2010
Pagharap sa mga Hamon nang may Tapang
Enero 2010


Pagharap sa mga Hamon nang may Tapang

Young Men General Presidency

Nag-alala na ba kayo kung kaya ninyong gawin ang isang bagay na ipinagagawa sa inyo? Isipin ninyo kung ano ang naramdaman ni Josue bilang kapalit ng dakilang propetang si Moises. Ang mabigat na responsibilidad na pamunuan ang mga Israelita papunta sa lupang pangako ay naatang sa balikat ni Josue. Matatandaan na ang lupang pangako ay tirahan ng maraming bansa ng mga Cananeo, na marami sa kanila ay mababangis at nakakatakot. Naiisip ba ninyo na medyo hindi tiyak ni Josue ang kakayahan niya na isakatuparan ang gayon kabigat na gawain, at siguro takot din siya?

Sa loob ng apat na talata sa unang kabanata ng Josue, inutusan ng Panginoon si Josue na maging malakas at matapang—nang tatlong beses! (tingnan sa mga talata 6–9). Pagkatapos ay nangako ang Panginoon kay Josue na magtatagumpay siya sa pagdala niya sa mga Israelita sa lupang kanilang mana, na darating sa kanya ang kalakasan at katapangan dahil siya ay masunurin sa lahat ng batas, at—pinakamahalaga sa lahat—kasama niya ang Panginoon saan man siya magpunta.

Ang tema sa 2010 Mutwal ay ang pangatlong pagkakataon na sinabihan ng Panginoon si Josue na “magpakalakas at magpakatapang” (Josue 1:9). Ang panawagang iyan na magpakatapang ay para din sa inyo. At ang mga pangakong iyon ay mapapasainyo rin. Sa tulong ng Tagapagligtas, magtatagumpay rin kayo sa inyong mga tungkulin at sa inyong buhay. Magkakaroon din kayo ng kalakasan na tiisin ang mga tukso habang sumusunod kayo sa mga utos at sinusunod ang mga pamantayang matatagpuan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan. Sa paggalang ninyo sa priesthood at sa pagpapanibago bawat linggo sa mga tipang ginawa ninyo sa binyag, mapapasainyo ang Espiritu ng Tagapagligtas—palagi.

Maraming hindi alam si Josue. Hindi niya alam kung paano niya madadala ang mga anak ni Israel sa lupang pangako, ngunit nagtiwala siya sa Panginoon. Mayroon din kayong mga hamon sa buhay. Maaaring isa kayo sa iilang miyembro ng Simbahan sa inyong eskwelahan o maging sa inyong pamilya. Maaaring madama ninyong nag-iisa kayo o nawawalan ng pag-asa o natatakot. Maaaring hindi kayo tiyak sa inyong hinaharap sa mahirap na mga panahong ito. Ngunit maging matapang. Kasama ninyo ang Panginoon. Siya ay mapagkakatiwalaan ninyo. Tutulungan Niya kayong magtagumpay.

Ang magandang paalalang ito ay matatagpuan sa Mga Kawikaan 3:5: “Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo, at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan.” Sa pagganap natin sa ating tungkulin, nangangako tayo na magtitiwala sa Panginoon. Hinihikayat namin kayong gawin din iyon. Mahal namin kayo. Nagtitiwala kami sa inyo. Kayo ay bahagi ng piling henerasyon ng malalakas at matatapang na kabataang lalaki.