2010
Komentaryo
Enero 2010


Komentaryo

Isang Himala sa Aming Pamilya

Ang artikulo ni Elder Joseph B. Wirthlin, “Anuman ang Mangyari, Gustuhin Ito,” sa Nobyembre 2008 Liahona (p. 26), ay nagbigay ng espirituwal na tulong sa aming anak na babae, na kamakailan ay nakaranas ng matinding hirap. Noong siya ay nagdadalang-tao, sinabi ng doktor na hindi maganda ang resulta ng pagsusuri—ang aming apo ay hindi mabubuhay.

Nagbigay ng pag-asa sa amin ang araw-araw na pananalangin ng pamilya at ng bawat isa pati na ang artikulong iyon at isang himala ang nangyari sa aming pamilya: naisilang ang aming apong lalaki. Kailangan niyang manatili pansamantala sa ospital, subalit makaraan ang isang buwan hindi na kinumpirma ng mga doktor ang nauna nilang pagsusuri.

Alam namin na ang ating Ama sa Langit ay buhay gayundin ang ating Tagapagligtas at Manunubos na si Jesucristo. Totoo ang Pagkabuhay na Mag-uli at buhay na walang hanggan sa piling ng ating Ama sa Langit.

Gennadji at Tatjana Mitchenko, Russia

Hindi sa Araw ng Linggo

Isang araw nanalo ako ng tiket para sa larong soccer na tumapat sa araw ng Linggo. Tinawagan ko ang aking asawa at tinanong kung gusto niyang sumama sa akin sa laro. Sa halip na sumagot, sabi niya, “Pag-uwi mo, basahin mo ang Liahona.”

Pag-uwi ko binasa ko ang tungkol sa isang dalagita sa Brazil na hindi dumalo sa World Cup final sa France dahil natapat iyon sa araw ng Linggo (tingnan sa, “Hindi Paglalaro sa World Cup,” ni Suzana Alves de Melo Liahona, Hunyo 2007, 37). Tila nadama kong sinasabi sa akin ng Ama sa Langit, “Alam ko na gusto mo ang soccer, subalit ang Linggo ay araw ko. Huwag kang pumunta.” Kaya’t hindi ako pumunta sa laro. Mula noon patuloy ko nang binabasa ang mga salita ng ating propeta. Ang magasing ito ay isang kompas sa ating buhay. Palalakasin tayo nito sa magulong mundong ito.

Anderson Carpejane, Brazil

Walang Dapat Ikatakot

Napapaluha ako sa bawat isyu ng Liahona sa nakalipas na walong taon.

Nalaman ko, na may iba ring mga taong nahihirapan tulad ko. Subalit dahil sa ating mga patotoo na may malalim na espirituwal na mga ugat, walang bagay na hindi natin makakayanan.

Ang magasing ito ay nagsilbing espesyal na gabay sa aking buhay, at alam kong ito ang dahilan kung kaya’t ang pangalan nito ay Liahona.

Edwin Urrutia, Illinois, USA