Nagtatanong ang mga kaibigan kong hindi miyembro kung bakit tayo nagsasagawa ng mga binyag para sa mga patay. Iba ang tingin nila dito. Paano ko sila sasagutin?
Itinuro ng Tagapagligtas, “Maliban na ang tao’y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, ay hindi siya makapapasok sa kaharian ng Dios” (Juan 3:5). Ang ibig sabihin nito, upang matanggap ang buhay na walang hanggan—ang layunin ng ating buhay—ang isang tao ay kailangang mabinyagan at matanggap ang Espiritu Santo.
Bagamat ang binyag ay mahalaga, may ilang dahilan kung bakit maraming tao ang hindi pa nabibinyagan. Ang ilan ay namuhay nang walang kaalaman sa ebanghelyo, at ang iba ay nabinyagan ng walang tamang awtoridad.
Dahil maawain at makatarungan ang ating Ama sa Langit, hindi Niya kinokondena ang Kanyang mga anak na hindi nagkaroon ng pagkakataong mabinyagan noong sila ay nabubuhay pa. Upang magkaroon ang mga yumaong ito ng pagkakataong matanggap ang buhay na walang hanggan, ang mga pagbibinyag para sa mga patay ay isinasagawa sa mga templo ng karapat-dapat na mga miyembro ng Simbahan para sa kanilang kapakanan (tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:29; D at T 124:29–36; 128:18).
Ang mga yumao, na nasa daigdig ng mga espiritu, ang pipili kung tatanggapin o tatanggihan ang ebanghelyo at mga ordenansang ginawa para sa kanila (tingnan sa D at T 138:58–59).
Sa pagsasagawa ng mga pagbibinyag para sa mga patay, binibigyan ninyo ang mga anak ng Ama sa Langit ng dagdag na pagkakataon na tanggapin ang lahat ng Kanyang mga pagpapala.