“Pambungad sa Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (Religion 250),” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (2023)
“Pambungad,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo
Pambungad sa Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (Religion 250)
Malugod na pagbati mula sa kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo! Ipinahayag ni Pangulong Russell M. Nelson, “Sa buong kasaysayan ng mundo, ngayon mas mahalaga at mas kailangan sa personal na buhay ng bawat tao ang kaalaman tungkol sa ating Tagapagligtas” (“Dalisay na Katotohanan, Dalisay na Doktrina, at Dalisay na Paghahayag,” Liahona, Nob. 2021, 6). Ang kursong ito ay magbibigay sa iyong mga estudyante ng pambihirang pagkakataon na maragdagan ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo, mapalalim ang kanilang pang-unawa sa Kanyang walang hanggang ebanghelyo, at madaragdagan ang kanilang tiwala na matamo ang Kanyang kapangyarihan at Pagbabayad-sala sa kanilang buhay.
Ano ang mga layunin ng kursong ito?
Ang layunin ng Seminaries at Institute of Religion ay “tulungan ang mga kabataan at young adult na maunawaan ang mga turo at Pagbabayad-sala ni Jesucristo at umasa rito, maging karapat-dapat sa mga pagpapala ng templo, at ihanda ang kanilang sarili, kanilang pamilya, at iba pa para sa buhay na walang hanggan sa piling ng kanilang Ama sa Langit” (Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo: Isang Hanbuk para sa mga Titser at Lider sa Seminaries and Institutes of Religion [2012], x).
Layunin ng kursong ito na tulungan ka at ang iyong mga estudyante na maisakatuparan ang layuning ito sa pamamagitan ng
-
paggawa ng mga karanasan sa pagkatuto na nagpapalakas ng pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang kapangyarihang palakasin, linisin, at gawin kayong ganap sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala;
-
pagdagdag ng kakayahan ninyong makatanggap ng paghahayag;
-
pagtukoy, pagpapaliwanag, at pagpapatotoo sa mga banal na tungkuling ginagampanan ni Jesucristo na tumutupad sa plano ng pagtubos ng Ama sa Langit;
-
pagpapalakas ng pangako na maging matatapat na disipulo ni Jesucristo sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga kautusan at paggalang sa inyong pakikipagtipan sa Kanya; at
-
pagpapalalim ng inyong pagmamahal sa Tagapagligtas at paghahanap ng mga paraan para maipakita ang pasasalamat para sa Kanya at sa inyong Ama sa Langit.
Paano binalangkas ang kursong ito?
Ang kursong ito ay hinati sa anim na unit, na may 28 lesson. Bawat unit ay tatalakayin ang isang mahalagang aspeto ng premortal, mortal, o postmortal [kabilang-buhay] na misyon ng Panginoon.
Ang bawat lesson ay ginawa para sa isang 50-minutong class period. Para sa mga klase na nagkikita nang isang beses sa isang lingggo sa loob ng 90 minuto, maaaring pagsamahin ng titser ang dalawang lesson, yamang ang mga lesson sa bawat unit ay konektado sa paksa.
Ang bawat lesson ay binubuo ng materyal sa paghahanda para sa klase at materyal ng titser. Layunin ng mga lesson na ito na mag-anyaya ng mabuting paghahanda, hikayatin ang mga estudyante na palalimin pa ang pag-aaral, at makagawa ng mga bagay na makatutulong sa mga estudyante na maging higit na katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.
Habang pinag-aaralan mo ang kurikulum, manalangin na tulungan ka ng Panginoon upang malaman mo kung paano pinakamainan na matutugunan ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante. Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Manatiling bukas—lalo na sa Espiritu. Maging maluwag sa paggamit ng inyong lesson plan. Kung kailangan ninyong iksian ang isang lesson para makapagpatotoo at makahikayat ng talakayan sa isang napapanahong isyu, mangyaring gawin ito kapag ipinahiwatig ng Espiritu na angkop ito. …
… Tandaan na ang estudyante ay hindi isang lalagyan na pupunuin; ang estudyante ay isang apoy na pagniningasin. (“Mga Anghel at Panggigilalas” [mensaheng ibinigay sa Seminaries and Institutes of Religion training broadcast, Hunyo 12, 2019], https://www.churchofjesuschrist.org/study/broadcasts/miscellaneous-events/2019/06/14holland?lang=tgl)
Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Ang materyal sa paghahanda para sa klase ay ginawa para pag-aralan mo at ng iyong mga estudyante bilang paghahanda para sa klase. Kabilang dito ang mga turo mula sa mga banal na kasulatan at mga lider ng Simbahan, mga video, at ang bahaging “Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?” na nagbibigay ng mga karagdagang sanggunian o resources na may kaugnayan sa paksa ng lesson.
Naglalaman din ang materyal sa paghahanda para sa klase ng mga tanong at aktibidad na naghihikayat sa mga estudyante na palalimin ang kanilang natututuhan at maghandang makibahagi sa mga talakayan sa klase. Halimbawa, sa materyal sa paghahanda para sa lesson 4, “Paghahanap ng Layunin at Kagalakan sa mga Likha ng Panginoon,” inaanyayahan ang mga estudyante na gawin ang sumusunod na aktibidad:
Ang paggamit ng materyal sa paghahanda ay tutulong sa mga estudyante na “maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (Doktrina at mga Tipan 88:118). Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang pagkatuto sa pamamagitan ng pananampalataya ay nangangailangan ng pagsisikap sa espiritu, kaisipan, at katawan at hindi maluwag na pagtanggap lamang. …
… Ang tinuturuan ay dapat magkaroon ng pananampalataya at kumilos para makamtan ang kaalaman para sa kanyang sarili. (“Maghangad na Matuto sa Pamamagitan ng Pananampalataya,” Liahona, Set. 2007, 20)
Maaari kang maghanap ng mga pagkakataon na mapagtibay sa mga estudyante ang pangako ng Panginoon na matatanggap ito ng mga taong masigasig na naghahangad ng espirituwal na kaalaman (tingnan sa Mateo 7:7; Doktrina at mga Tipan 42:61; 88:63).
Materyal ng Titser
Sa pambungad ng materyal ng titser para sa bawat lesson, makikita mo ang isang deskripsyon tungkol sa mga resulta na dapat matamo ng estudyante. Ang pambungad na ito ay sinusundan ng mga iminungkahing ideya sa pagtuturo na nagbibigay ng istruktura ng lesson, mga turo mula sa mga banal na kasulatan at mga lider ng Simbahan, mga katotohanan na bibigyang-diin, mga tulong sa talakayan, at mga ideya sa pagsasabuhay.
Habang pinag-aaralan mo ang materyal ng titser, pagtuunan kung paano magagamit ang paghahanda ng mga estudyante. Ang patuloy na paggamit ng paghahanda ng mga estudyante ay tutulong sa kanila na madama ang kahalagahan ng paghahanda para sa bawat klase. (Paalala: Isaisip na kung magsisingit ka ng karagdagang nilalaman sa klase, ang oras na ginugol sa paggawa nito ay makahahadlang sa mga estudyante na ibahagi ang natutuhan at nadama nila noong pag-aralan nila ang materyal sa paghahanda.)
Ang unang tanong sa ibaba, mula sa lesson 4, ay isang halimbawa kung paano ginagamit ng materyal ng titser ang paghahanda ng mga estudyante:
Paano ako epektibong maghahanda na magturo?
Tutulungan ka ng Ama sa Langit habang naghahanda ka at tinuturuan mo ang Kanyang mga anak. Ang iyong mga pagsisikap na masigasig na pag-aralan ang mga banal na kasulatan at ipamuhay ang ebanghelyo ay tutulong sa iyo na maging karapat-dapat sa patnubay ng Espiritu (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 11:21).
Maaaring makatulong sa iyo na itanong ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na tanong habang naghahanda kang matuto at magturo sa iyong mga estudyante:
-
Nanalangin ba ako para matanggap ang patnubay ng Espiritu Santo at maunawaan ang mga pangangailangan ng aking mga estudyante? Paano ko mahihiwatigan kung ano ang pinakanauugnay sa kanila?
-
Ginamit ko ba nang husto ang mga banal na kasulatan, materyal sa paghahanda, at ang materyal ng titser? Mayroon pa bang anumang bagay na kailangan kong iangkop para matugunan ang mga pangangailangan ng aking mga estudyante?
-
Paano ko matutulungan ang aking mga estudyante na magtuon sa Tagapagligtas at matuto mula sa Espiritu Santo sa lesson na ito?
-
Paano ko matutulungan ang bawat isa sa aking mga estudyante na makibahagi nang lubos? Paano ko matitiyak na mayroon silang sapat na oras sa klase na kailangan nila para personal na makapagplano na maipamuhay ang natututuhan nila?
-
Paano ko maipadarama sa mga estudyante na sila ay pinahahalagahan, tinatanggap, at ligtas na makapagbabahagi at matututo sa isa’t isa? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:78, 122.)
Paano ko iaakma ang mga lesson para sa mga estudyanteng may kapansanan?
Habang naghahanda kang magturo, isipin ang mga estudyanteng may mga partikular na pangangailangan. Iakma ang mga aktibidad at mga ekspektasyon para maisali ang mga estudyanteng ito at matulungan silang magtagumpay. Para sa karagdagang impormasyon, sumangguni sa resources na nasa Disabilities page sa disabilities.ChurchofJesusChrist.org.
Ano ang inaasahan sa mga estudyante para makatanggap ng credit?
Upang makatanggap ng credit na kailangan para makapagtapos sa institute, dapat magawa ng mga estudyante na
-
pag-aralan ang materyal sa paghahanda para sa humigit-kumulang 75 porsiyento ng mga lesson,
-
daluhan ang 75 porsiyento ng mga klaseng idinaos, at
-
kumpletuhin ang isa sa mga karanasan sa pagkatuto: magsulat sa study journal; magsulat ng tatlong sanaysay bilang sagot sa tatlong tanong; o magplano at magsagawa ng sariling proyekto tungkol sa natutuhan (nang may pahintulot ng titser) na may kaugnayan sa nilalaman ng kurso; o magrekord ng mga sagot sa lahat ng mga tanong at aktibidad sa materyal sa paghahanda. (Paalala: Hindi kailangang isumite ng mga estudyante ang kanilang mga sagot sa iyo, sa katapusan ng semester, kailangan lang nilang ipakita sa iyo ang nakumpleto nila.) Tingnan ang iba pang mga detalye sa page na Pagbutihin ang Learning Experience sa Institute.