Mga Young Adult
Ilibing sa Limot ang Kahapon
Noong ako ay 16 na taong gulang, hindi talaga kami magkasundo ng kakambal kong lalaki. Pinag-aawayan namin halos lahat ng bagay. Isang araw ipinahiya niya ako nang matindi at hayagan sa eskwelahan sa harap ng mga kaibigan. Dahil sa ginawa niya at sa masasakit niyang salita nanlumo ako at bilang tinedyer ay hindi ko ito nakayanan. Kahit na noong hinarap siya ng mga magulang ko tungkol sa nangyari, hindi man lang siya humingi ng paumanhin. Maraming taon kong kinimkim ang hinanakit.
Nasa misyon pa siya nang matanggap ko ang tawag ko sa misyon. Naghahanda ako noon sa pagpasok sa templo at pinag-iisipan ang buhay ko para malaman kung ano ang dapat kong baguhin para maramdaman na handa na akong pumasok sa templo. Napag-isip-isip ko na kahit hindi ko na iniisip ang tungkol sa ginawa ng kapatid ko, kailangan ko pa rin siyang patawarin.
Higit kanino man ay labis akong nasaktan ng kapatid kong lalaki, at alam kong hindi siya madaling patawarin. Kaya humingi ako ng tulong sa Ama sa Langit.
Sa tulong Niya, nagpasiya akong sulatan palagi ang kapatid ko sa kanyang misyon. Bago iyon, inaamin ko, halos hindi ko man lang siya sinulatan. Pagkatapos ay pinadalhan ko siya ng package. Nang umalis ako papuntang misyon, dumating siya kasama ang mga magulang ko sa missionary training centter at niyakap niya ako. Ilang beses pa nga niya akong sinulatan. Alam ko na kahit matatagalan, sa tulong ng Ama sa Langit, maaari nating kalimutan na ang nakaraan.