Isang Pagpapakita ng Kabaitan
Walang sinumang nakakaalam kung ano ang maibubunga ng munting kabaitan. Buwan ng Enero, habang naglilingkod sa Akure sa Nigeria Lagos Mission, mayroon akong munting regalo na gusto kong ibigay. Inisip ko, “Kanino ko kaya ibibigay ito para mapakinabangan?” Dalawang Linggo kong dala ang regalo, pero hindi ako makapagpasiya.
Sa pangatlong Linggo, nagsimba ako na iniisip na ibibigay ito sa isang mabuting kaibigan. Hindi siya nagsimba sa araw na iyon, ngunit may kutob ako na may isang taong nangangailangan nito. Sa paglingun-lingon ko sa paligid ng kapilya, nakita ko ang isang batang lalaki na ang mga magulang ay hindi miyembro ng Simbahan. Parang napakalungkot niya. Nadama kong dapat kong ibigay ang regalo sa kanya. Inabot ko ito sa kanya, at napakasaya ng aking kalooban.
May nangyaring napakaganda. Nagsimba ang nanay niya nang sumunod na Linggo. Pinasalamatan niya ako sa regalo. Sinabi niya, “Matagal ko nang pinangakuan ang aking anak na magsisimba ako balang-araw. Pumunta ako ngayon para magpasalamat sa regalo.” Ganoon namin siya nakilala ng kompanyon ko; mula noon sumapi na siya sa Simbahan. Napakasaya ng batang lalaki na makitang nabinyagan na sa wakas ang kanyang ina.
Alam ko na sa pamamagitan ng maliliit na bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay.