Ang Pinakamaganda ay Darating Pa
Hango sa mensaheng ibinigay sa debosyonal sa Brigham Young University noong Enero 13, 2009. Para sa buong teksto ng mensahe sa Ingles, tingnan sa http://speeches.byu.edu.
Tingnan ang hinaharap at alalahanin na ang pananampalataya ay palaging nakaturo sa hinaharap.
Ang umpisa ng bagong taon ay karaniwang panahon ng pagmumuni-muni sa ating buhay at pagtingin sa ating patutunguhan, na ikinukumpara sa dati nating kalagayan. Ayaw kong banggitin ang tungkol sa mga resolusyon sa Bagong Taon, subalit gusto kong banggitin ang tungkol sa nakaraan at sa hinaharap, na may matang nakatuon sa anumang panahon ng pagbabago sa ating buhay—at ang mga pagbabagong iyon ay halos dumarating araw-araw.
Bilang tema sa banal na kasulatan sa talakayang ito, napili ko ang Lucas 17:32, kung saan binalaan tayo ng Tagapagligtas, “Alalahanin ninyo ang asawa ni Lot.” Ano ba ang ibig Niyang sabihin sa napakahiwagang katagang ito? Upang malaman, kailangan nating gawin ang Kanyang iminumungkahi. Magbalik-tanaw tayo kung sino ang asawa ni Lot.
Ang kuwento, siyempre pa, ay mula sa kapanahunan ng Sodoma at Gomorra, nang hindi na makayanan ng Panginoon ang pinakamasasamang ginagawa ng mga tao, ay sinabihan si Lot at kanyang pamilya na lumisan dahil ang mga lungsod na iyon ay wawasakin. “Itakas mo ang iyong buhay,” ang sabi ng Panginoon. “Huwag kang lumingon … ; tumakas ka hanggang sa bundok, baka ikaw ay mamatay” (Genesis 19:17; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Sa hindi kaagad na pagsunod at maraming pag-aatubili sa pag-alis, sa huli ay nilisan din ni Lot at ng kanyang pamilya ang bayan at muntik nang maabutan ng pagwasak. Sinasabi sa atin ng mga banal na kasulatan ang nangyari nang magbukang-liwayway kasunod ng kanilang pagtakas:
“Nang magkagayo’y nagpaulan ang Panginoon sa Sodoma at Gomorra ng azufre at apoy mula sa Panginoon na buhat sa langit;
“At ginunaw niya ang mga bayang yaon” (Genesis 19:24–25).
Ang aking tema ay nasa kasunod na talata. Tiyak na malinaw pa ang payo ng Panginoon na—“huwag kang lilingon”—sa asawa ni Lot, nang sabihin sa tala na siya ay “lumingon sa likuran,” at naging haliging asin (tingnan sa talata 26).
Ano kaya ang maling-maling ginawa ng asawa ni Lot? Bilang mag-aaral ng kasaysayan, naisip ko na ang tungkol doon at magbibigay ng bahagyang sagot. Malinaw na ang kamalian ng asawa ni Lot ay hindi lamang paglingon sa likuran; sa puso niya ay gusto niyang bumalik . Siguro bago pa man siya makalampas sa hangganan ng lungsod, nangungulila na siya sa naibibigay ng Sodoma at Gomorra sa kanya. Tulad ng minsang sinabi ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol, alam ng ganitong uri ng mga tao na dapat nilang sundin ang mga turo ng Simbahan, ngunit umaasa pa rin silang makilahok sa mga makamundong gawain paminsan-minsan.1
Maaaring lumingon ang asawa ni Lot nang may galit sa Panginoon dahil sa mga iniutos ng Panginoon na iwan niya. Alam natin na galit sina Laman at Lemuel noong inutusan si Lehi at kanyang pamilya na lisanin ang Jerusalem. Samakatuwid hindi lamang siya lumingon; lumingon siya na may panghihinayang. Sa madaling salita, ang pagmamahal niya sa nakaraan ay mas matimbang kaysa pagtitiwala niya sa hinaharap. Malinaw na bahagi iyon ng kanyang kasalanan.
Ang Pananampalataya ay Nakaturo sa Hinaharap
Sa pag-umpisa ng bagong taon at sinisikap nating matuto mula sa wastong pananaw sa nakaraan, nakikiusap ako sa inyo na huwag nang isipin pa ang mga panahong nagdaan o walang-saysay na asamin ang mga nakaraan, gaano man kaganda ang mga iyon. Dapat matuto sa nakaraan at hindi na buhayin pa ito. Lumilingon tayo upang matuto mula sa magagandang karanasan at huwag nang buhayin pa ang mga nakaraan. At kapag natutuhan na natin kung ano ang dapat nating matutuhan at napulot na natin ang pinakamaganda sa ating naranasan, magpatuloy tayo at tandaan na ang pananampalataya ay laging nakaturo tungo sa hinaharap. Ang pananampalataya ay laging may kaugnayan sa mga pagpapala at katotohanan at pangyayari na magbubunga pa lamang sa ating buhay.
Kaya’t ang mas teolohikal na paraan ng pagbanggit sa asawa ni Lot ay ang sabihing wala siyang pananampalataya. Pinagdudahan niya ang kakayahan ng Panginoon na mabigyan siya ng isang bagay na mas mainam kaysa sa nasa kanya na. Malinaw na inakala niyang walang makakapantay sa hinaharap sa mga bagay na iiwan niya.
Ang pananabik na bumalik sa mundong hindi na maaaring buhayin pa, ang patuloy na hindi pagkakuntento sa kasalukuyang kalagayan at pagkakaroon lamang ng malungkot na pananaw sa hinaharap, at hindi pagpansin sa kasalukuyan at hinaharap dahil masyado tayong nakatuon sa nakaraan ay ilan sa mga kasalanan ng asawa ni Lot.
Matapos isa-isahin ni Apostol Pablo ang maganda at mapagpalang buhay noong kanyang kabataan—ang kanyang pagkapanganay, edukasyon, at katayuan sa komunidad ng mga Judio—sinasabi niya sa mga taga Filipos na ang lahat ng iyon ay “dumi” kumpara sa pagbabalik-loob niya sa Kristiyanismo. Sabi niya, at sa aking pakahulugan, “Tinigilan ko na ang kababanggit sa ‘masasayang araw na nagdaan’ at ngayon ay nasasabik na sa hinaharap ‘baka sakaling maabot ko yaong ikinaaabot naman sa akin ni Cristo Jesus’” (tingnan sa Mga Taga Filipos 3:7–12). At sumunod ang mga talatang ito:
“Isang bagay ang ginagawa ko, na nililimot ang mga bagay na nasa likuran, at tinutungo ang mga bagay na hinaharap,
“Nagtutumulin ako sa hangganan sa ganting-pala ng dakilang pagtawag ng Dios na kay Cristo Jesus” (Mga Taga Filipos 3:13–14).
Si Pablo ay hindi katulad ng asawa ni Lot. Hindi siya lumingon at nanghinayang. Alam ni Pablo na nasa hinaharap, doon sa kung saan tayo dadalhin ng langit, ay makakamit natin ang “ganting-pala ng dakilang pagtawag ng Dios na kay Cristo Jesus.”
Magpatawad at Lumimot
May isang bagay sa marami sa atin na hindi kayang patawarin at limutin ang nakaraang mga pagkakamali sa buhay—pagkakamali man natin o pagkakamali ng iba. Hindi ito maganda. Hindi ito gawain ng Kristiyano. Ito ay tuwirang pagsalungat sa kadakilaan at kamaharlikaan ng Pagbabayad-sala ni Cristo. Ang pagkatali sa mga dating pagkakamali ang pinakamasamang uri ng pagtutuon sa nakaraan kung saan tayo ay sinasabihang tumigil at huwag magpatuloy.
Minsan naikuwento sa akin ang tungkol sa isang binata na sa loob ng maraming taon ay naging tampulan ng mga biro sa kanyang eskwelahan. Mayroon siyang mga kapintasan, at madali para sa mga kaibigan niya na biruin siya. Kalaunan sa kanyang buhay ay lumayo siya sa kanila. Sa huli ay sumapi siya sa army at nagkaroon ng matagumpay na mga karanasan at nakapag-aral at nilimot ang kanyang nakaraan. Higit sa lahat, kagaya ng marami na nasa militar, natagpuan niya ang kagandahan at kariktan ng Simbahan at naging aktibo at masaya dito.
At makalipas ang ilang taon, bumalik siya sa bayan ng kanyang kabataan. Marami sa kanyang mga kasabayan ang nangibang bayan na ngunit hindi lahat. Malinaw na kahit bumalik siyang matagumpay at medyo iba na ang pagkatao, ang dating kaisipan ng mga tao ay naroon pa rin, at naghihintay sa kanyang pagbabalik. Sa kanyang mga kababayan, siya pa rin ang dating “si ganito’t si ganyan”—natatandaan mo ang lalaking may problema, iyong kakaibang kumilos, may kakaibang gawi, at ganito at ganyan ang ginawa. Di ba’t katawa-tawa lahat iyon?
Unti-unti ang pagsisikap ng taong ito tulad ni Pablo na iwan ang nakaraan at kamtin ang gantimpala ng Diyos na nakalatag sa kanyang harapan ay dahan-dahang nabawasan hanggang sa namatay siyang katulad pa rin ng dati niyang pamumuhay noong kanyang kabataan. Bumalik siya sa dati niyang kinalagyan: hindi aktibo at malungkot at tampulan ng panibagong mga biro. Gayunman nagkaroon ng magandang sandali ang kanyang buhay kung saan nakawala siya sa nakaraan at tunay na nakita kung sino siya at kung ano ang maaari niyang marating. Nakapanghihinayang at nakalulungkot na muli siyang napaligiran ng panibagong grupo na ang ugali ay tulad ng asawa ni Lot, ng mga taong nag-akalang mas nakakatuwa ang kanyang nakaraan kaysa kanyang hinaharap. Nakuha nilang tanggalin ang kanyang pagkahawak kay Cristo na humahawak din sa kanya. At namatay siyang malungkot, na dahil din naman sa munti niyang pagkakamali.
Nangyayari rin ito sa mga pagsasama ng mag-asawa at iba pang mga relasyon. Hindi ko na masabi kung gaano na karaming mag-asawa ang napayuhan ko, na kapag masyado silang nasaktan o kaya’y nalulungkot, ay hinahalukay ang nakaraan upang makahanap ng mas malaking problema na magpapalala pa sa “pait” ng kanilang pagsasama. Kapag ang isang bagay ay nangyari na at tapos na, kapag ito ay napagsisihan na nang husto, kapag nagpatuloy na ang buhay na siyang nararapat at marami nang magagandang bagay ang nangyari magmula noon, hindi tamang balikan pa ang nakaraang mga pagkakamali na binayaran na ng buhay ng Anak ng Diyos upang pagalingin ang mga ito.
Hayaang magsisi ang mga tao. Hayaang umunlad ang mga tao. Maniwalang kayang magbago at magpakabuti ang mga tao. Iyan ba ay pananampalataya? Oo! Iyan ba ay pag-asa? Oo! Iyan ba ay pag-ibig sa kapwa? Oo! Higit sa lahat, ito ay pag-ibig sa kapwa, ang dalisay na pag-ibig ni Cristo. Kapag ang isang bagay ay ibinaon na sa limot, hayaan na itong nakabaon. Huwag na itong balikan na bitbit ang inyong timba at pala para hukayin pa, ipangalandakan, at pagkatapos ay sabihin sa isang tao, “Hoy! Naaalala mo pa ba ito?” Splat!
Alam ninyo kung anong mangyayari? Baka humantong iyan sa isang nakakakilabot na pagkakamaling mahuhukay mula sa inyong kaban at ang isasagot ay, “Oo, naaalala ko. Naaalala mo pa ba ito?” Splat.
At mayamaya pa sa pag-uusap na iyon lahat ay lalabas na marumi at malungkot at nasaktan, samantalang ang isinasamo ng ating Ama sa Langit ay kalinisan at kabaitan at kaligayahan at paghilom.
Ang pagtuon sa nakaraang buhay, pati na sa nakaraang mga pagkakamali, ay sadyang hindi tama! Hindi ito ang ebanghelyo ni Jesucristo. Sa kabilang dako, mas masahol pa ito sa asawa ni Lot sa dahilang sarili lamang niya ang kanyang winasak. Sa mga mag-asawa at pamilya, mga ward at branch, sa mga tirahan at sa magkakapitbahay, maaari nating masira ang marami pang tao.
Marahil sa pagsisimula nitong bagong taon wala nang mas mahalagang kailangan sa atin kundi ang sundin ang sinasabi ng Panginoon na ginagawa Niya: “Siya na nagsisi ng kanyang mga kasalanan, ay siya ring patatawarin, at ako, ang Panginoon, ay hindi na naaalaala ang mga ito” (D at T 58:42).
Ang kondisyon, siyempre pa, ay kailangang taos ang pagsisisi, ngunit kapag ginawa iyon at matapat na nagsisikap para bumuti, nagkakasala tayo nang mas mabigat kung patuloy nating inaalala at sinasariwa at inuungkat sa isang tao ang kanyang dating mga pagkakamali—at baka ang taong iyon ay ang ating sarili. Nagiging marahas tayo sa ating mga sarili—madalas ay higit kaysa sa iba!
Ngayon, katulad ng mga Anti-Nephi-Lehi ng Aklat ni Mormon, ibaon natin ang ating mga napagsisihang kasalanan at hayaan nang nakabaon ang mga ito (tingnan sa Alma 24). Magpatawad at gawin ang minsang mas mahirap gawin kaysa sa pagpapatawad: ang lumimot. At kung sumasagi pa rin sa isipan, limutin itong muli.
Ang Pinakamainam ay Mangyayari Pa Lang
Kaya pa ninyong makaalala para lamang maiwasang gawin ang dating pagkakamali, ngunit ilagay ang lahat ng ito sa bunton ng dumi na sinabi ni Pablo sa mga taga Filipos. Iwaksi ang mga nakakasira, at patuloy itong iwaksi hanggang sa ihayag sa inyo ng kagandahan ng Pagbabayad-sala ni Cristo ang maliwanag ninyong hinaharap at ang magandang hinaharap ng inyong pamilya, inyong mga kaibigan, at inyong mga kapitbahay. Hindi tinitingnan ng Diyos kung ano ang nakaraan ninyo kundi kung saan na kayo ngayon, at sa tulong Niya, kung saan kayo handang pumunta. Iyan ang bagay na hindi naintindihan ng asawa ni Lot—nina Laman at Lemuel din at marami pang iba sa mga banal na kasulatan.
Ito ang napakamahalagang bagay na dapat pag-isipan sa umpisa ng bagong taon—at bawat araw ay dapat maging umpisa ng bagong taon at isang bagong buhay. Iyan ang kagandahan ng pananampalataya, pagsisisi, at himala ng ebanghelyo ni Jesucristo.
Isinulat ng makatang si Robert Browning:
Sabay tayo sa pagtanda!
Ang pinakamainam ay mangyayari pa lang,
Sinuong natin ang umpisa, upang katapusan ay marating pa:
Buhay nati’y nasa kanyang kamay
Na nagsabing, “Binuo ko ang ganap na buhay,
Kalahati nito’y kabataan; manalig sa Diyos: lahat makikita, huwag kang mangamba!”2
Maaaring nagtatanong ang ilan sa inyo: May naghihintay ba sa akin sa hinaharap? Ano ba ang naghihintay sa akin sa bagong taon o bagong semestre, sa bagong pag-aaralan o bagong katipan, sa bagong trabaho o sa bagong tahanan? Magiging ligtas kaya ako? Magiging matatag ba ako? Maaari ba akong magtiwala sa Diyos at sa hinaharap? O makabubuting lumingon, bumalik, o maglagi sa nakaraan?
Sa lahat ng nagtatanong nito, ang samo ko, “Alalahanin ang asawa ni Lot.” Ang pananampalataya ay para sa hinaharap. Nakabatay ang pananampalataya sa nakaraan ngunit hinding-hindi nito gustong mamalagi roon. Nagtitiwala ang pananampalataya na maraming bagay ang inilalaan sa atin ng Diyos at si Cristo ang tunay na “dakilang saserdote ng mabubuting bagay na darating” (Sa Mga Hebreo 9:11).
Manatiling nakatuon sa inyong mga pangarap, gaano man ito kalayo. Mabuhay upang mamalas ang mga himala ng pagsisisi at pagpapatawad, ng pagtitiwala at pagmamahal ng Diyos na magpapabago sa inyong buhay ngayon, bukas, at magpakailanman. Ito ang isang resolusyon sa Bagong Taon na hinihiling kong gawin ninyo.