2010
Tinulungan ng Espiritu
Enero 2010


Ebanghelyo sa Aking Buhay

Tinulungan ng Espiritu

Nakahiga ang construction worker sa mismong kinabagsakan niya, mapanganib na nakabalanse sa makapal na tabla na siyam na pulgada (23 cm) ang lapad at 100 talampakan ang haba (30 m) na nakabitin sa ere. Tinamaan siya ng nahulog na biga na yari sa bakal na nagdulot ng malaking pinsala sa kanyang kaliwang bisig at binti.

Bilang paramedic ng Yorkshire Air Ambulance, na nakasasakop sa malaking bahagi ng hilagang England, hindi ko alam kung ano ang susunod na tawag o anong uri ang haharapin naming situwasyon kapag naroon na kami sa lugar na pinangyarihan.

Sa situwasyong ito, hindi maililipat nang ligtas ang biktima hangga’t hindi nasusuri ang kanyang mga pinsala. Itinaas ako ng crane sa isang tuntungan na yari sa bakal. Nang narating ko na ang kinalalagyan ng biktima, isang construction worker ang humawak sa likod ng aking reflective jacket, na nagsilbing human “crane” para makagalaw ako at masuri ang biktima.

Sa ganitong mga situwasyon, kailangan ang maraming taon ng pagsasanay, kaya’t sinimulan ko nang suriin ang mga pinsala ng lalaki. Nakabenda na ang kanyang tuhod na ilinapat na ng sariling first aid responder ng mga manggagawa sa konstruksyon. Karaniwan ay susuriin ko ang sugat upang mataya ang pinsala yamang ito ang itinuro sa aming gawin.

Ngunit habang inaabot ko siya, may paramdam sa akin ang Espiritu: “Huwag mong alisin ang benda.” Kaya’t hindi ko ito ginalaw. Tatlong beses pa sa insidenteng iyon, hinimok ako ng iba pang naroon—ang first responder, kasamahan ko sa ibaba, at isang doktor—na suriin ang sugat sa tuhod, at tatlong beses ring ipinadama ng Espiritu na huwag kong galawin ang benda. Nang estabilisado na ang pasyente, iniangat namin ang tao sa cargo platform, kapwa kami ibinaba, at dinala na namin siya sa ospital.

Sa emergency resuscitation area ay naghihintay sa amin ang trauma team. Inalis kaagad ng isang doktor ang benda sa tuhod. Biglang pumutok ang isang ugat, at nagsimula ang matinding pagdurugo ng pasyente. Sa kumpletong kagamitan ng ospital, ang nakamamatay na situwasyong ito ay kaagad na nalunasan. Kung nangyari ito sa makapal na tabla na nasa taas na 100 talampakan, malamang na hindi na nabuhay pa ang biktima.

Tuwing umaga ay nagdarasal ako at hinihiling sa Ama sa Langit na tulungan ako, na bigyan ako ng inspirasyon na malaman kung paano ko pinakainam na matutulungan ang aking mga kapatid na mangangailangan sa araw na iyon. Sa paglipas ng mga taon, naturuan ako ng karanasan na sundin ang anumang iparamdam ng Espiritu na gawin ko. Napangalagaan akong mabuti ng pagsunod na iyon.

Halimbawa, isa sa mga tungkulin ko ang magsilbing navigator, na gagabay sa piloto ng helicopter papunta sa lugar na pinangyarihan. Halos lahat ng lugar ay nalilipad at nililipad ng mga emergency helicopter, na siyang dahilan kung bakit napakahalaga ng mga ito para marating ang mga lugar na pinangyarihan ngunit mapanganib din sa kanila. Kapag lumilipad kami sa bilis na mahigit 140 milya (225 km) bawat oras, halos hindi makikita ang mga kable ng kuryente at telepono sa daraanan. At bigla na lang masasabit ang mga ito sa helicopter.

Minsan sa isang biyahe ay papalapag kami sa isang alanganing lugar. Biglang sinabi sa akin ng Espiritu, “Ibaba mo ang clipboard!” Muli halos kaagad, ipinaramdam sa akin, “Ibaba mo!” Kaya’t dumukwang ako para ilagay ang aking clipboard sa lalagyan sa gawi ng aking tuhod. Nang gawin ko ito, nagawi ang paningin ko sa iba, at nakita ko ang kable ng kuryente na nasa ibaba lang namin. “Kuryente! Kuryente! Kuryente sa ibaba!” ang tanging nasabi ko. At kahit talagang nasagi na namin ang kable at lumundo ito, kaagad na kumilos ang piloto, at umangat kami at naligtas. Muntik na akong madisgrasya roon. Kung hindi dahil sa paramdam ng Espiritu, iba sana ang naging wakas ng tawag na iyon ng emerhensya.

Nagpapasalamat ako sa magiliw na paraan ng Ama sa Langit na alam ang lahat ng ating mga pangangailangan. Palagi tayong binabantayan ng Panginoon. Gusto Niyang manatili tayong ligtas sa espirituwal at makabalik sa Kanya, kaya’t madalas Niya tayong kausapin sa pamamagitan ng marahan at banayad na tinig ng Espiritu. Ang gagawin lamang natin ay makinig at sumunod.

Kung hindi dahil sa paramdam ng Espiritu, iba sana ang naging wakas ng tawag na iyon ng emerhensya.