2010
Paano Natin Mababayaran ang Ating Upa?
Enero 2010


Paano Natin Mababayaran ang Ating Upa?

Douglas Arévalo, Costa Rica

Isang taon at kalahati makaraang makasal kami ng asawa kong si Rebeca, nagsara ang kompanyang pinapasukan ko. Bigla na lang akong nawalan ng trabaho.

Sa halip na maghanap ng mapapasukan, nadama kong dapat akong magsimula ng sarili kong kompanya. Alam ko na ang hamong ito ay kumplikado, kaya’t bumaling ako sa Ama sa Langit para alamin kung tama ang nadama ko. Mahalaga ang ginampanan ng panalangin sa unang desisyong iyon at patuloy itong naging mahalaga mula noon.

Noong Agosto 2003 nagsimula ako ng sariling kompanya na ang serbisyo ay pagpipintura, pag-aayos ng hardin, landscaping, at pagkukumpuni. Hindi laging madali ang lahat kapag may sarili kang kompanya, lalo na kung nagsisimula ka pa lang. Sa simula ng isang buwan, kailangan naming bayaran ni Rebeca ang upa sa aming bahay. Wala kami ni isang kusing. Kaya’t nagdasal kami isang umaga na kahit paano ay magkaroon kami ng perang kailangan namin. Kinahapunan nang araw na iyon natanggap ako sa trabaho na ang suweldo ay sapat para makabayad ng aming upa.

Isang buwan matapos kong simulan ang aking kompanya, hiniling ng stake president na mag-usap kami. Di nagtagal ay natawag akong bishop ng aming ward. Natanto ko na ang Ama sa Langit ay nagbukas ng daan para tanggapin ko at gampanan ang tungkuling ito. Dahil sa isa ko pang trabaho, hindi ako magkakaroon ng sapat na oras para sa mga miyembro ng ward at sa aking sariling pamilya. Pero dahil may sarili akong kompanya, hawak ko ang iskedyul ko. Nasa bahay ako sa mahahalagang pangyayari sa buhay ng aking pamilya, katulad noong isilang ang aking mga anak at magsimulang maglakad at magsalita. Dagdag pa rito, kami ng asawa ko ay nakapaglingkod na sa San José Costa Rica Temple. Ang mga oportunidad na ito, na dumating dahil sinunod namin ang mga paramdam at nanalangin na mapatnubayan, ay naglapit sa amin sa isa’t isa.

Kamakailan ay ipinagpatuloy ko ang pag-aaral ko sa unibersidad. Nang dumating ang pahiwatig na ipagpatuloy ang pag-aaral, nag-alala ako kung paano ko itataguyod ang aking pamilya. Dalawang araw sa isang linggo nasa paaralan ako, hindi sa trabaho. Paano makakaraos ang aking pamilya?

Muli, ipinagdasal naming mag-asawa ang hamong ito, at sumagot ang Panginoon. Nagsimula akong makatanggap ng mga permanenteng kontrata, na nagpadali para mapunan ang di ko pagtatrabaho sa panahong nasa paaralan ako.

Sa lahat ng mga karanasang ito, nakita namin na tinupad ng Panginoon ang Kanyang pangako: “Humingi, at kayo ay makatatanggap” (3 Nephi 27:29). Ang panalangin ay mahalaga sa pag-unlad at pagsulong ng aming pamilya. Nakita at nadama namin na kapag bumabaling kami sa Panginoon, kami ay Kanyang pinagpapala. Alam namin na kilala Niya kami sa pangalan, at makahihingi kami sa Kanya ng anumang kailangan namin.