2010
Maisasara Ko Ba ang Aking Negosyo sa Araw ng Linggo?
Enero 2010


Maisasara Ko Ba ang Aking Negosyo sa Araw ng Linggo?

Gerardo Adrián García Romero, Veracruz, Mexico

Tatlong linggo matapos kong buksan ang aking puso, tanggapin ang ebanghelyo, at gumawa ng mahalagang pasiya na magpabinyag noong 2001, dumalo ako sa klase sa Sunday School kung saan tinalakay namin ang kahalagahan ng pagpapanatiling banal sa araw ng Sabbath.

Bilang matagumpay na negosyante na may maraming empleyado, mahigit 20 taon na akong nagtatrabaho sa mga araw ng Linggo. Subalit dahil naunawaan ko ang kahalagahan ng araw na ito, nagpasiya akong sabihin sa tatlong manedyer ng aking tindahan na hindi na kami kailanman magbubukas tuwing Linggo.

Ilang linggo matapos kong ipahayag ang aking desisyon, sinabi sa akin ng tatlong manedyer na ilang mapipilit na kostumer, karamihan ay guro sa paaralan, ang nagtanong kung magbubukas kami sa susunod na Linggo. Kendi ang negosyo ko sa Papantla, at kailangang bumili ang mga tao ng kendi at piñatas sa paghahanda para sa El Día del Niño (Araw ng mga Bata), na ipagdiriwang sa kasunod na Lunes. Sa Araw ng mga Bata, na idinaos noong Abril 30 sa Mexico, ang mga paaralan ay may kasayahan at palaro, at tumatanggap ang mga bata ng kendi.

“Bukas, sa Sabado, malalaman ninyo,” sabi ko sa aking mga manedyer.

Nang umuwi ako, ikinuwento ko sa aking asawa ang nangyari. Akala ko sasabihin niyang, “Magbukas ka. Tutal, isang Linggo lang naman.” Pero hindi iyon ang sagot niya.

Sa matatag na tinig, sinabi niya sa akin na ako ang namumuno sa pamilya at nasa akin ang desisyon. Gayunpaman tinanong niya ako, “Kung may magsabi sa iyo na sa Linggong ito ay makakatanggap ka ng malaking kayamanan o matatanggap mo ang iyong Ama sa Langit, alin ang pipiliin mo?”

Nakatulong ang tanong niya upang maunawaan ko ang kahalagahan ng pagtanggap sa Panginoon tuwing Linggo at alam kong dapat kong panindigan ang aking desisyon. Ang pagsunod sa Panginoon ang pinakamahalagang bagay na magagawa natin sa araw ng Linggo, at mula noon hindi ko pinalampas ang pagkakataon na magawa ito.

Kung uunahin natin ang mga bagay ng Panginoon bago ang mga bagay ng tao, mabibigyan tayo ng patotoo tungkol sa araw ng Sabbath. Dahil pinanatili naming banal ang araw ng Sabbath, kami ng pamilya ko ay labis na pinagpala, pati na ang aking negosyo. Nawa ay matanggap nating lahat ang mga pagpapala ng paggalang sa araw ng Panginoon.