Hanggang sa Muli Nating Pagkikita
“Ako’y Masusumpungan sa Inyo”
Nabaling ang isip ko sa pakikipaglaro naming mag-asawa ng taguan sa maliliit naming anak. Gusto naming hanapin nila kami, pero gusto din naming mahanap nila kami.
Sa pagtatapos ng aming lesson sa Sunday School, pinabuklat sa amin ni Sister Hart ang Jeremias 29. Babasahin daw niya ang mga talata 12–14 nang malakas, at hiniling na pagnilayin namin ang ibig sabihin ng mga salita.
“At kayo’y magsisitawag sa akin,” pagbasa niya, “at kayo’y magsisiyaon at magsisidalangin sa akin, at aking didinggin kayo.
“At inyong hahanapin ako, at masusumpungan ako, pagka inyong sisiyasatin ako ng inyong buong puso.
“At ako’y masusumpungan sa inyo, sabi ng Panginoon …”
Nagpatuloy si Sister Hart, at tinapos ang talata 14, ngunit nasiyahan ang aking isipan sa paggunita, ninanamnam ang pangakong “Ako’y masusumpungan sa inyo.” Naalala ko noong nakikipaglaro kami ng taguan ng asawa kong si Emma sa maliliit naming anak. Sa tuwing kami ang magtatago, palagi kaming nagpapahanap kaagad. Minsan nag-iingay kami o nag-iiwan ng bakas ng paa para agad nila kaming mahanap. Minsan paulit-ulit kaming nagtatago sa iisang lugar. Gusto naming hanapin kami ng mga bata, pero gusto din naming mahanap nila kami. Inaasam namin ang kanilang mga yakap at kanilang kagalakan, ang di mapigil na paghagikhik dahil sa tagumpay.
Ang kanilang alaala ay nagpalalim sa aking pag-unawa sa pagmamahal sa atin ng ating Ama sa Langit. Gusto Niyang hanapin natin Siya, ngunit gusto rin Niyang mahanap natin Siya—alam Niya kung gaano tayo kasaya kapag nahanap natin Siya. Hindi Niya tayo pinaglalaruan. Sa halip, ginagawa Niya ang lahat para tulungan tayong malaman kung nasaan Siya at paano maghanap: ibinibigay Niya sa atin ang mga banal na kasulatan, tumatawag ng mga propeta, dinirinig ang ating mga panalangin, ginagabayan tayo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, binibiyayaan tayo ng mga templo at mga ordenansa ng priesthood at pamilya at mga kaibigan. At kung minsan ay nahanap na natin Siya sa kung saan, tiyak na muli natin Siyang matatagpuan doon kung handa tayong pag-ibayuhin ang ating paghahanap.
“Ako’y masusumpungan sa inyo, sabi ng Panginoon.” Isang pangakong nagbibigay ng kapanatagan! Sa isang mundo kung saan madali tayong matagpuan ng mga kaguluhan at tukso, nakapagbibigay ng kapanatagan ang malaman na napakadaling hanapin ang pinagmumulan ng ating lakas.