Pananalangin para sa Sagot
Minsan nananalangin kayo na matulungan, subalit ang mga sagot ay dumarating lamang matapos masubok ang inyong pananampalataya.
Isang araw habang nagsusulit sa matematika, hindi ko maalala kung paano sasagutan ang isa sa mga problema. Naghanda ako para sa pagsusulit na ito, pero hindi ko maalala ang nirebyu ko sa bahay. Gayunpaman, may pananampalataya ako na makahihingi ako ng tulong sa aking Ama sa Langit.
Nagpasiya ako na tatanggapin ko ang unang paramdam sa akin. Matapos ang panalangin, nadama ko na masasagot ko ang problema sa isang partikular na paraan. Subalit nag-alinlangan ako dahil parang kaibang paraan ito sa pagsagot sa problema. Kaya’t nagpatuloy ako at sinagutan ito sa sarili kong paraan sa abot ng aking makakaya.
Nang maipasa na ang lahat ng pagsusulit, kasama kami ng aming guro sa pagrepaso nito. Nalaman ko na ang nadama ko matapos akong manalangin ay makapagtuturo sana sa tamang sagot, pero hindi ako nakinig.
Kalaunan, sa huling pagsusulit, minsan pa ay hindi ko masagutan ang isa sa mga problema, bagamat napraktis ko na ito sa bahay.
Gusto kong humingi ng tulong sa Ama sa Langit, pero naalala kong tahasan kong tinanggihan ang Kanyang tulong. Ngayon nahihiya na akong humingi. Pero dahil wala na akong maisip na iba pang solusyon, nanalangin pa rin ako na matulungan.
Muli nag-alinlangan ako nang dumating ang paramdam; mas nalito ako kaysa dati. Subalit nangako ako sa Panginoon na makikinig ako. Kaya pinigil ko ang mga pag-aalinlangan at ginawa nang eksakto ang paramdam ng Espiritu.
Matapos ma-tsek ang aming pagsusulit, sinabi ng aming guro ang aming mga grado. Nasabik kami dahil nagsimula siya sa pagbanggit ng mababang grado pataas. Nang hindi niya matawag ang pangalan ko sa 3—mababang grado—natuwa ako na makakakuha ako ng 2, ang pinakamataas na grado na nakuha ko sa math. Pero nang hindi niya tawagin ang pangalan ko sa mga nakakuha ng 2, kakaiba ang nadama ko. Sigurado akong hindi ako makakakuha ng 1, kaya’t natakot ako na baka ako ang pinakamababa sa buong klase.
Subalit natawag ang pangalan ko sa mga nakakuha ng 1. Naging emosyonal ako nang matanto ko ang kamay ng Panginoon dito at nalaman ang Kanyang pagmamahal at pagpapasensya sa akin. Nang sabihin ng ilan sa mga kaklase ko, “Ang galing mo!” Napailing lamang ako. Nagtagumpay lang ako nang sundin ko ang panghihikayat ng Espiritu.