Paglikha ng mga Bundok
Ang mga Talinghaga ng Mountain Guide at ng Bundok
Bilang interpretive tour guide sa Yushan National Park sa Taiwan, si Chén Yù Chuàn (Richard) ay kadalasang naaatasang samahan ang mga importanteng bisita sa paligid ng parke. Karaniwan kapag tinatanong niya ang mga bisita kung ano ang gusto nilang makita, gusto nilang magpunta sa tuktok ng Yushan (Jade Mountain), ang pinakamataas na tuktok sa hilagang-silangang Asia na 12,966 talampakan (3,952 m) ang taas.
Mahilig si Richard sa kalikasan at gandang-ganda siya sa kariktan ng Yushan. Ngunit dahil sa karanasan ay may natutuhan siyang mahalagang bagay na sinisikap niyang ibahagi sa kanyang mga bisita: ang kagila-gilalas na tanawin sa itaas ay magkakaroon lamang ng tunay na kabuluhan kapag nalaman kung ano ang nasa ibaba nito.
Ang pagpunta sa tuktok, na may mga daanang gawa ng tao at napakagandang tanawin, ay napakagandang karanasan, ngunit sinisikap ipaliwanag ni Richard na mas marami pang matututuhan at mas maraming tagong kariktan na makikita sa mas mahihirap puntahan na mga bangin at dalisdis sa ibaba nito.
“Para mapahalagahan ang tuktok ng bundok, kailangang daanan ninyo ang ibaba nito,” sabi niya. “Hindi mo mapahahalagahan ang dulo nang hindi nauunawaan ang proseso.”
Nagaganyak ang ilan sa kanyang mga bisita; gayunman, karamihan sa kanila ay gusto lamang makarating sa tuktok—at gusto nila ang pinakamadaling daan papunta roon.
Nakikita ni Richard ang ilan sa mga espirituwal na simbolismo sa kanilang mga pag-uugali. Tulad ng paglalarawan niya rito, ang pinakamithiin ng mga karanasan sa buhay ay ang makabalik sa piling ng Diyos (tingnan sa Alma 12:24). Bagamat kinikilala ng marami ang kahalagahan ng mithiing iyan, hindi nauunawaan ng ilan na upang makapiling Siya, kailangan nating maging katulad Niya (tingnan sa I Ni Juan 3:2; 3 Nephi 27:27; Moroni 7:48). At walang mabilis at madaling landas papunta sa tuktok na iyan.
Ang Tunay na Gabay
Ayaw ni Richard na basta lamang maipasyal ang mga bisita; gusto niyang magkaroon sila ng karanasan. Ngunit nalilimitahan siya sa pagtuturo sa kanila ng antas ng kanilang hangaring matuto.
“Maaari kong dalhin yaong gustong maranasan ang kalikasan sa mga lugar na bihirang makita ng iba,” sabi niya. “Maaaring mas mahirap ang maranasan nila, ngunit mas mayaman ang karanasang ito.”
Dama ni Richard na wala itong ipinagkaiba sa buhay, at mababanaag ang prinsipyong ito sa kanyang personal na mga karanasan. Habang estudyante pa sa unibersidad, sinimulan ni Richard ang paghahanap ng tunay na layunin sa buhay. Binisita niya ang ilang simbahan ngunit hindi natagpuan ang kanyang hinahanap—hanggang sa makilala niya ang mga misyonero.
Gayunman, tutol ang kanyang mga magulang sa pagsapi niya sa Simbahan. Nag-alala sila sa pagtalikod ng kanilang nag-iisang anak sa kanilang relihiyon. Nag-alala rin sila kung ano ang mangyayari sa kanila sa kabilang buhay. Marami sa kanilang kultura ang naniniwala na ang katayuan nila sa kabilang-buhay ay nababatay sa malaking paggalang sa kanila ng nabubuhay nilang mga inapo.
Bagamat nahirapan siya dahil sa pagtutol ng kanyang mga magulang, nagkaroon si Richard ng patotoo tungkol sa Tagapagligtas at nadamang kailangan niyang sumunod sa Kanya.
“Si Jesucristo ang daan,” sabi ni Richard. “Siya ang Tunay na Gabay pabalik sa Ama” (tingnan sa Juan 14:6).
Pinili niyang sundin ang Tagapagligtas at mabinyagan, nagtitiwala na aakayin siya ng Panginoon sa tamang landas kahit na tila mahirap ito.
Isang linggo matapos ang kanyang binyag, nabiyayaan siya ng magandang trabaho bilang tagapagbalita sa radyo sa pinakamalaking kumpanya ng pagsasahimpapawid sa Taiwan. Ikinatuwa ng kanyang mga magulang ang pagkatanggap niya sa trabaho, at kasabay ng pagbabago tungo sa kabutihan na nakita nila sa kanya, nakatulong ito upang mapawi ang di nila pagkakasundo. Pinalakas din nito ang kanyang pananampalataya at tinuruan siya nito ng mahalagang aral.
“Kung hindi natin susundin si Jesucristo,” sabi niya, “hindi natin matitikman ang mahahalagang karanasan na kailangan natin.” Maaaring mas mahirap ang mga karanasang ito, ngunit kailangan ang mga ito para sa ating ikabubuti (tingnan sa 2 Nephi 2:2; D at T 122:7).
Paano Nalilikha ang mga Bundok
Ang sinumang sumunod kay Richard sa kanyang kinagiliwang mga bangin at lambak ay walang dudang matututuhan na ang mga bundok ng Taiwan at ang matatarik at matatalim na libis nito sa silangang baybayin ay nalikha dahil sa pag-uumpugan ng dalawang plate sa ibabaw ng lupa. Dahil sa matinding init at puwersang likha ng malakas na pag-uumpugang iyon ang patung-patong na latak o tining ay nagiging batong apog, pagkatapos ay naging marmol na bantog sa silangang baybayin. Ang di nakikitang puwersang iyan ang nagpapayanig at pumupulbos at nagpapagalaw at nagpapabitak sa lupa sa ibabaw ng mundo, at sa huli ay uusbong ang matataas na kabundukan tungo sa kalangitan.
Nasa Yushan o Taroko National Park man siya, kung saan siya unang nagtrabaho, gustung-gustong itinuturo ni Richard ang ebidensya kung paanong nabuo ng mga puwersa ng kalikasan ang Taiwan mula sa ilalim pataas.
“May mga bakas ng tubig sa pinakamataas na bato, at may mga labi ng yamang-dagat at iba pang ebidensya na makikita sa itaas na minsan ay nasa kailaliman ng tubig,” sabi ni Richard. “Kung gusto ninyong maintindihan ang nasa tuktok, kailangan ninyong maunawaan ang nangyari sa ilalim ng lupa, dahil doon nagmula ang tuktok.”
Naniniwala si Richard na mahalaga ito dahil katulad ito ng layunin ng buhay. Sa mahihirap na panahon tila hindi tayo mga bisita lamang sa bundok kundi tila tulad ng bundok mismo, napaliligiran ng mga puwersa at bigat na humuhubog sa atin at nagtutulak sa atin tungo sa langit kung matitiis natin ang mga ito nang may pagtitiyaga at pananampalataya (tingnan sa Mosias 23:21–22; D at T 121:7–8).
Makagagawa ng mga Bundok sa Atin
Mula sa kanyang sariling mga karanasan nalaman ni Richard na hindi tayo makababangon mula sa mundo upang abutin ang ating pinakamataas na potensiyal nang hindi dumaraan sa mga hindi komportable, at minsan ay mapapait na karanasan.
Bilang isang radio reporter maraming kailangang gawin si Richard sa kanyang trabaho sa pagtalakay sa iba’t ibang malalawak na paksa sa maikling panahon. Di nagtagal nalaman niya na ang pakikipag-inuman ay mahalagang paraan ng pagkuha ng impormasyon ng maraming reporter. Lalong humirap ang trabaho dahil tumanggi siyang makipag-inuman.
Ang pag-iisip na maghanap ng bagong trabaho ay nagpagaan sa kanyang konsiyensya ngunit hindi sa iba pa niyang mga hamon. Ang trabaho niya sa radyo ay nakatulong upang mapanatag ang kanyang mga magulang matapos siyang sumapi sa Simbahan. Kaya’t nang iwan niya ang mataas na pasahod, bantog at full-time na trabaho at ipinagpalit sa part-time na pangongontrata bilang guide, pansamantalang nalungkot ang kanyang mga magulang.
Iyon ay isa pang mahirap na pagpili, ngunit hindi niya pinanghihinayangan ito dahil alam niya na upang “dakilain ka sa itaas” (tingnan sa D at T 121:7–8), kailangan muna nating maranasan ang mga panganib sa ibaba (tingnan sa D at T 122:5–7).
“Kung minsan nililimitahan natin ang maaaring magawa sa atin ng Diyos dahil ayaw nating maranasan ang masama kasabay ng mabuti,” sabi niya.
Inakay siya ng pagsunod sa Panginoon sa isang trabahong ikinasiya niya. Inakay siya nito na maglingkod sa misyon. Dahil dito nakilala niya ang kanyang magiging asawa, at ngayon ay may apat silang magagandang anak. Sa kabila ng mga pagsubok, walang tigil ang mga pagpapala.
Kapag ang pagiging disipulo ay humahantong “sa landas ng mababang lambak” (2 Nephi 4:32) at maging sa “libis ng lilim ng kamatayan” (Mga Awit 23:4) tungo sa “kanya na nananahanan sa kalangitan” (D at T 1:1), napapanatag si Richard sa pangako na “ang mga salita ni Cristo, kung susundin natin ang mga aral nito, [ang magdadala sa atin] sa kabila nitong lambak ng kalungkutan tungo sa higit na mainam na lupang pangako” (Alma 37:45)—dagdag na patunay sa kanya na kapag napagdaanan na natin ang mga hamon ng buhay ay saka pa lamang tayo magiging handa na matamasa ang kalangitan.