2010
Maging Tapat Pa
Enero 2010


Mensahe ng Unang Panguluhan

Maging Tapat Pa

Ang isa sa mahahalagang aral noon sa Kirtland ay kailangang laging pangalagaan ang ating mga espiritu. Kailangang manatili tayong malapit sa Panginoon sa araw-araw kung gusto nating malampasan ang mga pagsubok na kailangan nating lahat na harapin.

President Dieter F. Uchtdorf

Noong nakaraang tag-init isinama naming mag-asawa ang aming kambal na apong lalaki sa Kirtland, Ohio. Ito ay isang espesyal at mahalagang pagkakataon para sa amin na makasama sila bago sila umalis para sa kanilang misyon.

Sa pagbisita namin doon, mas naunawaan namin ang naging kalagayan ni Propetang Joseph Smith at ng mga Banal na nakatira sa Kirtland. Ang panahong iyon ng kasaysayan ng Simbahan ay kilala bilang panahon ng matitinding pagsubok subalit panahon din ng dakilang mga pagpapala.

Sa Kirtland ipinagkaloob ng Panginoon ang ilan sa di-pangkaraniwang pagpapakita ng langit at espirituwal na mga kaloob na di pa nararanasan ng mundong ito. Animnapu’t limang bahagi ng Doktrina at mga Tipan ang natanggap sa Kirtland at sa mga lugar sa paligid—mga paghahayag na nagdala ng bagong liwanag at kaalaman tungkol sa mga paksang tulad ng Ikalawang Pagparito, pangangalaga sa mga nangangailanagn, ang plano ng kaligtasan, awtoridad ng priesthood, ang Word of Wisdom, ikapu, ang templo, at ang batas ng paglalaan.1

Ito ay panahon ng pag-unlad sa espirituwal na walang kahalintulad. Sa katunayan, ang Espiritu ng Diyos Ama ay nag-aalab. Nagpakita sa panahong ito sina Moises, Elijah, at maraming iba pang makalangit na nilalang, kabilang na ang ating Ama sa Langit at Kanyang Anak, ang Tagapagligtas ng mundo na si Jesucristo.2

Isa sa maraming paghahayag na natanggap ni Joseph sa Kirtland ay ang paghahayag na tinawag niyang ang “dahon ng olibo … pinitas mula sa Puno ng Paraiso, at ang mensahe ng Panginoon tungkol sa kapayapaan sa atin” (pambungad sa D at T 88). Ang kagila-gilalas na paghahayag na ito ay kinapapalooban ng mapakumbabang paanyaya, “Magsilapit sa akin at ako ay lalapit sa inyo; masigasig akong hanapin at inyo akong matatagpuan” (D at T 88:63). Kapag lumalapit ang mga Banal ng Kirtland sa Panginoon, tunay na Siya ay lumalapit sa kanila, nagbubuhos ng mga pagpapala ng langit sa uluhan ng matatapat.

Masidhing Espirituwal na Karanasan

Marahil ang pinakadakila sa mga espirituwal na pagpapakitang ito ay naganap sa paglalaan ng Kirtland Temple noong Marso 27, 1836. Isa sa mga naroon ay ang 28-taong gulang na si William Draper, na inilarawan ang araw na iyon bilang “araw ng Pentecostes.” Isinulat niya: “Nagkaroon kami ng pagkakataong masidhing maramdaman ang Espiritu ng Panginoon, na hindi ko kayang maisulat lahat o mabigkas ng aking dila. Subalit dito ay masasabi ko na naramdaman namin ang Espiritu na dumating tulad ng isang malakas na pag-ihip ng hangin at lumaganap sa bahay, kaya ang maraming naroon ay nagsalita ng mga wika at nagkaroon ng mga pangitain at nakakita ng mga anghel at nagpropesiya, at lubos na naranasan ang kagalakan na hindi pa naranasan sa henerasyong ito.”3

Ang mga espirituwal na pagpapakitang ito ay hindi lamang sa mga yaong nasa loob ng templo, sapagkat “magkakasamang nagsitakbo ang mga tao sa paligid (nang marinig ang kakaibang ingay sa loob, at makita ang maningning na liwanag tulad ng isang haligi ng apoy na nanahan sa ibabaw ng Templo) at namangha sa nangyari.”4

Si Lorenzo Snow (1814–1901), na kalaunan ay magiging Pangulo ng Simbahan, ay nakatira sa Kirtland sa mapalad na panahong ito. Sinabi niya, “Maiisip ng iba na matapos matanggap ang kamangha-manghang mga pagpapakitang ito walang tukso ang makapananaig sa mga Banal.”5

Subalit, siyempre pa, may oposisyon at mga pagsubok pa rin sa kabila ng mga masidhing karanasang espirituwal na naranasan natin. Ilang buwan pa lang ang lumipas matapos ang paglalaan ng templo, isang malawakang krisis sa ekonomiya ang yumanig sa Estados Unidos, at lubhang naapektuhan ang Kirtland. Nalugi ang mga bangko, at iniwan ang marami na naghihikahos. At ang malala pa, marami sa mga Banal na nandayuhan sa Kirtland ang kakaunti lang ang ari-arian, na hindi alam ang kanilang gagawin kapag dumating na sila o kung paano sila mabubuhay.

Bago pa ito, nagkaroon ng mga pang-uusig at mga grupo ng masasamang tao laban sa mga Banal. Ang mga miyembro ng Simbahan—maging ang ilan sa pinakamalapit sa Propeta, na marami rito ay naroon sa paglalaan ng templo—ay nag-apostasiya at tinuligsa si Joseph bilang isang huwad na propeta.

Habang naglalakad ako malapit sa Kirtland Temple kasama ang aking asawa at mga apo, inisip ko kung gaano kalunus-lunos na hindi nanatiling tapat ang ilan sa kabila ng espirituwal na pagpapakita na kanilang nasaksihan. Napakalungkot na hindi nila napagtiisan ang pangungutya at paninira ng mga hindi naniniwala. Napakalungkot niyon, kapag naharap sa pagsubok sa pinansiyal o iba pang paghihirap, hindi nila maapuhap sa kanilang kalooban ang katatagan at lakas na manatiling tapat. Isang kasawiang-palad na hindi nila nakita ang mahimalang espirituwal na pag-aani sa paglalaan ng templo.

Ang mga Aral

Ano ang matututuhan natin sa kagila-gilalas na panahong ito sa kasaysayan ng Simbahan?

Ang isa sa mahahalagang aral noon sa Kirtland ay kailangang laging pangalagaan ang ating mga espiritu. Tulad ng itinuro ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973): “Ang patotoo ay hindi isang bagay na nasa iyo ngayon at nasa iyo palagi. Ang patotoo ay maaaring patuloy na magningning hanggang sa tiyak na kaliwanagan, o ito ay maaaring patuloy na mabawasan hanggang sa tuluyan nang mawala, depende sa kung ano ang gagawin natin tungkol dito. Masasabi ko, na ang patotoong inaangkin natin araw-araw ay ang bagay na magliligtas sa atin mula sa mga patibong ng kaaway.”6 Kailangang manatili tayong malapit sa Panginoon sa araw-araw kung gusto nating malampasan ang mga pagsubok na kailangan nating lahat na harapin.

Sa ilang paraan ang ating mundo ngayon ay tulad sa Kirtland noong 1830s. Tayo rin ay nabubuhay sa panahon ng pinansiyal na pangangailangan. May mga taong inuusig at kinakalaban ang Simbahan at ang mga miyembro nito. Ang mga pagsubok sa isang miyembro at pangkalahatang miyembro ng Simbahan ay tila mahirap lampasan.

Iyan ang panahong kailangan natin, nang higit sa lahat, na lumapit sa Panginoon. Kapag ginagawa natin ito, malalaman natin ang ibig sabihin ng palapitin ang Panginoon sa atin. Kapag mas masigasig natin Siyang hinanap, tiyak na matatagpuan natin Siya. Malinaw nating makikita na hindi pinapabayaan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan o Kanyang matatapat na Banal. Mamumulat ang ating mga mata, at makikita Siya na binubuksan ang mga durungawan ng langit at pauulanan tayo ng marami Niyang liwanag. Matatagpuan natin ang espirituwal na lakas na makayanan maging ang pinakamatinding pagsubok.

Bagamat nawalan ng pananaw ang ilan sa mga Banal sa Kirtland sa naranasan nilang espirituwal na mga karanasan, marami ang hindi. Ang karamihan, kabilang si William Draper, ay mahigpit na humawak sa espirituwal na kaalamang bigay sa kanila ng Diyos at patuloy na sinunod ang Propeta. Sa pagdaan ng panahon naranasan nila ang mas mapait na mga pagsubok gayundin ang mas matatamis na pag-unlad sa espirituwal hanggang, sa huli, yaong nagtiis hanggang sa wakas ay “tatanggapin sa … kalagayan ng walang katapusang kaligayahan” (Mosias 2:41).

Magagawa Ninyong Maging Tapat

Kung natutukso kayong mawalan ng pag-asa o pananampalataya, alalahanin ang mga Banal na nanatiling tapat sa Kirtland. Maging tapat pa, magagawa ninyo ito! Kayo ay bahagi ng isang natatanging henerasyon. Kayo ay inihanda at inilaan na mabuhay sa mahalagang panahong ito sa ating magandang daigdig. Kayo ay may selestiyal na angkan kaya nasa inyo ang lahat ng kailangang mga talento para magtagumpay sa buhay nang walang hanggan.

Biniyayaan kayo ng Panginoon ng patotoo ng katotohanan. Nadama ninyo ang Kanyang impluwensya at nasaksihan ang Kanyang kapangyarihan. At kung patuloy Siyang hahanapin, patuloy Siyang magbibigay sa inyo ng sagradong mga karanasan. Sa pamamagitan nito at ng iba pang mga espirituwal na kaloob, hindi lamang ang buhay ninyo ang inyong mababago para sa kabutihan kundi pagpapalain din ang inyong mga tahanan, ward o branch, komunidad, lungsod, estado, at bansa dahil sa inyong kabutihan.

Maaaring minsan ay mahirap itong makita, subalit maging tapat pa, sapagkat “hindi nakita ng mata, at ni narinig ng tainga, ni hindi pumasok sa puso ng tao, anomang mga bagay na inihanda ng Dios sa kanila na nangagsisiibig sa kaniya” at naghihintay sa Kanya (I Mga Taga Corinto 2:9; tingnan din sa D at T 76:10; 133:45).

Pinatototohanan ko ang katunayan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo at ang katotohanan nitong Kanyang Simbahan. Pinatototohanan ko nang buong puso at kaluluwa na buhay ang Diyos, na si Jesucristo ay Kanyang Anak at namumuno sa dakilang Simbahang ito. Muli tayong nagkaroon ng propeta sa mundo, maging si Pangulong Thomas S. Monson.

Nawa ay maalala natin ang aral sa Kirtland at maging tapat pa—kahit tila madilim ang mga bagay-bagay. Alamin at alalahanin ito: mahal kayo ng Panginoon. Naaalala Niya kayo. At Kanyang palalakasin sa tuwina ang mga “magtitiis nang may pananampalataya hanggang wakas” (D at T 20:25).

Mga Tala

  1. Para sa halimbawa, tingnan ang mga bahaging 45; 56; 76; 84; 89; 97; at 104.

  2. Tingnan sa D at T 76:23; 110:2–4, 11–13.

  3. William Draper, “A Biographical Sketch of the Life and Travels and Birth and Parentage of William Draper” (1881), typescript, Church History Library, 2; ang pagbabaybay at pagsulat ng malaking titik ay inayon sa pamantayan.

  4. History of the Church, 4:603.

  5. Lorenzo Snow, “Discourse,” Deseret Weekly News, Hunyo 8, 1889, 26.

  6. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Harold B. Lee (2001), 52.

Nagpakita ang Panginoon sa Kirtland Temple, ni Del Parson; paglalarawan ni Christina Smith

Kaliwa: paglalarawan ni Craig Dimond; mga paglalarawan ni Steve Kropp; kanan: paglalarawan ni Matthew Reier

Larawan ng Kirtland Temple na kuha ni Welden C. Andersen; pagsasalarawan ni Robert Casey