2010
Wala Akong Temple Recommend Noon
Enero 2010


Wala Akong Temple Recommend Noon

Anne-Mette Howland, Utah, USA

Noong 17 taong gulang ako, nagkaroon ako ng matinding hangarin na makita ang isang templo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa Denmark kami nakatira ng pamilya ko, kung saan walang templo noong panahong iyon. Para sa mga Banal na nakatira sa Denmark, ang pinakamalapit na mga templo ay nasa Switzerland at England. Wala akong kakilala sa mga bansang iyon, kaya’t ni hindi ko maisip na maglakbay sa mga bansang iyon nang mag-isa.

Ngunit dahil may pamilya ako sa Utah, nagpasiya akong mag-ipon para makabisita ako at makapagsagawa ng mga binyag para sa mga patay sa Salt Lake Temple. Sinulatan ko ang aking tiya at mga pinsan sa Utah para malaman kung ayos lang sa kanila na bumisita ako. Natuwa sila nang marinig ang aking mga plano.

Makaraan ang isang taon sapat ang naipon kong pera para sa pinakahihintay kong paglalakbay. Ilang araw pagdating ko sa Utah, dinala ako ng tiya ko sa Salt Lake Temple. Tuwang-tuwa ako nang makita ko ito nang personal at sabik na magsagawa ng mga binyag para sa mga patay. Gayunman, pagpasok ko ay gustong makita ng isang temple worker ang temple recommend ko. Wala ni isang nakapagsabi sa akin tungkol sa temple recommend! Buong kabaitang ipinaliwanag ng worker kung ano ang temple recommend at sinabing maaari akong kumuha sa bishop ko.

Nalungkot ako nang husto. Kailangan kong makuntento sa pagbisita sa mga kamag-anak at masdan ang labas ng templo.

Sa fast and testimony meeting nang sumunod na Linggo, nadama kong kailangan kong ibahagi ang aking patotoo, at sabihin sa kongregasyon kung gaano sila kapalad na matira malapit sa templo. Sinabi ko rin na gustung-gusto ko sanang pumasok pero hindi ko magawa dahil wala akong recommend, bagamat noon pa man ay tinuruan na akong mamuhay nang karapat-dapat. Tinapos ko ang aking patotoo sa paghikayat sa mga miyembro na pumunta nang madalas sa templo.

Pagkatapos magsimba, nilapitan ako ng bishop ng mga kamag-anak ko at sinabing susubukan niyang tulungan ako na makakuha ng temple recommend, at nagtakda kami ng interbyu. Sa interbyu, tinanong niya kung marunong mag-Ingles ang bishop ko. Sinabi kong hindi. Sagot niya’y, “Hindi ako marunong magsalita ng Danish.” Muli akong nalungkot.

Ngunit sinabi ng bishop, “Napakalayo ng biniyahe mo; huwag muna tayong sumuko. Alam kong tutulungan tayo ng Panginoon. Kailangan lang nating manampalataya.”

At hiningi niya ang numero ng telepono ng bishop ko sa Denmark, na nagkataon namang dala ko. Nagulat ako nang marinig kong sinagot ng anak ng aking bishop ang telepono. Sinabi niyang kauuwi lang niya mula sa kanyang misyon sa England. Nang sabihin ko ito sa Amerikanong bishop, sabi niya, “Tamang-tama. Puwede siyang magsalin para sa atin.”

Di nagtagal nasa telepono na kaming apat—iniinterbyu ako ng bishop ko para sa recommend, habang isinasalin ito ng kanyang anak para sa Amerikanong bishop. Di nagtagal hawak ko na ang recommend ko at sa wakas ay nakapasok ako sa templo! Hindi ko maipaliwanag ang kagalakang nadama ko dahil alam kong gumawa ang Panginoon ng paraan para sa akin.

Kalaunan ay ikinasal ako sa templo at nabiyayaan ng apat na magagandang anak. Lubos ang pasasalamat ko na binigyan tayo ng Ama sa Langit ng mga templo, at nagpapasalamat akong malaman na nabuklod ako sa aking pamilya at dahil dito, kung mamumuhay kami nang karapat-dapat, magkakasama-sama kami magpawalang-hanggan.