2010
Paghahanda para sa Priesthood
Enero 2010


Paghahanda para sa Priesthood

Sabik na ang labing-isang taong gulang na si Hansen Prabhudas ng Bangalore Second Branch, Bangalore India District. Pagkatapos magsimba, tuturuan siya ng mas matatandang batang lalaki sa branch kung paano maghanda, magbasbas, at magpasa ng sacrament.

Una, ipinakita ng mga teacher sa Aaronic Priesthood kung paano inihahanda ang mga tray ng tinapay at punuin ang mga cup ng tubig.

Sumunod, binasa ng mga priest ang panalangin sa sacrament at ipinaliwanag kung paano nila itinutupi ang mga mantel.

Panghuli, itinuro ng mga deacon kung saan sila tumatayo, kung paano ipinapasa ang sacrament sa kongregasyon, at paano nila tinutulungan ang lahat na maging mapitagan.

“Mahalaga ang Aaronic Priesthood,” sabi ni Hansen. “Marami akong dapat gawin upang maghanda sa pagtanggap nito.”

Bukod sa pag-aaral ng tungkol sa sacrament, binabasa ni Hansen ang mga banal na kasulatan at sinisikap sundin ang mga utos at kanyang mga magulang. Natututuhan din niya sa Primary ang tungkol sa Simbahan at nagpapakita ng magandang halimbawa sa kanyang siyam na taong gulang na kapatid na si Gideon.

Mga Pagpapala ng Priesthood

Maraming natututuhan si Hansen tungkol sa priesthood mula sa kanyang tatay, na mayhawak ng Melchizedek Priesthood at naglilingkod sa elders quorum presidency. “Bininyagan ako ni Itay at, kalaunan, si Gideon naman,” sabi ni Hansen. “Kapag maysakit si Inay, tumutulong siya sa pagbibigay ng basbas ng priesthood kay Inay para gumaling siya.”

Pinapagaan ang mga Gawain

Tinutulungan din ng tatay ni Hansen ang asawa nito sa pamamalengke at pagluluto. “Ginagawa niya ang lahat ng magagawa niya para tulungan kami,” sabi ni Hansen. At tinutulungan ng mga magulang niya ang maraming tao, lalo na sa Simbahan.

Madalas ay abala ang nanay ni Hansen sa kanyang tungkulin bilang branch Primary president. Pinapagaan ni Hansen ang gawain niya sa pamamagitan ng pagbili ng mga gulay at paghuhugas ng pinggan.

“Mahal ko ang mga magulang ko,” sabi ni Hansen. “Nagpa-family home evening kami bawat linggo, binabasa namin ang mga banal na kasulatan, at magkakasama kaming pamilya sa pananalangin.”

Habambuhay na Paglilingkod

Kapag 11 taong gulang ka na, marami kang paghahandaan. “Kailangan kong matutong makinig sa Espiritu Santo,” sabi ni Hansen. “Gagabayan Niya ako habang nag-aaral ng ebanghelyo sa aking priesthood quorum, sa Young Men, at kalaunan ay sa seminary. Makakatulong ang lahat ng ito sa paghahanda ko na maging full-time missionary. At dapat matutuhan kong tulungan ang mahihirap at magbigay ng mas mabuting paglilingkod,” sabi ni Hansen. “Kailangan kong maghanda para sa habambuhay na paglilingkod, dahil ang ibig sabihin ng priesthood ay paglilingkod sa iba katulad ng gagawin ni Jesucristo kung Siya ay narito.”

Ang paboritong kuwento ni Hansen sa banal na kasulatan ay tungkol kay Noe. “Gustung-gusto ko ang paraan ng pagsunod sa kanya ng mga hayop nang oras na para pumasok sa arka.” Alam niya na maraming ginawang paghahanda si Noe para sa hinaharap, tulad ni Hansen na marami ring gagawing paghahanda para sa priesthood.

Mga Libangan ni Hansen

Mga Laro: Ang paboritong laro ni Hansen ay badminton, pero gusto rin niya ang larong cricket, soccer, o kahit na habulan kasama ang kanyang kapatid at kaibigan nilang nakatira malapit sa kanila. “Badminton man o cricket, o soccer ang laro ninyo, mahalagang maglaro bilang isang team,” sabi ni Hansen. “Katulad iyan ng priesthood, dahil sa priesthood quorum kailangan ding kumilos bilang isang team.”

Nag-aalaga ng isda: Nagpaparami si Hansen ng isang uri ng isda sa baldeng nasa likod ng kanilang aparment. Pagkatapos inililipat niya ito sa isang maliit na aquarium. “Gusto ko ang iba’t ibang kulay at kung paano naglalaro ang mga isda,” sabi niya.

Pagkanta: “Dito ay May Pag-ibig” (Aklat ng mga Awit Pambata, 102–03) ang paboritong kanta ni Hansen sa Primary. Mahilig silang kumanta ni Gideon ng tungkol kay Jesus, lalo na ang mga himno. “Nakatutulong ang mga himno para mapanatili ang pagmamahalan sa aming pamilya,” sabi ni Hansen.

Nasaan ba sa Mundo ang Bangalore, India?

India

Bangalore

Mga larawang kuha ni Richard M. Romney; mapa ng Mountain High Maps, © 1993, Digital Wisdom, Inc.

Natututuhan ni Hansen ang tungkol sa pagiging magandang halimbawa sa iba’t ibang tagpo: sa mga mayhawak ng Aaronic Priesthood sa kanilang branch, sa family home evening, sa paglalaro ng football, at sa pagluluto ng pagkain kasama ang kanyang nakababatang kapatid na si Gideon.