2010
Pag-aaral ng Gawain ng Relief Society
Enero 2010


Pag-aaral ng Gawain ng Relief Society

Sa unang Linggo ng buwan, naghihikayat ng pagtalakay ang Relief Society presidency kung paano natin maisasagawa ang ating sagradong mga responsibilidad bilang mga miyembro ng Relief Society.

Julie B. Beck

Noong unang matawag ang aming presidency, binigyan kami ng ilang impormasyon tungkol sa kasaysayan ng Relief Society, na tinipon sa maraming taon. Pinag-aralan namin ang mga ito nang may panalangin, hangad na malaman ang layunin ng Relief Society at ang nais ipagawa sa amin ng Panginoon sa panahon ng aming administrasyon.

Habang pinag-aaralan naming mabuti ang kasaysayan, nalaman namin na ang layunin ng Relief Society na itinatag ng Panginoon ay magbuo, magturo, at magbigay-inspirasyon sa Kanyang mga anak na babae upang ihanda sila sa mga pagpapala ng buhay na walang hanggan. Ang Relief Society ay angkop sa lahat ng aspeto sa buhay ng isang babaeng Banal sa mga Huling Araw. Ang kababaihan ay tinuturuan at pinasisigla sa pamamagitan ng visiting teaching, paglilingkod at mga miting ng Relief Society. Mithiin natin tuwing Linggo sa Relief Society na pag-aralan ang doktrina at mga alituntunin na tutulong sa atin na makamtan ang ating mga layunin. Dahil sa mga aralin natin tuwing Linggo, maipamumuhay ng kababaihan ang ebanghelyo nang may higit na pananalig sa kanilang mga pamilya at tahanan.

Kakaiba ang Unang Linggo

Sa pangalawa, pangatlo, at pang-apat na mga Linggo ng buwan, pinag-aaralan natin ang Mga Alituntunin ng Ebanghelyo at ang mga turo mula sa pangkalahatang kumperensya bilang paraan para maakay tayo sa mga pagpapala ng buhay na walang hanggan. Gayunpaman, sa unang Linggo ng buwan, tinuturuan at hinihikayat tayo ng isang miyembro ng Relief Society presidency sa pagtalakay kung paano natin maisasagawa ang ating sagradong mga responsibilidad bilang mga miyembro ng Relief Society.

Bilang kababaihang Banal sa mga Huling Araw nasa atin ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo at mga patotoo sa plano ng kaligtasan. Responsibilidad natin ang kababaihan ng planong iyan. Hindi ito maipapasa sa iba. Tayo ang mananagot sa harap ng Panginoon sa pagsasakatuparan ng ating mga tungkulin. At ang unang Linggo ng buwan ang panahong ipinagkaloob sa atin ng Panginoon bilang mga miyembro ng Relief Society upang matutuhan kung paano natin gagampanan ang ating mga tungkulin.

Umaasa ako na gagamitin natin ang kaloob na panahon na iyan para magampanan ang tatlong responsibilidad natin habambuhay bilang mga miyembro ng Relief Society: (1) pag-ibayuhin ang pananampalataya at kabutihan, (2) palakasin ang mga pamilya at tahanan, at (3) hanapin at tulungan ang mga nangangailangan.

Umaasa ako na babaling tayo sa mga banal na kasulatan at inaprubahang materyal ng Simbahan para sa mga halimbawa, alituntunin, at doktrina na tutulong sa atin na magampanan ang mga responsibilidad na ito at matutuhan kung paano haharapin ang mga hamon sa mga huling araw. Si Emma Hale Smith, ang ating unang Relief Society president, ay sinabihang “magpaliwanag ng mga banal na kasulatan, at upang manghikayat sa simbahan, alinsunod sa ibibigay sa iyo ng aking Espiritu” (D at T 25:7). Masusunod natin ang kanyang halimbawa.

Kung gagawin ko ito sa unang Linggo sa miting ng Relief Society, magsisimula ako sa pagpapasiya nang may panalangin kung ano ang dapat nating matutuhan. Pagkatapos ay sasaliksikin ko ang mga banal na kasulatan para malaman ang maituturo nito sa atin tungkol sa paksang iyan. Pag-aaralan ko ang mga itinuro ng mga propeta at lider ng Simbahan. Pagkatapos ay idadalangin ko ang paggabay ng Espiritu sa pagsulat ko ng ilang tanong na tatalakayin na magagamit natin sa pag-aaral nang sama-sama sa ating miting sa unang Linggo. Aasahan ko na uuwi ang mga miyembro nang mas matatag at gagamitin ang huwaran ding ito sa pag-aaral sa kanilang mga tahanan at pagtuturo sa kanilang pamilya.

Pagpapaibayo ng Pananampalataya at Kabutihan

Ang aking lola na si Isabelle Bawden Bangerter, ay kilala bilang babaeng may malaking pananampalataya. Nakamtan niya ang kanyang pananampalataya noong bata pa siya at pinalakas ito sa buong buhay niya. Maraming taon siyang nagturo sa Relief Society, at sa kalipunan ng kababaihan ng Relief Society siya ay kilalang mahusay sa teolohiya, isang babaeng maalam sa ebanghelyo at maituturo ito mula sa mga banal na kasulatan. Pinag-aaralan pa rin niya ang mga banal na kasulatan nang pumanaw siya sa edad na 97. Si Lola Bangerter ay isang babaeng tiyak sa kanyang papel na ginagampanan at responsibilidad sa kawalang-hanggan. Noong ako ay bata pang ina, itinanong ko sa kanya kung posible ang magpalaki ng isang mabuting angkan sa mundong puno ng kasamaan. Tumayo siya, at habang nakaturo sa akin ay mariin niyang sinabing, “Oo! Dapat lang! Iyan ang dahilan kung bakit ka narito!” Ang kanyang turo ay nagbigay-inspirasyon sa akin na maging lalong masigasig sa aking mga responsibilidad at mamuhay nang may malaking pananampalataya. Maaaring magkaroon ng gayong tuwiran at inspiradong pagtuturo bawat linggo sa Relief Society.

Madalas magtanong ang kababaihan kung paano mamuhay sa mundong ito nang may pananampalataya. Ang unang Linggo ng buwan ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon na pag-isahin ang pananampalataya na nasa bawat Relief Society. Ang karunungan ng lahat ng naroon ay makatutulong sa pagsagot sa mga tanong ng buhay at makapagbibigay ng mga inspiradong sagot.

Ang sumusunod ay iba pang mga halimbawa ng mapag-aaralan natin sa unang Linggo na tutulong sa atin upang mapag-ibayo ang ating pananampalataya at kabutihan:

  • Paggawa at pagtupad ng mga tipan.

  • Pagiging karapat-dapat para sa temple recommend at pagsamba sa mga templo.

  • Pagiging karapat-dapat para sa, pagkilala, at pagsunod sa impluwensya ng Espiritu Santo.

  • Pagtuturo at pagtatanggol sa ebanghelyo ni Jesucristo.

  • Pakikibahagi sa taimtin na personal at pampamilyang panalangin.

  • Pagdaraos ng family home evening.

  • Pagtupad sa mga alituntunin ng pag-asa sa sariling kakayahan at masinop na pamumuhay.

Pagpapalakas ng mga Pamilya at Tahanan

Noong ako ay bata pang miyembro ng Relief Society, minsan sa isang buwan ay may klase kami tungkol sa kung paano maging ina. Bagamat mapagmahal at mahusay ang aking ina, natuto pa rin ako sa aking mga guro sa Relief Society kung paano maging mas mabuting ina at paano pagagandahin ang aking tahanan. Natuto kami ng mga alituntunin at kasanayan sa pangangasiwa ng tahanan, natutuhan namin kung paano maging mas mabuting mga magulang, at kung paano patatagin ang pagsasama ng mag-asawa.

Madalas itanong sa akin ng mga batang ina kung muli naming pag-aaralan kung paano maging ina sa Relief Society. Ang sagot ko ay oo. Matututuhan nating itaguyod, pangalagaan, at protektahan ang mga pamilya sa unang Linggo ng buwan.

Narito ang ilang halimbawa ng mapag-aaralan natin sa unang Linggo na makatutulong sa atin upang mapalakas ang mga pamilya at tahanan:

  • Pag-unawa at pagtatanggol sa banal na tungkulin ng kababaihan.

  • Pagtanggap sa mga pagpapala ng priesthood.

  • Pagbuo ng walang hanggang mga pamilya.

  • Pananatili ng matibay na pagsasama ng mag-asawa.

  • Pagkakaroon at pagpapalaki ng mga anak.

  • Pagpapakita ng pagmamahal sa mga miyembro ng pamilya at pag-aaruga sa kanila.

  • Pagtanggap ng responsibilidad na maihanda ang sumisibol na mabuting henerasyon ng mga Banal sa mga Huling Araw.

  • Pag-alam, pamumuhay, at pagtatanggol sa doktrina na nagpapahalaga sa pamilya.

  • Pagsaliksik sa mga yumaong kaanak at pagsasagawa ng mga ordenansa sa templo para sa kanila.

Paghahanap at Pagtulong sa mga Nangangailangan

Ang mga aralin sa unang Linggo ay pagkakataon para palakasin natin ang isa’t isa at makahanap ng sagot sa mga problema ng buhay. Sa anumang panahon marami sa mga miyembro ng bawat Relief Society ang nakararanas ng mga pagsubok at kalungkutan. Tinawag ni Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang bawat ward Relief Society na isang “grupo ng kababaihan.” Sabi niya:

“Bawat babae, anuman ang kanyang katayuan sa grupong iyon, ay makatitingin sa magkabilang tabi at madarama ang pagbalik ng diwa ng inspirasyon sa magiliw niyang pagtulong sa mga taong naroon. …

“… Maglilingkod kayo sa inyong organisasyon, sa inyong layunin—ang Relief Society—itong dakilang grupo ng kababaihan. Matutugunan ang lahat ng inyong pangangailangan, ngayon, at sa mga kawalang-hanggan; lahat ng kapabayaan ay mabubura; lahat ng pang-aabuso ay maitatama. Lahat ng ito ay maaaring mangyari sa inyo, at magaganap kaagad, kapag iniukol ninyo ang sarili sa Relief Society.”1

Batay sa karanasan ko bawat ward Relief Society ay may kakayahang magbigay ng suportang kailangan ng isa’t isa. Kung hahangarin natin at tatanggapin ang tulong ng Espiritu Santo, lahat ng sagot ay matatagpuan sa bawat grupo ng kababaihan.

Responsibilidad nating tumulong—tumulong na maibsan ang kahirapan, karamdaman, pag-aalinlangan, kamangmangan, at lahat ng hadlang sa kagalakan at pag-unlad ng kababaihan. Ang Relief Society ay abala sa pagtulong sa iba noon pa man.

Alam natin na dahil nabubuhay tayo sa mga huling araw, tayo bilang mga indibiduwal at pamilya ay nahaharap sa maraming mahihirap na pagsubok. Kabilang sa mga hamon na ito ang pang-aabuso, adiksyon, kawalang-malasakit, pagkakautang, kalungkutan, pagsuway, kawalan ng trabaho, pagkawasak ng pamilya, karamdaman, pag-uusig, kahirapan, at karahasan. Halos katulad ito ng ipinropesiya ni Apostol Pablo sa II Kay Timoteo 3:1–7, 13. Gayunman, hindi tayo dapat matakot. Nasa atin ang ebanghelyo ni Jesucristo. Ibinigay din sa atin ni Apostol Pablo ang solusyon:

“Datapuwa’t manatili ka sa mga bagay na iyong pinagaralan at sa pinagkaroonan mo ng katunayan, yamang nalalaman mo kung kanino mo nangatutuhan;

“At mula sa pagkasanggol ay iyong nalalaman ang mga banal na kasulatan na makapagpadunong sa iyo sa ikaliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus.

“Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Dios ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran” (II Kay Timoteo 3:14–16).

Sa unang Linggo, maaaring personal na talakayin ng isang miyembro ng Relief Society presidency ang gawain ng Relief Society. Maaari siyang magtuon sa pagkakawanggawa bilang sagot sa partikular na mga pangangailangan ng ward o branch. Maaari niyang sanayin ang kababaihan na maging visiting teacher na tumutugon sa nakikita nilang mga pangangailangan ng iba. At kung nararapat, maaari siyang mag-atas ng mga gawain para tulungan ang partikular na mga taong nangangailangan.

Paggamit ng Unang Linggo

Naniniwala ako na kapag hinangad ng mga lider ng Relief Society ang tulong ng Espiritu Santo, sila ay mabibigyang-inspirasyon kung ano ang pag-aaralan at ituturo tuwing miting ng Relief Society sa unang Linggo. Alam ko na patuloy na lalaganap ang gawain ng Panginoon sa iba’t ibang dako ng mundo at ito ay uunlad nang husto dahil gagawin ng mabubuting kababaihan ng Simbahan ang lahat ng kanilang makakaya upang isulong ang gawaing iyan, una sa kanilang mga tahanan at pamilya at pagkatapos sa mga kaibigan at kakilala.

Tala

  1. Boyd K. Packer, “The Circle of Sisters,” Ensign, Nob. 1980, 109, 110.

1 Pag-ibayuhin ang Pananampalataya at Kabutihan. Ang aralin sa unang Linggo ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon na bumaling sa mga banal na kasulatan para sa mga doktrina na tutulong sa atin upang maharap ang mga hamon sa mga huling araw.

2 Palakasin ang mga Pamilya at Tahanan. Sa unang Linggo ng buwan, matututuhan natin kung paano patatagin, pangalagaan, at protektahan ang mga pamilya.

3 Hanapin at Tulungan ang mga Nangangailangan. Responsibilidad nating tumulong—tumulong na maibsan ang kahirapan, karamdaman, pag-aalinlangan, kamangmangan, at lahat ng hadlang sa kagalakan at pag-unlad ng kababaihan.

Paglalarawan ni robert casey; larawan ni Sister Beck na kuha ng Busath Photography

Mga larawan nina Sister Thompson at Sister Allred na kuha ng Busath Photography; paglalarawan ng pamilya ni Christina Smith

Kaliwa: Paglalarawan ni Craig Dimond