2010
Ang Bilog na Kendi
Enero 2010


Ang Bilog na Kendi

“Sasabihin ko sa iyo sa iyong isipan at sa iyong puso, sa pamamagitan ng Espiritu Santo” (D at T 8:2).

Nagising si Rachel na nagugutom. Bumangon siya mula sa higaan at tumakbo sa paminggalan. Binuksan niya ang pinto at naghanap sa tuktok ng istante. Naroon—ang garapon ng kendi! Sa loob ng garapon, nagniningning tulad ng makikislap na holen, ang kanyang paboritong mga kendi. Katakam-takam ang mga bilog na kendi na kulay red-orange na may masarap na tsokolate sa gitna.

Agad lumingun-lingon si Rachel para tingnan kung naroon si Inay o Itay. Naririnig niya ang kanilang boses, pero wala sila roon. Dahan-dahan niyang hinila ang isang upuan sa paminggalan at tumuntong dito. Pagkatapos ay kinuha niya at binuksan ang takip ng garapon ng kendi. Dumukot siya ng kendi, tinakpan itong muli, at tumakbo sa pasilyo papunta sa kanyang kuwarto. Subalit nang papalapit na ang boses ng kanyang mga magulang, nagpunta siya sa banyo at isinara ang pinto.

Gutom na tiningnan ni Rachel ang kanyang kendi, naisip niya, “Ihagis ko kaya ang isa sa ere at sasaluhin ko ng bibig ko?” At walang pagdadalawang-isip na inihagis niya nang mataas ang kendi. Pumailanlang ito sa ere, at diretsong bumagsak sa kanyang bibig na nakabuka at bumara sa kanyang lalamunan. Hindi siya makahinga!

Sinubukan niyang sumigaw pero walang lumabas na boses. “Itay, tulungan po ninyo ako!” ang palahaw niyang iyak. “Ama sa Langit, tulungan po ninyo ako!” ang dasal niya. Dumaloy ang mga luha sa kanyang pisngi sa pagpipilit niyang makahinga. Masama na ang pakiramdam niya at hilo na siya.

Biglang pumasok sa silid ang kanyang ama. Binuhat niya si Rachel nang nakatalikod at mariing inipit ng kanyang braso. Plop! Lumabas at nahulog ang kendi sa lababo. Naghabol ng hininga si Rachel. Ibinaba siya ni Itay at niyakap siya. “Okay na, Rachel,” ang marahan niyang sabi. “Magiging maayos ka na.”

“Salamat po, Itay,” sabi niya. “Sori po kumuha ako ng mga kendi nang hindi nagpapaalam. Mahal ko po kayo.”

Pumasok si Inay sa banyo. “Ano’ng nangyari?” tanong niya.

“May narinig akong tinig,” sabi ni Daddy. “Ang sabi, ‘Nasa panganib ang anak mo! Puntahan mo siya!’ Nakita ko si Rachel sa banyo, pero hindi ko alam kung ano ang problema. Pagkatapos ay sinabi sa akin ng tinig, ‘Buhatin mo siya!’ Iyon nga ang ginawa ko, at may lumabas na kendi sa kanyang bibig.”

Mahigpit na niyakap ni Mommy si Rachel.

Pinag-isipang mabuti ni Rachel ang nangyari sa araw na iyon. Naisip niya ang kendi at ang pagiging matapat. Naisip niya kung gaano kasarap ang huminga. Inisip niya kung gaano niya kamahal ang Ama sa Langit at sina Inay at Itay. Ngunit higit sa lahat, naisip niya ang Espiritu Santo. Napigilan ni Itay na mabulunan siya dahil nakinig ito. Gusto niyang maging tulad ni Daddy at palaging makinig sa Espiritu Santo.

Paglalarawan ni Matt Smith