Ang Bagong Manwal ng Mga Alituntunin ng Ebanghelyo
Ang magandang tomong ito ay malaking karagdagan sa alinmang aklatan sa tahanan gayundin sa mga silid-aralan ng Simbahan.
Simula 1998 ang mga manwal ng lesson para sa mga klase ng Melchizedek Priesthood at Relief Society ay ang mga tomo ng Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan (na babanggitin dito bilang Mga Turo). Bawat manwal ay nakatuon sa buhay at mga turo ng isa sa ating minamahal na mga propeta. Ang kahanga-hangang mga aklat na ito ay napakahalagang sanggunian ng mga miyembro sa iba’t ibang panig ng mundo upang makilala at mahalin nila ang mararangal na lalaking ito at ang kagila-gilalas na mga doktrinang itinuro nila. Ang kanilang mga payo ay nagbibigay-sigla at angkop na angkop ngayon tulad noong unang ibigay ng mga Kapatid ang mga mensaheng nakapaloob sa mga aklat na iyon. Umaasa kaming patuloy ninyong gagamitin ang inspiradong literatura ng matatapat na tagapaglingkod ng Panginoon. Ang kanilang mga turo ay angkop sa lahat ng panahon.
Simula sa 2010 dalawang taon nating hindi pag-aaralan ang mga manwal sa seryeng ito. Bilang kahalili nito, sa mga klase ng Melchizedek Priesthood at Relief Society sa ikalawa at ikatlong Linggo ng bawat buwan, ay pag-aaralan natin ang binagong manwal ng Mga Alituntunin ng Ebanghelyo. Natural lamang na mag-isip ang mga miyembro kung bakit ginawa ang pagbabago at kung paano ito makaaapekto sa kanila. Narito ang ilang tanong na maaaring sumagi sa isipan at ang mga sagot.
Bakit may Pagbabago sa Kurikulum?
Simula noong una nating gamitin ang Mga Turo, milyun-milyong mga tao na ang sumapi sa Simbahan. Marami sa kanila ang hindi pa gaanong malakas ang patotoo at, dahil sa limitadong karanasan sa Simbahan, ay makikinabang nang malaki kapag pinagtuunan ng pansin ang mga pangunahing turo ng ebanghelyo. Dagdag pa rito, lahat ng miyembro ng Simbahan ay makikinabang sa pagbabalik sa mga pangunahing doktrina. Sa ngayon ang masusing pag-aaral ng mga pangunahing doktrina ayon sa pagkakalahad sa bago at pinagandang manwal ng Mga Alituntunin ng Ebanghelyo ay makatutulong sa mga miyembro na palakasin ang kanilang pagkaunawa sa mga pangunahing turo ng ebanghelyo.
Ang mga manwal ng Mga Turo ay naging napakagandang kurikulum ng ating mga klase at mahalagang karagdagan sa ating sariling mga aklatan. Sa taong 2012 pag-aaralan nating muli ang mga turo ng ating mga dakilang Pangulo.
Paano Ito Makaaapekto sa Akin?
Ang manwal na Mga Alituntunin ng Ebanghelyo ay gagamitin bilang kursong pag-aaralan sa ikalawa at ikatlong Linggong mga klase sa Melchizedek Priesthood at Relief Society. Ito rin ang gagamiting manwal sa klase ng Gospel Principles Sunday School para sa mga bagong miyembro, investigator, at mga miyembrong nagiging aktibong muli. Dahil dito, maaaring isipin ng ilan sa inyo na mauulit ang ilang lesson nito para sa iba. Siyempre mayroon! Maganda naman ang karagdagang pakinabang sa atin ng pag-uulit. Kahit ang Tagapagligtas ay itinuro ang gayunding mga doktrina nang maraming beses upang mabigyang-diin ang mga konsepto. Isipin kung gaano Niya kadalas ituro sa atin na maniwala at magpabinyag sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan (tingnan, halimbawa ang, 3 Nephi 11:23–38)!
Nalalaman na kailangan nating matuto nang taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin, inuulit ng Panginoon ang maraming konsepto para hindi natin makaligtaan ang mga ito (tingnan sa Isaias 28:10, 13; 2 Nephi 28:30; D at T 98:12; 128:21). Ang gayong tagubilin, na pinangangasiwan ng malingap na mga guro na may malasakit sa mga miyembro ng kanilang klase, ay makadaragdag sa pananampalataya sa Panginoong Jesucristo.
Gayunman, sa aktuwal na pangyayari ay mas kaunti lang ang nauulit kaysa iniisip natin. Ang mga klase sa Melchizedek Priesthood at Relief Society ay karaniwang gagamit ng manwal nang dalawang linggo sa isang buwan, sa ikalawa at ikatlong Linggo, tulad ng paggamit noon sa manwal na Mga Turo. Magkakasunod ang mga lesson kung saan matatapos natin ang manwal na Mga Alituntunin ng Ebanghelyo sa loob ng dalawang taon. Samantala, iaakma ng gurong naghahanda para sa klase ng Gospel Principles Sunday School ang kanilang mga lesson sa bawat linggo sa pangangailangan ng mga kasali sa kanilang klase. Sa pangkalahatan, ang mga bagong miyembro, investigator, at miyembrong muling nagiging aktibo ay dadalo sa klase ng Mga Alituntunin ng Ebanghelyo sa loob ng panahong itinakda nila at ng kanilang bishop o branch president, at pagkatapos nito sila ay dadalo sa Gospel Doctrine Sunday School class.
Tulad ng mga manwal na Mga Turo, libre ito sa mga taong tatanggap ng mga bagong manwal na ito. Ilalaan ng bawat ward o branch ang kinakailangang mga manwal para sa mga miyembro nito.
Sa ilang panig ng mundo, gamit ng mga klase sa Melchizedek Priesthood at Relief Society ang mga aklat na Mga Tungkulin at mga Biyaya ng Pagkasaserdote at Ang Babaeng Banal sa Huling Araw sa halip na Mga Turo. Nailathala sa 45 wika, ang bagong edisyon ng Mga Alituntunin ng Ebanghelyo ay magagamit sa ilan sa mga yunit na ito sa taong 2010 at 2011. Gayunman, kung walang magagamit na bagong manwal, ang mas lumang edisyon ng manwal na Mga Alituntunin ng Ebanghelyo ay gagamitin pa rin.
Paano Nagbago ang Manwal na Mga Alituntunin ng Ebanghelyo?
Ang napakaganda nating manwal na Mga Alituntunin ng Ebanghelyo ay unang inilathala mahigit 30 taon na ang nakararaan. Laganap itong ginamit sa Simbahan bilang manwal ng mga lesson sa Sunday School, sa pagtuturo ng mga bagong miyembro tungkol sa mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo, at bilang mahalagang mapagkukunan sa tahanan. Gayon pa man, nadama ng Mga Kapatid na maaari nating pag-igihin ang kasalukuyang manwal at lalo pa itong pagandahin. Ang bunga ay ang magandang tomong ito na malaking karagdagan sa alinmang aklatan sa tahanan gayundin sa mga silid-aralan ng Simbahan.
Ang bagong edisyon ay may ilang mahahalagang katangian sa disenyo at teksto:
1. Disenyo
Ang bagong edisyon ay gagawing mas malaki at may bagong pabalat na tulad ng sa mga tomo ng Mga Turo. Binago rin ang disenyo ng teksto upang mas madali itong basahin. Magiging makulay ang mga retrato at iba pang mga paglalarawan. Lahat ng ito ay magbibigay ng mas kanais-nais tingnan na mga paglalarawan na makapagpapasigla sa personal na pag-aaral.
2. Teksto
Ang teksto ay binago upang maging mas epektibo ang manwal sa personal na pag-aaral, paghahanda ng guro, at mga talakayan sa klase. Upang makatulong sa personal na pag-aaral, marami sa mga siping-banggit at sanggunian ang binago upang maitugma ang aklat na ito sa mga tomo ng Mga Turo na inilathala noon. Dahil dito ay mas maraming matututuhan ang mga tao mula sa mga propetang binanggit sa manwal na Mga Alituntunin ng Ebanghelyo. Ang pagsasama ng mga manwal na ito ay makapagpapayaman sa pag-aaral kapwa sa silid-aralan at sa tahanan.
3. Mga Mungkahi sa Pagtuturo at Pagkatuto
Bawat kabanata ay may mga ideya na makatutulong sa mga guro na pagbutihin pa ang kanilang pagtuturo. Ang mga ideya ay batay sa totoong mga alituntunin sa pagtuturo mula sa Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin, ang sanggunian ng Simbahan sa pagpapahusay ng guro. Layon ng mga ideya na tulungan ang mga guro na mahalin ang kanilang mga tinuturuan, mag-anyaya ng masigasig na pag-aaral, at magturo ng doktrina sa pamamagitan ng Espiritu.
Dagdag pa rito, ang mga tanong na nagpapasimula sa bawat bahagi sa isang kabanata ay tutulong sa pagkakaroon ng talakayan at itutuon nito ang mga miyembro ng klase sa nilalaman ng bahaging iyon. Ang mga tanong na kasunod ng bawat bahagi ay makatutulong sa mga miyembro ng klase na magnilay-nilay, talakayin, at isagawa ang nabasa nila.
Isang Aklat na Angkop sa Lahat ng Panahon
Umaasa kami na ang bagong manwal ng Mga Alituntunin ng Ebanghelyo ay pahahalagahan sa mga tahanan at buhay ng lahat ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang bagong edisyon ay magbibigay-sigla sa pagtuturo at mapapasigla nito ang personal na pag-aaral. Mga kapatid, sa muli ninyong pag-aaral ng mahahalagang doktrina ng ebanghelyo ni Jesucristo, ang inyong patotoo ay lalago, madaragdagan ang inyong kaligayahan, at lalong sasagana ang mga pagpapala ng Panginoon sa inyong buhay.