Paano Ko Nalaman
Naging Mausisa Ako Dahil sa Aklat na Iyon
Tinitigan ko ang Aklat ni Mormon at inisip na mabuti ang mensaheng itinuro ng mga misyonero.
Isang araw nagsama-sama kami ng mga kaibigan ko para magdiwang. Sa bahay ng kaibigan ko, nagkwentuhan kami, nag-inuman, at nanigarilyo. Pero isa sa mga kaibigan ko, si Patrick, ay hindi sumali. Tapos naisip ko na hindi man lang sinubukan ni Patrick ang mga bagay na ginagawa naming lahat; naalala ko na Mormon nga pala siya.
Nang gumabi na, naghiwa-hiwalay na ang lahat maliban sa amin ni Patrick. Umuwi kami sakay ng dyip. Habang iniisip pa rin kung bakit hindi sumali si Patrick, naalala ko apat na taon na ang nakararaan, nang kami ay 16 na taong gulang pa lang. Naalala ko na naglalakad kami sa kalye malapit sa eskwelahan nang sabihin ko sa kanya na gusto kong maging pari balang-araw.
“Sa simbahan namin maaari ka nang maging priest,” sagot ni Patrick. “Kailangan lang na maordenan ka. At kapag 19 na taong gulang ka na, maaari kang mangaral ng ebanghelyo bilang misyonero.”
“Nakakatawa naman iyan,” sabi ko, inaakalang wala siyang masyadong nalalaman sa ebanghelyo. “Paano naman makakapangaral ang isang 19 na taong gulang sa mga tao? Mahabang panahong nag-aaral ang mga pari bago makapangaral.”
Iginiit ni Patrick na ang mga 19-na-taong-gulang sa kanyang simbahan ay nakakapangaral na. Sinabi rin niya sa akin na ang simbahan nila ay may isa pang banal na kasulatan, at binigyan niya ako ng kopya. Binuklat ko ito sa bahay, at may nadama akong kakaiba sa aklat na iyon. Pero hindi ko pinansin iyon; isiniksik ko lang iyon sa isang kahon, kung saan apat na taon iyon doon.
Ngayong magkasama kaming nakasakay sa dyip matapos ang party, tinanong ko si Patrick kung saan siya pupunta. “Magkikita kami ng mga kaibigan ko. Mga elder sila—mga misyonero.” Naalala ko na nakikita ko sila. Tinanong ko si Patrick kung maaari niya akong isama para matanong ko ang mga elder tungkol sa kanilang simbahan.
Nakipagkita kami sa mga misyonero sa isang tindahan malapit sa kanilang subdibisyon, at binati nila kami at nakipagkamay. Napakapormal niyon. Pero matapos silang magpakilala sa akin, nalaman kong parang tulad din sila ng ibang mga lalaki. Gusto nilang makipagkita sa akin para masagot nila ang mga tanong ko.
“OK, kukunin ko na lang ang numero ng telepono ninyo para kung puwede ako, iti-text ko na lang kayo,” sagot ko. Hindi ko naman talaga balak i-text sila.
Nang makauwi ako, kinuha ko ang aklat na ibinigay ni Patrick sa akin apat na taon na ang nakararaan—may isang bagay tungkol dito na naging dahilan para mag-usisa ako. Kinaumagahan, itinext ko sa mga misyonero na turuan ako. Una nilang itinuro ang Panunumbalik ng ebanghelyo. Talagang kakaiba ito, at sinabi ko sa sarili ko, “Bakit gusto ng mga taong ibalik ang mga bagay-bagay samantalang alam naman nila na iba ang henerasyon noon sa henerasyon ngayon?”
Matapos ang dalawang talakayan, minabuti kong hindi na iyon ituloy. Nang tanungin ako kung bakit, sagot ko, “Hindi na ako interesado.” Lumipas ang isang linggo. Nakaupo akong nakatitig sa Aklat ni Mormon, nagmumuni-muni sa mga mensaheng itinuro sa akin. Sinimulan kong basahin ang sinabi ng mga misyonero na basahin ko sa 3 Nephi 11. Nabasa ko na pumunta si Jesus sa isa pang bansa para ipakita na Siya ang Tagapagligtas at Mesiyas. Sa 3 Nephi 15, nakilala ko ang isang talata na nabasa ko noon sa Biblia, sa Juan 10:16. Iyon ay isang bagay na hindi pa itinuturo sa akin ng mga misyonero.
Tumulo ang mga luha sa aking pisngi, at nag-iiyak ako sa loob ng silid ko. Napag-isip-isip ko ang pagmamahal ni Jesucristo sa atin. Lubos Niya tayong mahal kaya ibinigay Niya ang Kanyang sariling buhay upang iligtas tayo mula sa ating mga kasalanan. Hindi ako nag-atubiling manalangin, nagtatanong kung ang Aklat ni Mormon na hawak ko ay totoo. Habang mag-isang nananalangin sa aking silid, naramdaman ko na parang may nakikinig sa akin.
Lumambot ang puso ko sa mga pahiwatig na natangggap ko. Tumayo ako at sinabing, “Ito ang totoong Simbahan. Alam ko na ito ang Simbahan na ipinanumbalik ni Jesucristo.”
Sa araw bago ang binyag ko, inulit kong muli ang proseso ng panalangin. Muli ang narinig at nadama ko ay tumimo sa puso ko at alam ko na ang Espiritu Santo ang naghayag ng katotohanan sa akin. Alam ko ang katotohanan na si Jesus ang Cristo. Nadama ko sa puso’t isipan na gusto kong mabinyagan, naniniwalang sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay magiging malinis ako.
Nagbayad-sala si Jesucristo para sa ating mga kasalanan, at ito ang mismong dahilan kung bakit ako nagbalik-loob. Alam ko na Siya ang tanging maytaglay ng kapangyarihan at awtoridad na itayong muli ang Kanyang Simbahan sa ating dispensasyon. Ngayon bilang misyonero na naglilingkod sa Philippines Cagayan de Oro Mission, ginagawa ko ang lahat upang tulungan ang mga tao na madama ang napakalaking kaligayahan ko ngayon.