2010
Pagpapahilom sa Aking Pangungulila
Enero 2010


Pagpapahilom sa Aking Pangungulila

Sue Hirase, Utah, USA

Pumasok ako sa kolehiyo sa edad na 18. Subalit matapos ang maikling panahon, lumipat ako sa ibang unibersidad at nagpalit ng kurso. Dalawang oras lamang ang biyahe mula sa bago kong unibersidad papunta sa bahay ko, pero matindi ang pangungulila ko at kalungkutan, gusto ko nang tumigil at bumalik sa aking pamilya. Ngunit alam ko na kung gagawin ko iyon, iiwanan ko ang pagkakataong makapagtapos sa pag-aaral.

Minsan nang patapos na ang linggo matapos magsimula ang school year, lahat ng kasama ko sa kwarto ay nagsiuwi para bumisita sa kanilang pamilya. Alam ko na kung uuwi rin ako, hindi na ako babalik. Hindi man lang ako makatawag para makausap ang pamilya ko dahil natatakot ako na baka lalong tumindi ang lungkot ko at hindi makatuon sa aking pag-aaral. Matagal na akong humihingi ng lakas para mapaglabanan ko ang aking pangungulila sa pamilya, pero ngayon ipinagdarasal ko naman na malaman kung dapat ba akong manatili sa eskwelahan at magtapos sa pag-aaral.

Maaga nang Linggong iyon, habang mabagal akong naglalakad sa tahimik na kampus papunta sa simbahan, iniisip ko kung paano ako mananatili sa eskwelahan kung matindi ang pangungulila ko sa pamilya ko at hindi malabanan ang aking kalungkutan. Pero ano naman ang gagawin ko kung titigil na ako sa pag-aaral?

Pagdating ko sa simbahan, kaaalis pa lamang ng mga nagsimba sa kabilang ward. Pumasok ako, umaasa sa sandaling iyon na makapagdarasal ako para magabayan. Nang makakita ako ng uupuan at dahan-dahang umupo, napansin ko ang isang papel ng programa ng sacrament meeting ng kabilang ward. Nakasulat sa harapan ng nakatuping papel ang mga salitang ito: “Marahil ang pinakamahalagang bunga ng lahat ng pag-aaral ay ang kakayahang magawa ninyo ang kailangan ninyong gawin, kung kailan ito dapat gawin, gusto man ninyo ito o hindi.”1

Sa mga sandaling iyon nalaman ko ang kailangan kong gawin. Sinagot ng Panginoon ang mga panalangin ko sa napakasimpleng paraan, pero hindi ko maikakaila na sagot pa rin iyon.

Hindi nagtagal matapos ang Linggong iyon nawala na ang kalungkutan at kawalan ko ng pag-asa. Bunga niyon, naging masaya ako sa nalalabing mga taon ng aking pag-aaral. Nagkaroon ako ng digri, habambuhay na mga kaibigan, at mas malakas na patotoo sa pamamagitan ng pagsunod sa mga paramdam ng Espiritu.

Ngayon, makalipas ang mahigit 25 taon, naaalala ko pa ang sagot na iyon sa aking panalangin, at ginagamit ko ang mismong mga salitang iyon sa sacrament meeting program para ipangako sa sarili na gagawin ang mahihirap na gawain. Naikuwento ko na ang karanasan ko sa malalapit na kaibigan at kapamilya, umaasang sila rin ay magkaroon ng lakas sa mahihirap na panahon.

Alam ko na may malasakit ang Panginoon sa nararamdaman natin at sa mga araw-araw na pagpili, at alam kong sinasagot Niya ang ating taimtim na mga panalangin.

Tala

  1. Thomas Henry Huxley, sa John Bartlett, comp., Familiar Quotations (1968), 725.