Paglilingkod sa Simbahan
Sino, Ako? Magtuturo?
“At ngayon ibibigay natin ang oras kay [isulat ang inyong pangalan] para sa ating lesson.” Kung maririnig mo ang mga salitang ito sa simbahan sa susunod na Linggo, matatakot ka kaya o magtitiwala?
Sa malao’t madali bawat miyembro ng Simbahan ay nagiging isang guro. Maaari itong mangyari sa Primary, sa Relief Society o sa isang priesthood quorum, sa visiting o home teaching, o sa family home evening. Sa maraming tao na bago pa lamang sa Simbahan, ang ginagampanan ng guro ay maaaring hindi pangkaraniwan. Kahit ang mga nakapagturo na nang maraming beses ay maaaring mag-isip kung paano sila lalo pang magtitiwala at magiging epektibo sa pag-antig ng buhay tungo sa kabutihan.
Narito ang ilang simpleng ideya na makatutulong sa bawat isa sa atin na gampanan ang ating mga gawain sa pagtuturo:
-
Ang panalangin ay mahalagang kasangkapan sa pagtuturo. Simulan ang bawat bahagdan ng paghahanda ninyo ng lesson sa mapagpakumbabang pananalangin para mapatnubayan ng Espiritu. Asahan ang pangako ng Panginoon sa lahat ng guro: “Ang Espiritu ay ibibigay sa inyo sa pamamagitan ng panalangin nang may pananampalataya” (D at T 42:14).
-
Halos lahat ng lesson ay sobra ang materyal sa manwal kaysa matatalakay ninyo sa klase. Basahin ang lesson, at mapanalanging piliin ang isa o dalawang pangunahing alituntunin na inaakala ninyong pinakamainam para sa inyong klase.
-
Mapanalanging pag-aralan ang mga banal na kasulatang nauugnay sa inyong lesson, at kumuha ng mga halimbawa at alituntunin mula sa mga ito. Ang salita ng Diyos ay may “higit na malakas na bisa sa isipan ng mga tao kaysa … ano pa mang bagay” (Alma 31:5).
-
Mapanatag sa katotohanan na hindi ninyo kailangang malaman ang lahat tungkol sa lesson upang maging epektibong guro. Magplano ng ilang simpleng tanong na magbibigay-daan upang magbahagi ang mga miyembro ng inyong klase ng kanilang mga karanasan at pananaw. Maaaring ito ang maging pinakanakaaantig at di malilimutang bahagi ng inyong lesson.
-
Bilang isang guro, tinawag rin kayo upang matuto. Ang pagtuturo ng ebanghelyo “ay nangangailangan ng inyong masigasig na mga pagsisikap upang mapalawak ang inyong mga kasanayan, nalalamang pauunlarin ang inyong mga kakayahan ng Panginoon kapag nagtuturo kayo sa paraang iniuutos Niya.”1
Para sa karagdagang mga ideya sa pagtuturo, tingnan sa Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin.