Mababago ng Bawat Mabuting Babae ang Mundo
Noong Abril 2008, ang katatawag pa lamang na Young Women general presidency—Elaine S. Dalton, Mary N. Cook, at Ann M. Dibb—ay tumayo sa tuktok ng Ensign Peak sa hilagang bahagi ng Salt Lake City at tinanaw ang buong lambak sa ibaba.
Mula sa kanilang kinatatayuan ang estatwa ng anghel na si Moroni ay kuminang sa tuktok ng Salt Lake Temple, at nalaman nila noon kung ano ang nais ng Panginoon para sa mga kabataang babae ng Simbahan.
Hawak ng tatlong babae ang isang tungkod na may gintong alampay na galing sa Peru na nakawagayway—ang kanilang sagisag at watawat sa mga bansa, isang panawagan sa pagbalik sa kabanalan.
“Hindi kami magsasalita tungkol sa bagong pinahahalagahan na nauugnay sa banal na katangian nang hindi sinasabi na ang dahilan para sa pinahahalagahan ay ang templo,” sabi ni Sister Dalton. “At ang templo ang dahilan ng lahat ng ginagawa namin sa Young Women, dahil tutulungan nito ang mga dalagitang ito na lumapit kay Cristo.”
Ang kabanalan ay opisyal na idinagdag sa mga pinahahalagahan ng Young Women noong Nobyembre 2008. Ito ay binigyang-kahulugan sa aklat na Pansariling Pag-unlad bilang “isang huwaran ng pag-iisip at ugali na nakabatay sa mataas na mga pamantayan ng kagandahang-asal. Kabilang rito ang kalinisang-puri at kadalisayan” (Young Women Pansariling Pag-unlad [buklet, 2009], 70).
Kakaiba ang pinahahalagahang ito dahil kailangang isagawa ang lahat ng karanasan at proyekto sa pinahahalagahan, samantalang ang ibang mga pinahahalagahan ay may ilang mga opsiyon na pagpipilian ng mga dalagita. Dagdag pa rito, sa kauna-unahang pagkakataon, inanyayahan ang mga ina na kumpletuhin ang programang Pansariling Pag-unlad kasama ang kanilang mga anak at magtamo ng sarili nilang mga medalyon.
Noong nakaraang taon, puspusang tumugon ang mga dalagita at iba pa sa iba’t ibang dako ng mundo sa panawagang bumalik sa kabutihan, dumagsa sa opisina ng Young Women ang mga sulat at larawan ng mga tumugon sa panawagan. Marami na ang umakyat sa mga bundok at iwinagayway ang sarili nilang mga sagisag.
Hinangad ng isang grupo ng mga dalagita sa Hannibal, Missouri, USA na mangako na maging mabuti mula sa isang mataas na lugar at dahil hindi makakita ng bundok sa malapit, ay umakyat sa isang 36 na palapag na tower, at iwinagayway ang kanilang sagisag, at nangakong mamumuhay nang mabuti.
Sa Mexico, ang pangalang Young Womanhood Recognition ay ginawang “The Award of the Young Woman of Virtue.” Sabik ang mga dalagita sa Mexico tungkol sa pagdagdag ng kabutihan bilang isang pinahahalagahan, sabi ni Sister Dalton—ito ay isang pinahahalagahan na pamilyar na sa kanila.
“Ang panawagan sa kabutihan ay tinanggap nang may labis na papuri, mula sa bawat aspeto, sa loob at labas ng Simbahan,” sabi ni Sister Cook. “Gusto ito ng mga lider; binigyang-diin ito ng mga lider ng priesthood; nagpasalamat para dito ang mga ina at lola.”
Ang proyekto para sa pinahahalagahan na may kaugnayan sa kabanalan ay ang sundin ang utos ng Tagapagligtas na matuto sa Kanya (tingnan sa D at T 19:23) sa pamamagitan ng pagbabasa ng buong Aklat ni Mormon at regular na pagsulat sa journal ng mga saloobin.
Ganito ang mababasa sa isang e-mail sa Young Women presidency mula sa isang sister sa England: “Nakakalungkot na kailangan kaming humingi ng paumanhin. Hindi namin matatapos ito nang ganoon kadali tulad ng inaasahan namin. Ang dahilan ay pinag-aaralan namin ng anak ko ang Aklat ni Mormon sa paraang hindi pa namin nagawa noon. Napakagandang karanasan ito, ayaw naming madaliin ito.”
Nagtuturo ang Aklat ni Mormon tungkol sa mga lipunan na umunlad at masaya kapag sila ay mabubuti at dalisay subalit bumabagsak kapag hindi na sila mabuti, sabi ni Sister Dibb.
Pawang puno ng sigla ang kalalakihan at kababaihan tungkol sa bagong pinahahalagahan, sabi ng Young Women presidency, nagbabanggit ng mga halimbawa ng buong grupo ng mga kabataang lalaki at mga singles ward na sama-samang gumagawa sa pinahahalagahan.
Binigyang-diin ni Sister Dibb na dapat magtuon ang kalalakihan at kababaihan sa kabanalan para matamo ang pinakadakilang mga biyaya. “Walang kapangyarihan o lakas ang kalalakihan na magamit ang priesthood na natanggap nila kung hindi dalisay ang kanilang pagkatao,” sabi niya. “At natatanggap ng kababaihan ang kapangyarihan at lakas na iyan upang gampanan ang kanilang banal na mga tungkulin bilang asawa, ina, at bilang babae kapag namumuhay sila sa kabutihan.”
Sinabi ni Sister Dalton na naniniwala siya na ang kahalagahan ng kabutihan ay inilaan sa panahong ito, ang panahong ginagawa ng mundo ang lahat maliban sa kabanalan.
“Napansin namin na sa mundong ito napakaraming dalagita ang maaaring makalimot sa kanilang identidad bilang mga anak ng Diyos,” sabi ni Sister Cook. “Ipinaaalala namin sa kanila iyon, at ang katotohanan din na kung ikaw ay nagkasala, ikaw ay makapagsisisi.”
Ang pangakong manatiling mabuti at dalisay ay posible dahil sa lakas at mapangtubos na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, sabi ni Sister Dibb. Ang ikaapat na proyekto sa pinahahalagahan ay nakatuon sa pagsisisi.
Sa nakalipas na taon, maraming kababaihan—kapwa matanda at bata—ang nagpahiwatig ng hangaring pagbalik sa pagiging mabuting babae. “[Ang pagdagdag ng kabanalan] ay lumikha ng kasiyahan sa mga babaing nakagawa ng maling pagpili. Marami ang nagsabi, ‘Maaari akong muling maging isang banal na babae. … Magagawa ko ito,’” sabi ni Sister Cook.
Marami sa mga nagnanais na muling maging banal ang nag-iisip kung saan sila magsisimula. Ibinabahagi ng Young Women presidency sa kanila ang pormulang ito: Manalangin gabi at araw. Magbasa ng Aklat ni Mormon nang limang minuto o mahigit pa araw-araw. At ngumiti.
“Kung gagawin ito ng lahat ng kababaihan sa Simbahan at sa mundo, isipin kung ano ang kahihinatnan ng mundo sa susunod na limang taon,” sabi ni Sister Dalton. “Tunay na naniniwala kami na maaaring mabago ng isang banal na kabataang babae na inakay ng Espiritu ang mundo.”