Isang Family Home Evening na Nananatili sa Alaala
Sergio Trejo Reyes, Jalisco, Mexico
Ilang taon na ang nakararaan, isang family home evening ang inumpisahan namin sa pagkanta ng, “Araw sumisikat, mundo’y gumigising” (“Ang Araw ay Sumisikat,” Mga Himno, blg. 29). Nang tanungin namin ang bawat isa sa lima naming anak kung anong imumungkahi nilang gawin namin sa linggong iyon, malumanay na sinabi ng limang-taong gulang naming si Fernando, “Gusto ko pong makita ang mangyayari kapag nagbubukang-liwayway at gumigising ang mundo.” Ipinaliwanag namin nang husto sa kanya ang lahat ng nangyayari: kung paano sumisikat ang araw, ang pag-ihip ng hangin sa umaga, at ang hamog na nagniningning sa paligid. Pero ayaw niyang makinig. “Gusto ko po itong makita,” ulit niyang sinabi.
Kaya pagsapit ng alas-4 n.u. ng Huwebes na iyon, bumangon kami, sumakay sa aming kotse, at pumunta sa isang lugar na kita ang maaliwalas na kalangitan sa bandang silangan. Ang pagsikat ng araw ay tila galing mismo sa langit sa araw na iyon. Naging kulay matingkad na rosas ang mga bilug-bilog na kulay dilaw habang papasikat ang haring araw. Napakaganda.
Makaraan ang tatlumpung taon, bumisita sa amin ang anak ni Fernando na si Fernandito. “Alam po ninyo, Lola?” sabi niya. “Isinama po kami ni Itay para panoorin ang pagsikat ng araw.”