Mga Kuwento Tungkol Kay Jesus
Si Jehova at ang Dakilang Plano ng Ating Ama sa Langit
Bago pa magkaroon ng araw, buwan, o lupang mauupuan natin, lahat tayo ay nanirahan kasama ang ating mga magulang sa langit. Tayo ay mga espiritung anak nila, at wala pa tayong pisikal na katawan noon.
Mahal natin ang Ama sa Langit. At mahal na mahal niya tayo kaya nais Niyang umunlad tayo para maging tulad Niya at makapiling Niya magpakailanman. Gusto Niyang malaman natin ang lahat ng Kanyang nalalaman. Pero paano natin matututuhan ang lahat ng iyan?
Ang Ama sa Langit ay may dakilang plano. Tinipon Niya tayong lahat at sinabi sa atin ang tungkol sa Kanyang plano. Siya ay lilikha ng isang magandang daigdig na may mga ilog, bundok, bulaklak, at hayop. Pagkatapos ay bibigyan Niya ang bawat isa sa atin ng pagkakataon na isilang sa mundo at magkaroon ng pisikal na katawan. Mahahawakan natin ang mainit na buhangin sa ating mga kamay at madarama ang malalambot na damo sa ilalim ng ating mga paa.
Magkakaroon tayo ng mga pamilya sa mundo. Pakakainin, pangangalagaan, at mamahalin nila tayo.
Kapag nasa mundo na tayo hindi na natin maaalala ang Ama sa Langit, kaya kailangan nating malaman ang tungkol sa Kanya. Ang mga banal na kasulatan, propeta, at mga magulang natin ang makapagtuturo sa atin ng tungkol sa Kanya. Maaaring matukso tayong sumuway, at minsan ay magkakamali. Minsan magkakasakit tayo, at sa huli ay mamamatay tayong lahat.
Si Jehova ang panganay sa mga anak ng Ama sa Langit. Palagi Niyang sinusunod ang Kanyang Ama. Katulad Siya ng Ama sa Langit. Tinanggap Niya ang plano ng Ama sa Langit. Isa sa mga espiritung anak ng ating Ama sa Langit, si Lucifer, ang naghimagsik laban sa plano. Sinabi niya na hindi tayo dapat makapili sa pagitan ng tama at mali.
Sinabi ng Ama sa Langit na upang maisakatuparan ang Kanyang plano, kailangang may isang pumarito sa mundo na tutulong sa atin upang makabalik sa langit.
Kailangang may isang huwaran na magpapakita sa atin kung paano sundin ang Ama sa Langit. Sino ang lubos na masunurin para magawa ito?
Kailangang may magbayad-sala para sa atin upang makapagsisi tayo kapag nagkasala tayo. Sino ang may sapat na kabutihan para gawin ito?
Kailangang mamatay at mabuhay na muli ang isang tao upang lahat tayo ay mabuhay na muli at makabalik sa langit. Sino ang may sapat na tapang at pagmamahal para magawa ito?
May handa bang gumawa ng lahat ng ito para sa atin?
May isang taong handa. Sinabi ng ating panganay na kapatid na si Jehova, “Narito ako, isugo ako” (Abraham 3:27).
Minahal natin Siya dahil diyan.
Nang isilang si Jehova sa mundo, Siya ang ating Tagapagligtas. Siya ay tinawag na Jesucristo.