LAKASAN ANG LOOB:Mamuno sa Ngalan ng Kabanalan!
Ginusto na ba ninyong gumawa ng kaibhan sa mundo ngunit di ninyo alam kung paano magsimula? Ginusto ba ninyong manindigan para sa mga bagay na tama ngunit nagkulang ng lakas ng loob dahil kapag ginawa ninyo ito ay babatikusin kayo ng inyong mga kaibigan? Ito ang taon upang maging lider kayo na siyang dahilan kaya kayo narito sa mundo. Ngayon, higit kailanman, kailangan ng mundo ang inyong liwanag at inyong pamumuno. Makagagawa kayo ng kaibhan.
Inaanyayahan tayo ng tema sa 2010 na “magpakalakas at magpakatapang na mabuti” (Josue 1:9). Ang lakas at tapang ay mga katangian ng mga lider. Bilang miyembro ng Simbahan, kayo ay isang lider sa ngalan ng kabanalan at kabutihan.
Ang ating propeta, si Pangulong Thomas S. Monson, ay nanawagan na magkaroon tayo ng lakas ng loob:
“Tapang ng loob ang kailangan sa pananatili ninyong malinis at marangal sa kabila ng kaisipan ng kasalukuyang panahon.
“Sa pananaw ng mundo ngayon hindi na masyadong binibigyang pansin kung ang mga kabataang lalaki at babae ay mananatiling malinis at dalisay bago ikasal. Ginagawa ba nitong katanggap-tanggap ang imoral na pag-uugali? Siguradong hindi!”1
Magkakaroon kayo ng tapang o lakas ng loob na mamuno sa pagsunod ninyo sa mga pamantayan, paggawa ng mga tamang pagpili, at pagsunod sa propeta. Magkakaroon kayo ng tapang o lakas ng loob sa araw-araw ninyong pagsisikap na dagdagan ang inyong patotoo sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagdarasal at pagbabasa sa Aklat ni Mormon. Magkakaroon kayo ng lakas na pamunuan ang iba habang ipinamumuhay ninyo ang mga pamantayan na nasa buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan. Sa paggawa ninyo ng mga bagay na ito, gaganda ang pakiramdam ninyo sa inyong sarili. Magkakaroon kayo ng tiwala, at madaragdagan ang inyong espirituwal na kalakasan.
At huwag kalimutang ngumiti! Magkaroon ng positibong pananaw. “Ating malugod na gawin ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya; at pagkatapos nawa tayo ay makatayong hindi natitinag, na may lubos na katiyakan, na makita ang pagliligtas ng Diyos” (D at T 123:17). Posibleng malaman palagi ang tama at mali (tingnan sa Moroni 7:16), at kayo ay pinapangakuan na sasabihin sa inyo ng Espiritu Santo ang “lahat ng bagay na nararapat ninyong gawin” (2 Nephi 32:5). Habang nag-aaral, pakinggan ang paggabay ng marahan at banayad na tinig. Tiyak ang pangako sa inyo na “sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay” (Moroni 10:5).
Anuman ang inyong kalagayan, isinilang kayo upang mamuno sa inyong pamilya, sa inyong paaralan, at sa inyong komunidad. Kaya’t sa taong ito, maging matatag, magkaroon ng lakas ng loob, at gumawa ng kaibhan sa mundo! Hindi kayo nag-iisa. Diringgin at sasagutin ng Ama sa Langit ang inyong mga dalangin at gagabayan ang inyong mga kilos o hakbang kapag nanatili kayong dalisay at karapat-dapat sa palaging pagsama ng Espiritu Santo.
Kayo ay mga anak na babae ng ating Ama sa Langit, na nagmamahal sa inyo. Ito ang inyong panahon. Mahal namin kayo at nananalangin na maging matatag at matapang kayo sa pamumuhay ng mga pamantayan at sa pamumuno sa ngalan ng kabanalan. Ang mabuting halimbawa ninyo ay gagawa ng kaibhan!