2010
Ang Simbahan sa Iba’t Ibang Dako
Enero 2010


Ang Simbahan sa Iba’t Ibang Dako

Kumilos ang mga Banal sa Africa sa Araw ng Paglilingkod

Dala ang mga pala at karetilya at nakangiti at suot ang dilaw na vest, ang mga miyembro ng Simbahan sa mahigit 30 bansa sa Africa ay nakibahagi sa All-Africa Service Project noong Agosto 22, 2009.

Sa isang lungsod sa Ivory Coast, nagkumpuni sila ng mga kalsada. Nag-ayos sila ng mga lumang bahay sa isang bayan sa Liberia. Naglinis sila ng kanal sa Sierra Leone. Binunot nila ang masukal na mga halaman sa isang gusali ng isang lokal na pamahalaan sa Nigeria. Sa Ghana naman, nagwalis sila sa buong palengke at naghakot ng mga tambak na basura. Sa Kenya, South Africa, Cameroon, at iba pa, nagkuskos ng mga kulungan at banyo, nagtanim ng mga puno, nagkumpuni ng mga kalsada, at nagtrabaho sa mga bahay-ampunan ang mga miyembro. Naglinis sila sa mga hospital at bahay; nagbunot ng mga damo at nagpintura.

Sinabi ni Elder Eric Jackson, public affairs director para sa Africa Southeast Area, “Napatunayan ng mga miyembro sa kanilang sarili na kapag maraming taong dumating, walang proyektong napakalaki sa amin.”

Kung saan gumagawa ang mga miyembro, naroon ang mga reporter para magmasid at magtala.

Marami pang iba maliban sa mga miyembro ng Simbahan ang sumali sa proyekto. Nakipagtulungan ang Simbahan sa mga local service group, sa iba pang mga relihiyon, at ahensya ng gobyerno na nagbigay nang libre ng kanilang kagamitan at materyal at nakibahagi rin sa gawain.

“Marami ang nagpuri sa Panginoon at sinabing gusto nilang sumama sa atin matapos mabalitaan ang ating ginagawa [ang paglilingkod] dahil tinutularan natin ang mabubuting gawa ni Cristo,” sabi ni Elder Adesina Olukanni, Area Seventy at area director ng Public Affairs sa West Africa.

Kauna-unahang Kumperensya para sa mga Kabataang Taga Ethiopia

Noong Hulyo 2009 mahigit 160 kabataan at young adult ang nagtipun-tipon para sa araw ng pagkakaibigan, mga workshop, sayawan, at patotoo sa kauna-unahang kumperensya ng mga kabataan na idinaos sa Ethiopia.

Dahil ang apat na branch ay hindi inorganisa bilang district, hindi alam ng maraming miyembro na may iba pang mga branch at miyembro ng Simbahan sa Ethiopia. Bahagi ng layunin ng kumperensya ang hayaan silang makisalamuha sa kanilang mga kaedad habang pinasisigla sa espirituwal.

Si Wondwossen Amanuel, 23, na magsusumite na ng kanyang mga papeles para maging kauna-unahang misyonero mula sa Awasa Branch, ay nagsabing, “Nahihikayat ka kapag nagtitipon kayo at ginagawa ang gayong mga aktibidad. Maliit ang branch namin, subalit nadarama namin na malaki kaming grupo—at parang isang pamilya.”

Buong pagmamalaking isinuot ng mga kasali ang singsing na CTR at T-shirt na may mga salitang “Steady and Sure,” na siyang tema ng kumperensya.

Dahil sa dalawang buwang magkakasamang pagsisikap ng mga misyonero, branch president, at ng Hope Arising na isang mapangkawanggawang organisasyon, sama-samang natipon sa chapel complex sa Addis Ababa, Ethiopia ang mga Banal na pioneer mula sa apat na branch.

Ang mga kalahok ay nagbiyahe sakay ng bus nang hanggang limang oras para dumalo sa kumperensya, at mahigit kalahati sa kanila ay hindi miyembro at investigator. Dalawa ang nabinyagan nang sumunod na mga linggo.

“Kapag nalaman [ng mga kabataan] na may iba pang kabataan na umaasam, nangangarap, may mga problema, at alalahanin, mas nagtitiwala sila sa sarili. Alam nila na hindi sila nag-iisa, at nagpapalakas ito sa kanila,” sabi ni Elder Brad Wilkes, isang full-time missionary na tumulong kasama ang kanyang asawa na si Sister Karen Wilkes para mabuo ang kumperensya.

Nagdaos ng Unang Kamping ang mga Kabataang Babae na Taga Romania

Lumahok ang limang dalagita at kanilang mga lider mula sa Bucharest Romania District, kasama ang mga kaibigang di miyembro sa unang kamping ng Young Women ng Simbahan sa Romania mula Agosto 24 hanggang 26, 2009. Pinangunahan ng District Young Women president na si Dina Cojocaru ang kamping sa tulong ng mga senior missionary na sina Elder Don at Sister Edie Van Noy.

Nagdaos ang mga dalagita at lider ng mga debosyonal sa umaga at gabi, magkakasamang pinag-aralan ang mga banal na kasulatan araw-araw. Nagturo sa mga workshop sina Elder at Sister Van Noy tungkol sa mga paksang tulad ng kabutihan at kung paano magbigay ng epektibong mensahe sa simbahan. Sa isa pang workshop, natutuhan ng mga kabataan ang tungkol sa kahinhinan at modernong pananamit pero napapanatili pa rin ang integridad.

Sinabi ni Alina Mateescu, isa sa mga dalagita, na iniisip niya kung paano ba maging isang mabuting kabataan, pero dahil sa workshop tungkol sa kabutihan nakatitiyak siya na magiging huwarang babae siya ng integridad na ninanais ng Diyos sa kanya.

Ang Romania, isang bansa sa timog-silangang Europa, ay may mga 2,736 na miyembro sa 17 branch.

Nagtatanim ang mga miyembro sa South Africa para sa mga ulila sa mga lugar na walang dumadaloy na tubig.

Larawang kuha ni Kaye Jackson

Nakipagtulungan ang mga miyembro sa Nigeria sa mga opisyal ng bansa para linisin ang mga basura sa tabing-daan.

Larawang kuha ni Sola Idowu