2010
Ano ang Dapat Nating Gawin Kapag Hindi Natin Alam ang Ating Gagawin?
Enero 2010


Nagsalita Sila sa Atin

Ano ang Dapat Nating Gawin Kapag Hindi Natin Alam ang Gagawin?

Inaasahan ng Panginon na tayo ay magtatanong, mag-aaral, at kikilos bagamat kulang tayo sa perpektong kaalaman.

Elder Stanley G. Ellis

Matapos paulit-ulit na mabigo si Nephi at ang kanyang mga kapatid na makuha ang laminang tanso mula kay Laban, humayo si Nephi sa huling pagkakataon, “nang sa simula ay hindi pa nalalaman ang mga bagay na nararapat [niyang] gawin” (1 Nephi 4:6).

Maraming propeta sa buong kasaysayan ang naharap sa gayunding hamon ng pagkilos nang may pananampalataya. Si Adan ay inutusang mag-alay ng mga hain nang hindi nalalaman ang dahilan (tingnan sa Moises 5:5–6). Nilisan ni Abraham ang kanyang bayan para maglakbay sa bagong lupaing pamana nang hindi nalalaman kung nasaan ito (tingnan sa Sa Mga Hebreo 11:8; Abraham 2:3, 6). Naglakbay si Pablo sa Jerusalem nang hindi nalalaman kung ano ang mangyayari sa kanya pagdating niya roon (tingnan sa Ang Mga Gawa 20:22). Lumuhod si Joseph Smith sa kakahuyan nang hindi nalalaman kung aling simbahan ang kanyang sasapian (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:19).

Maaaring malagay tayo sa gayong situwasyon na kailangan nating kumilos nang hindi alam ang gagawin. Salamat at ang mga karanasang nabanggit ay nagtuturo sa atin ng mga paraan para kumilos sa kabila ng kawalang katiyakan.

Hinikayat ni Nephi ang kanyang mga kapatid na maging tapat sa pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon (tingnan sa 1 Nephi 4:1). Pagkatapos ay kumilos siya sa pananampalatayang iyan. Siya “ay gumapang na papasok sa lunsod at nagtungo sa tahanan ni Laban,” na “pina[pa]tnubayan ng Espiritu” (1 Nephi 4:5–17). Hindi lamang sinabi sa kanya ng Espiritu kung ano ang gagawin kundi maging kung bakit napakahalagang gawin niya ito (tingnan sa 1 Nephi 4:12–14).

Si Adan ay tumugon sa pagiging “masunurin sa mga kautusan ng Panginoon” (Moises 5:5). Si Abraham ay kumilos nang may pananampalataya at, bunga nito, “[nag]lakbay sa lupang pangako” (Sa Mga Hebreo 11:9). Pinili ni Pablo na huwag matakot sa “mga tanikala at mga kapighatian” at sa halip ay tapusin ang ministeryong kanyang “tinanggap sa Panginoong Jesus” (Ang Mga Gawa 20:23–24). Pinagbulay-bulay ni Joseph Smith ang mga banal na kasulatan at nagpasiyang sundin ang paanyaya na “humingi sa Diyos” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:13).

Ang Ating Responsibilidad na Kumilos

Binabalaan tayo ng mga banal na kasulatan na hindi katwiran ang hindi pagkilos nang dahil sa wala tayong alam. Si Nephi ay “[nagnais] na malaman ang mga bagay na nakita ng [kanyang] ama,” pinagbulay-bulay ang mga ito sa kanyang puso, at “napasa Espiritu ng Panginoon” (1 Nephi 11:1). Samantala, inubos nina Laman at Lemuel ang kanilang oras na “nagtatalu-talo sila sa isa’t isa hinggil sa mga bagay na sinabi [ni Lehi] sa kanila” (1 Nephi 15:2).

Umaasa ang Panginon na tayo ay magtatanong, mag-aaral, at kikilos—bagamat may ilang bagay na hindi natin kailanman malalaman sa buhay na ito. Isa sa mga bagay na iyon ay ang oras ng Kanyang Ikalawang Pagparito. Sinabi Niya, “Mangagpuyat nga kayo: sapagka’t hindi ninyo nalalaman kung anong araw paririto ang inyong Panginoon” (Mateo 24:42). Dahil sa kawalang katiyakang ito, pinayuhan ni Pangulong Wilford Woodruff (1807–98) ang mga miyembro ng Simbahan na maghanda, subalit kanyang tiniyak na patuloy siyang magtatanim ng mga puno ng cherry.1

“Kapag namumuhay kayo nang marapat at ang inyong pasiya ay naaayon sa mga turo ng Tagapagligtas at kailangan ninyong kumilos, magpatuloy nang may tiwala,” sabi ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol. Kung sensitibo tayo sa mga paramdam ng Espiritu, sabi pa ni Elder Scott, “maaaring matuliro ang isipan, na ibig sabihin ay mali ang pasiya, o kapayapaan o pag-aalab sa dibdib ang madarama, na nagpapatunay na tama ang inyong pasiya [tingnan sa D at T 9:8–9]. Kapag namumuhay kayo nang matwid at kumikilos nang may tiwala, hindi hahayaan ng Diyos na magpatuloy pa kayo nang hindi nababalaan kung mali ang inyong desisyon.”2

Subukin ang Panginoon

Dalawang karanasan sa buhay ko—noong hindi ako sigurado sa gagawin ko—ang nagpakita ng kahalagahan ng pagsunod sa mga utos at sa buhay na mga propeta. Naubos ang pera ko noong nasa kolehiyo ako, kaya nagtrabaho ako nang part-time. Nang matanggap ko ang una kong suweldo, hindi ko alam kung magkakasya ito hanggang sa susunod na suweldo. Subalit naalala ko ang pangako ng Panginoon tungkol sa ikapu: “Subukin ninyo ako ngayon sa bagay na ito … kung hindi ko bubuksan sa inyo ang mga dungawan sa langit, at ihuhulog ko sa inyo ang isang pagpapala” (Malakias 3:10).

Nagpasiya akong subukin ang Panginoon. Una kong binayaran ang aking ikapu, at pinagpala Niya ako na makaraos. Sa nangyari natutuhan kong magtiwala sa Kanyang mga pangako.

Makalipas ang mga taon, nang maliliit pa ang mga anak namin ni Sister Ellis at kasisimula ko pa lang sa bagong trabaho, binago ng amo ko ang mga medical insurance plan. Ang dating insurance plan ay magtatapos nang Hunyo 1 at ang bago ay magsisimula nang Hulyo 1, at wala kaming seguro sa loob ng isang buwan. Hindi namin alam ang gagawin, subalit sa puntong iyan naalala namin ang mensahe ni Pangulong N. Eldon Tanner (1898–1982) na nagpayo sa mga miyembro ng Simbahan na palaging magkaroon ng health insurance.3

Nakipag-usap ako sa kompanya, at nagkasundo kami na magpapatuloy ang seguro sa buong buwan ng Hunyo. Noong Hunyo 28 ang aming panganay na anak na si Matt, ay nahulog sa mataas na diving board sa pool ng kapitbahay namin at tumama sa semento. Nabasag ang kanyang bungo at naalog ang kanyang utak. Isinugod siya sa ospital sakay ng helikopter, kung saan siya ginamot ng mga espesyalista. Napakalaki ng bayarin at talagang masasaid kami. Buti na lang, ang health insurance ang nagbayad halos sa kanyang pagpapagamot.

Ano ang Dapat Nating Gawin?

Kaya ano ang dapat nating gawin kapag hindi natin alam ang ating gagawin? Huwag na tayong lumayo pa sa mga propeta, banal na kasulatan, at sa Tagapagligtas para sa sagot. Ang mahahalagang mapagkukunang ito ay nagtuturo sa atin na:

  1. Hanapin ang mga sagot sa pamamagitan ng pag-aaral at panalangin.

  2. Sundin ang mga utos.

  3. Magtiwala sa Panginoon at sa Kanyang mga pangako.

  4. Sundin ang propeta.

  5. Sumulong nang may pananampalataya, hindi nang may takot.

  6. Tapusin ang ating misyon.

At sa bawat hakbang na ito, nawa ay sundin natin ang payo ni Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Palagi nating sundin ang mga panghihikayat ng Espiritu sa tuwina.”4

Mga Tala

  1. Tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Wilford Woodruff (2005), 274.

  2. Richard G. Scott, “Paggamit sa Kaloob ng Langit na Panalangin,” Liahona, Mayo 2007, 10.

  3. Tingnan sa N. Eldon Tanner, “Constancy amid Change,” Liahona, Peb. 1982, 46; Ensign, Nob. 1979, 82.

  4. Boyd K. Packer, “Restoration,” Worldwide Leadership Training Meeting, Ene. 11, 2003, 2.

Paglalarawan ni Matthew Reier

Nilisan ni Abraham ang kanyang bayan para maglakbay sa bagong lupaing pamana nang hindi nalalaman kung nasaan ito. Si Abraham ay kumilos nang may pananampalataya at, bunga nito, “[nag]lakbay sa lupang pangako.”

Huwag na tayong lumayo pa sa mga propeta, banal na kasulatan, at sa Tagapagligtas para sa sagot.

Kaliwa: Ang Pag-alis ni Abraham sa Haran, ni G. Bernard Benton; kanan: paglalarawan ni Gregg Thorkelson