Mga Klasikong Ebanghelyo
Paglutas sa mga Problema ng Damdamin sa Sariling Paraan ng Panginoon
Ang halaw na ito ay mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya na ibinigay noong Abril 1978. Isinunod sa pamantayan ang pagbabantas; idinagdag ang mga subhead. Ang buong teksto ay matatagpuan sa liahona.lds.org.
Nahaharap ang ating mga bishop sa dagdag na pagpapayo sa mga miyembrong may problema ukol sa damdamin kaysa pangangailangan sa pagkain o damit o tirahan.
Dahil dito, tungkol sa paksang ito ang mensahe ko: paglutas sa mga problema ng damdamin sa sariling paraan ng Panginoon.
Mabuti na lamang, angkop din sa mga problema ng damdamin ang mga alituntunin ng welfare. …
Mga Alituntunin ng Pag-asa sa Sariling Kakayahan
Nakasaad sa welfare handbook: “[Kailangan nating] masigasig na turuan at himukin ang mga miyembro ng Simbahan na tumayo sa sariling paa sa abot ng kanilang makakaya. Walang tunay na Banal sa mga Huling Araw na … kusang-loob na magpapabalikat sa iba ng kanyang sariling pasanin. Hangga’t makakaya niya, sa ilalim ng inspirasyon ng Makapangyarihan at sa sarili niyang pagsisikap, tutustusan niya ang sarili niyang mga pangangailangan sa buhay” ([1952], 2). …
Nagtagumpay tayo sa pagtuturo sa mga Banal sa mga Huling Araw na dapat nilang asikasuhin ang sarili nilang materyal na mga pangangailangan at pagkatapos ay tumulong sa kapakanan ng iba na hindi makapaglaan sa kanilang sarili.
Kung hindi kayang tustusan ng isang miyembro ang kanyang sarili, hihingi siya ng tulong mula sa sarili niyang pamilya, at pagkatapos ay sa Simbahan, sa ganoong kaayusan. …
Kapag makakaya ng mga tao ngunit ayaw nilang pangalagaan ang kanilang sarili, tungkulin nating ipatupad ang utos ng Panginoon na ang tamad ay hindi makakakain ng tinapay ng manggagawa. (Tingnan sa D at T 42:42.)
Ang simpleng patakaran ay pangalagaan ang sarili. Ang kasabihang ito ng katotohanan ang tila naging huwaran: “Kumayod ka nang may mapala, kung hindi walang magagawa.”
Nang unang ibinalita ang welfare program ng Simbahan noong 1936, sinabi ng Unang Panguluhan:
“… Ang layunin ng Simbahan ay tulungan ang mga tao na tulungan ang kanilang sarili” (sa Conference Report, Okt. 1936, 3; idinagdag ang pagkahilig ng mga titik). …
Ito ay sistema ng pagtulong sa sarili, hindi sistemang basta bigay lamang. Kailangan dito ang maingat na pag-imbentaryo ng lahat ng personal na mapagkukunan gayundin ng pamilya, lahat ay dapat magawa bago pa man lumapit sa iba o sa labas.
Hindi naman sa hindi mabait o walang pakialam ang isang bishop na nagsasabi na kailangang kumilos ang isang miyembro sa abot ng makakaya nito kapalit ng natatanggap nitong tulong pangkapakanan mula sa Simbahan.
Hindi dapat mapahiya ang sinumang miyembro na tutulungan ng Simbahan. Ang kailangan, nga lang ay naiambag niya ang lahat ng maaari niyang iambag. …
Ang pinakabuod ng gusto kong sabihin ay ito: Ang alituntunin ding ito ng—pag-asa sa sariling kakayahan—ay kapwa angkop sa espirituwal at sa emosyonal. …
Maliban kung tayo ay mag-ingat, may tendensyang magawa natin sa ating damdamin (ibig sabihin pati sa ating espiritu) ang ilang henerasyon na nating pinakaiiwasan sa materyal.
Pagpapayo
Tila nagkakaroon na tayo ng epidemyang “counselitis (palaging paghingi ng payo)” na umuubos sa espirituwal na lakas ng Simbahan tulad ng pangkaraniwang sipon na umuubos sa lakas ng sangkatauhan nang higit kaysa alin pa mang karamdaman. …
Sa matalinghagang pananalita, marami nang bishop ang parang natatambakan na ng mga form sa paglutas ng problemang ukol sa damdamin.
Kapag may lumapit na taong may problema, nakakalungkot na walang tanong na ibinibigay ng bishop ang form na ito, nang hindi iniisip kung ano ang ginagawa niya sa mga taong ito. …
Ang espirituwal na kasarinlan at pag-asa sa sariling kakayahan ay kapangyarihang nagtataguyod sa Simbahan. Kung aagawin natin ito sa mga miyembro, paano sila makatatanggap ng paghahayag para sa kanilang sarili? Paano nila malalaman na may propeta ang Diyos? Paano sila makatatanggap ng mga sagot sa mga panalangin? Paano nila matitiyak sa kanilang sarili? …
Pagsasagawa sa mga Pamilya
… Responsibilidad ng mga ama na pamunuan ang kanilang pamilya.
Kung minsan, taglay ang lahat ng mabubuting hangarin, napakarami nating hinihiling kapwa sa mga anak at sa ama kung kaya’t hindi na niya ito magampanan.
Kung kailangan ng anak ko ng payo, bishop, ako ang unang may responsibilidad dito, at pangalawa kayo.
Kung kailangan ng anak ko ng libangan, bishop, ako muna ang magbibigay nito, at pangalawa lang kayo.
Kung kailangang iwasto ang aking anak, akin munang responsibilidad iyon, at pangalawa lang kayo.
Kung nabibigo ako bilang isang ama, tulungan muna ninyo ako, bago ang mga anak ko.
Huwag kayong masyadong magpadalus-dalos na kunin sa akin ang tungkuling palakihin ang aking mga anak.
Huwag kayong masyadong mabilis sa pagpapayo sa kanila at paglutas ng lahat ng problema. Isali ninyo ako. Tungkulin ko ito.
Nabubuhay tayo sa panahong iginigiit ng kaaway sa bawat pagkakataon ang pilosopiya ng dagliang pagbibigay ng kasiyahan. Para bang gusto nating madalian sa lahat ng bagay, pati na ang mga madaliang kalutasan sa ating mga problema. …
Nilayon na maging isang hamon ang buhay. Ang dumanas ng kaunting pagkaligalig, kalungkutan, pagkasiphayo, at kahit kaunting kabiguan ay pangkaraniwan.
Turuan ang ating mga miyembro na kung paminsan-minsan ay mabuti o miserable ang kanilang araw, o sa sunud-sunod na araw, manatili silang handa at harapin ang mga ito. Magiging maayos din ang mga bagay-bagay.
May malaking dahilan ang pakikibaka natin sa buhay.