Ating mga Tahanan, Ating mga Pamilya
Paano Namin Natutuhan ang Tungkol sa Kaligayahan
Noong panahon ng perestroika, napakahirap ng buhay, at nagkakawatak-watak na ang aming pamilya. Pagkatapos ay nakilala namin ang mga misyonero, at unti-unti kaming nabuong muli.
Palagi kong iniisip noon na matatag ang aming pamilya. Ang aming tatlong anak na lalaki at dalawang anak na babae ay tulad sa karaniwang mga bata, at mga karaniwang problema ang nararanasan namin sa kanila. Minsan kapag may ginagawa silang hindi maganda, nagagalit ako. Maya-maya sasabihin ko sa sarili ko,“Bakit ka ba masyadong nagalit sa kanila?”
Hindi ko alam noon na ang perestroika—isang panahon ng pagbabago sa pulitika at ekonomiya—ay nag-uumpisa na pala sa Russia. Hindi ko alam na mauubos pala ang mga paninda sa lahat ng tindahan, na sa maraming buwan at sa huli sa maraming taon, hindi kami makatatanggap ng sahod. Naging napakahirap ng buhay. Nahirapan kami, at kaming mag-asawa ay muntik nang magdiborsiyo. Dumating ang epidemya ng paggamit ng droga, at nasangkot dito ang isa sa mga anak naming lalaki. Parang wala na kaming pag-asa sa buhay. Hindi ko na alam kung kanino ako mananalangin, pero humingi pa rin ako ng tulong sa Diyos. Lumaban kami ng buong lakas namin, at unti-unti kaming nakaahon sa kahirapang humihila sa amin pababa.
Sa tag-araw ng 1998, natagpuan kami ng mga misyonero. Ganap na nagbago ang aming buhay habang tinatahak namin ang isang bagong direksyon. Sa loob ng limang taon nakapasok na kami sa templo at nabuklod bilang isang pamilya sa kawalang-hanggan.
Nang naglingkod sa full-time mission ang gitna naming anak na lalaki sa Czech Republic, sinabi niya sa bawat sulat niya,“Manatiling matatag at tapat. Kapag magkakasama, tayo ang pinakamasayang pamilya.” Kahit mga kaibigan ko sinasabi na ako na siguro ang pinakamasayang babae sa mundo dahil marami akong anak at mga apo at hinding-hindi ako makadarama ng kalungkutan.
Sa pagbabalik-tanaw, napag-isip-isip ko na tulad ng mga taong nakinig kay Haring Benjamin, nakaranas ang aming pamilya ng malaking pagbabago sa aming mga puso, at naging mga anak ni Cristo (tingnan sa Mosias 5:7). Napakalaking pagbabago ito para sa akin. Bago naging Banal sa mga Huling Araw, kapag naiisip ko ang kamatayan, nakakaramdam ako ng di makayanang hinagpis na bumabalot sa aking puso’t kaluluwa. Inubos ko ang lahat ng lakas ko para lamang maitaboy ang kaisipang iyon. Ngayon ay payapa na ang aking kaluluwa.
Natutuhan ko na may iba’t ibang anyo ang kaligayahan. Maaari itong matagpuan sa pinakamaitim na ulap o sa lupang natitigang dahil sa init. Matatagpuan din ito sa mainit na sinag ng araw sa gitna ng pagbuhos ng ulan. Ito ay nasa pag-usbong ng unang berdeng dahon ng tagsibol mula sa namumukadkad na poplar tree. Ito ay nasa puting talulot na umuusbong mula sa sanga ng puno ng mansanas. Ito ay nasa madilim na kalangitan sa gabi na may libu-libong kumukuti-kutitap na mga bituin. Ito ay nasa magiliw na pagtingin ng isang minamahal. Nakikita ito sa maningning na mga mata na nasa mga retrato ng pamilya.
Lumiligaya rin ako kapag nakagagawa ako ng kabutihan sa iba. Napupuspos ang kaluluwa ko kapag nananalangin ako sa ating Ama sa Langit. Minsan, kapag may gusto pa ako, naaalala ko na kailangan kong pahalagahan kung ano ang mayroon ako—ang Panginoon ang siyang nagbigay ng lahat sa akin.