monson.

Mga Tala

  1. “The Welfare Responsibilities of the Relief Society President,” Basic Principles of Welfare and Self-Reliance (2009), 4–5.

  2. “A Gospel Vision of Welfare: Faith in Action,” Basic Principles of Welfare and Self-Reliance (2009), 1–2.

  3. “Guiding Principles of Personal and Family Welfare,” Liahona, Peb. 1987, 3.