2010
Ang Diyos ay Tunay Nating Ama
Enero 2010


Ang Ating Paniniwala

Ang Diyos ay Tunay Nating Ama

Ang Diyos ay ang ating Ama sa Langit, ang Ama ng ating mga espiritu. Kasama Niya sa Panguhulang Diyos si Jesucristo at ang Espiritu Santo. Sila ay magkakaibang katauhan na magkakaiba ang ginagampanan ngunit iisa sila sa layunin. Ang katotohanang ito, at ang marami pang iba, ay nangawala nang mamatay si Jesucristo at ang Kanyang mga Apostol, noong panahon ng tinatawag na Apostasiya.

Sinimulan ng Panginoon ang pagpapanumbalik nitong mga nawalang katotohanan noong tagsibol ng 1820, nang nanalangin ang 14 na taong gulang na si Joseph Smith sa kakahuyan malapit sa kanyang tahanan sa Manchester Township, New York, upang malaman kung sa aling simbahan sasapi. Bilang sagot sa kanyang panalangin, nakita niya ang Diyos Ama at si Jesucristo. Kalaunan isinulat ni Propetang Joseph Smith ang pangitaing ito: “Ang isa sa kanila ay nagsalita sa akin, tinatawag ako sa aking pangalan, at nagsabi, itinuturo ang isa—Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:17).

Noong Pebrero 16, 1832, nakatanggap ng paghahayag ang Propeta at si Sidney Rigdon. Bilang pambungad sa paghahayag, nagpatotoo sila tungkol kay Jesucristo at sa Diyos Ama: “At ngayon, matapos ang maraming patotoo na ibinigay hinggil kay [Jesucristo], ito ang patotoo, na pinakahuli sa lahat, na aming ibibigay tungkol sa kanya: Na siya ay buhay! Sapagkat siya ay aming nakita, maging sa kanang kamay ng Diyos; at aming narinig ang tinig na nagpapatotoo na siya ang Bugtong na Anak ng Ama” (D at T 76:22–23).

Mga doktrinang nagpapatotoo sa Diyos Ama:

  1. Tayo ay nilikha na kawangis ng Diyos (tingnan sa Moises 2:26).

  2. Ang Diyos ang Kataas-taasang Tagapaglikha, at “lahat ng bagay ay nagpapatunay na may Diyos” (Alma 30:44).

  3. Ang Diyos ay ang ating Ama sa Langit, isang literal na espirituwal na magulang (tingnan sa Sa Mga Hebreo 12:9).1

  4. Ang Diyos Ama ay may katawang may laman at buto (tingnan sa D at T 130:22).

  5. Ibinigay sa atin ng Ama sa Langit ang plano ng kaligtasan (tingnan sa Alma 34:9).

Mga paraan para makilala ang ating Ama sa Langit:

  1. Magpakabusog sa mga banal na kasulatan (tingnan sa 2 Nephi 32:3).

  2. Kilalanin si Jesucristo (tingnan sa Juan 14:9).

  3. Sundin ang mga kautusan ng Diyos at ang mga propeta (tingnan sa Juan 14:21; D at T 1:38).

  4. May pananampalatayang manalangin sa Diyos sa pangalan ni Jesucristo (tingnan sa Santiago 1:5; 3 Nephi 18:20).

Tala

  1. Tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 45.

Mag-ukol ng panahon na pagmasdan ang kalangitan, kung saan ang ginagalawan ng mga bituin at planeta ay katibayan na “ang Diyos [ay] gumagalaw sa kanyang kamahalan at kapangyarihan” (tingnan sa D at T 88:41–47).

Kaliwa: larawan ng planeta sa kagandahang-loob ng NASA/JPL; larawan ng mga bituin © NASA and STScI; paglalarawan ni Robert T. Barrett; paglalarawan ni Wei-Hsiang Wang; kanan: ipinintang larawan ng mga hayop ni Stanley Galli; paglalarawan sa Ama sa Langit kasama ang mga bata ni Paul Mann; detalye mula sa Ang Unang Pangitain, ni Del Parson; paglalarawan sa pamilya ni Welden C. Andersen; paglalarawan ng tao ni Welden C. Andersen; larawan ni Pangulong Monson na kuha ni Craig Dimond; paglalarawan ng babae ni Ruth Sipus