2010
Ikatutuwa ng mga Kabataan ang A Brand New Year
Enero 2010


Ikatutuwa ng mga Kabataan ang A Brand New Year

Ang mga yunit ng Simbahan sa iba’t ibang dako ng mundo ay tumanggap ng isang DVD na may pamagat na A Brand New Year: 2010 Youth Celebration. Ipinakikilala sa DVD ang 2010 Tema ng Mutwal at magagamit na suplemento sa mga klase ng kabataan, mga miting ng korum, Mutwal, talakayan ng bishop at kabataan, at iba pang aktibidad sa buong taon.

Ang 2010 Tema ng Mutwal ay “Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang na mabuti; huwag kang matakot, ni manglupaypay: sapagka’t ang Panginoon mong Dios ay sumasa iyo saan ka man pumaroon” (Josue 1:9; idinagdag ang pagbibigay-diin). Ang unang bahagi ng A Brand New Year: 2010 Youth Celebration ay nagtatampok ng isang espesyal na mensahe mula kay Elder M. Russell Ballard, miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, at koleksyon ng musika ng mga kabataan sa iba’t ibang panig ng mundo.

Naglalaman din ang DVD ng karagdagang siyam na bahagi, na kinapapalooban ng mga inspiradong mensahe sa mga kuwento, patotoo, musika, at espesyal na pagtatanghal mula sa mga Young Men at Young Women general presidency. Ang mga bahaging ito ay nakatuon sa mga pamantayan ng ebanghelyo mula sa Para sa Lakas ng mga Kabataan, kabilang ang edukasyon, pamilya, musika at pagsasayaw, pakikipagdeyt at kalinisang-puri, kalusugan, paglilingkod, at pagsisisi.

Ibinabahagi ng mga kabataan mula sa iba’t ibang dako ng mundo ang kanilang mga saloobin at patotoo sa buong DVD.

“Sabik kaming mapanood ng mga kabataan ng Simbahan ang bawat isa sa DVD na ito at mapalakas ng mga patotoo ng isa’t isa,” sabi ni Elaine S. Dalton, Young Women general president. “Mapapanood dito ang katapangan ng mga kabataan saanmang dako na piniling ipamuhay ang mga pamantayan [ng Simbahan] at gumagawa ng kaibhan sa mundo. Umaasa kami na gagamitin ng mga lider at teacher ng priesthood at auxiliary ang DVD sa kanilang mga klase para ituro ang mga pamantayan at sa mga aktibidad para tulungan ang mga kabataan na mangakong ipamuhay at isagawa ang mga pamantayang ito.”

Hinikayat ng mga lider ng Simbahan ang mga lokal na lider ng priesthood at auxiliary na pag-aralan ang DVD at gamitin ito sa kanilang mga miting at aktibidad. Ang unang bahagi ng DVD ay magagamit sa mga aktibidad sa Bisperas ng Bagong Taon o sa iba pang espesyal na mga kaganapan kung saan itinanghal ang tema. Ang natitirang bahagi ay nilayong gamitin sa buong taon para mapag-aralan pa ang tema.

Ang mga bahagi ay inilathala na may mga subtitle sa Cantonese, Ingles, French, German, Italian, Japanese, Korean, Mandarin, Portuges, Russian, at Espanyol. Ang materyal mula sa DVD ay maaaring i-download sa Internet.

Ibinahagi ni Manuel Sarábia ang kanyang mga karanasan sa DVD.

LARAWANG KUHA NI tyler harris