Napapanahon Kahit Hanggang Ngayon
Iniisip ba ninyo na masyado nang sinauna ang Lumang Tipan para may maituro pa sa inyo? Mabuting pag-isipan ninyong muli.
Bagamat ang mga salita, panahon, at kultura ng Lumang Tipan ay kakaiba sa ngayon, magugulat kayo sa dami ng maaari ninyong matutuhan mula sa Lumang Tipan. Sa pamamagitan ng mapanalanging pag-aaral, makahahanap kayo ng mga alituntunin sa mga kuwento sa Lumang Tipan na maaaring angkop sa inyong buhay ngayon. Narito ang siyam sa maraming halimbawa:
-
Iniwasan ni Jose ng Egipto ang tukso (tingnan sa Genesis 39:12). Ang pag-iwas sa tukso ay palaging mas madali kaysa pagkakasala at pagsisisi.
-
Pinatawad ni Jose ang iba, maging ang kanyang mga kapatid na nagbenta sa kanya sa pagkaalipin (tingnan sa Genesis 45). Pinatatawad ba ninyo ang iba, lalo na ang mga kabilang sa inyong sariling pamilya?
-
Ang Panginoon ay naglaan ng mana sa bawat araw upang pakainin ang mga Israelita (tingnan sa Exodo 16:15). Ang Panginoon ay naglaan din ng maraming bagay upang mapakain ang ating mga espiritu: panalangin, mga banal na kasulatan, ang sacrament, mga templo.
-
Binanggit sa Exodo 28 kung paano dapat manamit si Aaron at ang iba pang mayhawak ng priesthood. Hiniling ng Panginoon na manamit sila sa paraan na maaalala nila ang mahahalagang bahagi ng kanilang pagsamba. Kapag nagpupunta kayo sa simbahan o sa templo, paano naaapektuhan ng paraan ng inyong pananamit ang inyong pagpipitagan at pagsamba?
-
Malaking bahagi ng aklat ng Levitico ay tungkol sa sakripisyo at mga pagpapalang dulot nito. Ang inyong mga sakripisyo—ng panahon, talento, o salapi—ay magdudulot sa inyo ng mga pagpapala ng langit.
-
Mula sa halimbawa ni Samuel, nalaman natin ang kahalagahan ng pakikinig at pagkilala sa tinig ng Panginoon (tingnan sa I Samuel 3:4–10). Habang natututuhan ninyong kilalanin at sundin ang mga paramdam mula sa Espiritu Santo, mas gaganda ang inyong buhay.
-
Ipinakita ng pagpili ng batang si David na naniniwala siya na “may Dios sa Israel” (I Samuel 17:32–51). Ang inyong mga pagpili ang nagpapatunay kung naniniwala kayo o hindi sa Diyos.
-
Sinuway ni Daniel ang utos ng hari at nakita siyang nagdarasal (tingnan sa Daniel 6:11). Gaano kadalas kayong matagpuan na nagdarasal, kahit kapag tila mahirap gawin ito?
-
Nalaman ni Naaman na dumarating ang kapangyarihan kapag sinusunod natin ang propeta (tingnan sa II Mga Hari 5:1–14). Ang pagsunod sa payo ng mga propeta at apostol ngayon ay magdudulot din ng kapangyarihan ng Panginoon sa inyong buhay.
Ipinatapon ni Haring Nabucodonosor ang tatlong Israelita sa apoy. Ngunit nang tumingin ang hari sa apoy, may nakita siyang “apat na lalake na hindi gapos na nagsisilakad sa gitna ng apoy … at ang anyo ng ikaapat ay kawangis ng [Anak] ng Dios” (Daniel 3:24–25). Sa pagbabasa ninyo sa Lumang Tipan, makikita ninyong naglalakad ang Diyos kasama ang Kanyang mga anak. Maituturo sa inyo ng mga karanasang ito kung paano maging mas mabuting anak ng Diyos.