Institute
Lesson 16 Materyal ng Titser: Pagtanggap sa Dakilang Nagbabayad-salang Sakripisyo ng Tagapagligtas


“Lesson 16 Materyal ng Titser: Pagtanggap sa Dakilang Nagbabayad-salang Sakripisyo ng Tagapagligtas,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (2023)

“Lesson 16 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo

Lesson 16 Materyal ng Titser

Pagtanggap sa Dakilang Nagbabayad-salang Sakripisyo ng Tagapagligtas

Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang pinakamahalaga sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit. Sa lesson na ito, mapapalalim ng mga estudyante ang kanilang pagpapahalaga sa halagang ibinayad ni Jesucristo “[upang ialay] ang Kanyang buhay para sa kasalanan ng lahat ng sangkatauhan” (“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” SimbahanniJesucristo.org.). Aanyayahan silang pag-isipan kung ano ang magagawa nila para gawing mas nakasentro kay Cristo at masayang bahagi ng kanilang buhay ang pagsisisi.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Dahil sa Pagkahulog, kailangan natin ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Magkaroon ng kaaya-ayang kapaligiran para sa espirituwal na pag-aaral. Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer na ang “inspirasyon ay mas madaling dumarating sa payapang kapaligiran” (“Reverence Invites Revelation,” Ensign, Nob. 1991, 21). Maayos, malinis, at komportable ba ang inyong kapaligiran sa pag-aaral? Anong mga bagay ang maaaring nakagagambala sa mga estudyante sa proseso ng pagkatuto, at paano mo mababawasan ang mga ito? Nadarama ba ng mga estudyante na tanggap sila pagdating nila? Paano makatutulong ang sagradong musika o mga larawan na may kaugnayan sa ebanghelyo para maihanda ang mga estudyante sa pag-aaral?

Maaari mong simulan ang klase sa pagbabahagi ng sumusunod na sitwasyon:

Pinasasalamatan ni Logan ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ngunit hindi niya laging nadarama na kailangan niya kaagad ang Tagapagligtas sa kanyang buhay. Naniniwala siya na dahil siya ay mabuting tao, karaniwang sumusunod sa mga kautusan, naglilingkod sa Simbahan, at hindi nagkakasala ng anumang malaking kasalanan, ang Pagbabayad-sala ng Panginoon ay hindi lubos na nauugnay sa kanyang sitwasyon.

  • Paano ninyo ilalarawan ang pananaw ni Logan tungkol sa Pagbabayad-sala ng Panginoon? Anong mga maling palagay ang maaaring iniisip ni Logan tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas?

  • Paano makaiimpluwensya ang pag-aaral ng tungkol sa Pagkahulog sa nadarama ni Logan tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesus?

Maaari mong ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson:

Pangulong Ezra Taft Benson

Walang sinuman ang malalaman nang sapat at wasto kung bakit kailangan niya si Cristo hangga’t hindi niya nauunawaan at tinatanggap ang doktrina ng Pagkahulog at ang epekto nito sa buong sangkatauhan. (A Witness and a Warning: A Modern-Day Prophet Testifies of the Book of Mormon [1988], 33)

Sabihin sa mga estudyante na maglista nang mag-isa o kasama ang isang kapartner ng ilang epekto ng Pagkahulog nina Adan at Eva. (Maaaring sumangguni ang mga estudyante sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda para sa tulong.) Pagkatapos ay maaari mo silang anyayahan na ibahagi sa klase ang nalaman nila. Matapos magbahagi ang mga estudyante, tulungan silang mapalalim ang kanilang pang-unawa sa pamamagitan ng pagtatanong ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod:

  • Bakit kailangan ng lahat ng tao, kabilang na ang “mabuti” at “masunurin” na mga taong tulad ni Logan, ang Pagbabayad-sala ng Panginoon sa tuwina? (Kung makatutulong, basahin ang 2 Nephi 9:7–9. Maaaring matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Sa pamamagitan lamang ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo madaraig natin ang mga kalagayan na pisikal at espirituwal na kamatayan.)

  • Ano ang kahulugan ng pisikal na kamatayan at espirituwal na kamatayan? (Kung kailangan, rebyuhin ang pahayag ni Elder D. Todd Christofferson sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.) Sa inyong palagay, bakit inilarawan ni Jacob ang pisikal at espirituwal na kamatayan bilang “kakila-kilabot na halimaw”? (2 Nephi 9:10).

  • Ano ang nadarama ninyo para sa Tagapagligtas, batid na Siya lamang ang paraan para madaig ang pisikal at espirituwal na kamatayan? (tingnan sa Mosias 3:17).

Si Jesucristo ay nagdusa sa Getsemani at sa krus upang tayo ay makapagsisi at matubos.

Ipaalala sa mga estudyante na bilang paghahanda para sa klase, inanyayahan silang basahin ang Marcos 14:33–37, Lucas 22:43–44, at Doktrina at mga Tipan 19:18 at isinulat ang kanilang mga naiisip at nadarama. Bigyan ng oras ang mga estudyante na marebyu ang mga talatang ito. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na bumuo ng maliliit na grupo at ibigay sa kanila ang sumusunod na handout.

Si Jesucristo ay Nagdusa upang Iligtas Tayo

Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Walang Hanggang Ebanghelyo—Lesson 16

Basahin ang mga sumusunod na tanong at magtuon sa pinakagustong talakayin ng grupo ninyo.

  1. Ano ang nadarama ninyo para sa Tagapagligtas habang iniisip ninyo na nagdusa Siya para sa inyong mga kasalanan? Ano ang itinuturo sa atin ng Kanyang kahandaang magdusa tungkol sa Kanya? (Maaari ninyong basahin ang 1 Nephi 19:9.)

  2. Bakit inilayo ng Ama sa Langit ang Kanyang Espiritu nang magdusa ang Tagapagligtas sa krus? (Maaari ninyong rebyuhin ang Marcos 15:34 at ang pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.) Paano makatutulong sa atin na maalaala ang karanasan ng Panginoon sa krus kapag nadarama natin na tayo ay nag-iisa, nalimutan, o pinabayaan?

  3. Paano makatutulong sa atin ang patotoo tungkol sa Pagbabayad-sala ng Panginoon kapag pinagdududahan natin ang ating kahalagahan? (Maaari ninyong rebyuhin ang Doktrina at mga Tipan 18:10–11.) Paano nakakaimpluwensya ang pagtutuon kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala sa pananaw natin sa ating potensyal at hinaharap?

  4. Anong mensahe ang ipinadadala natin sa ating sarili at sa Tagapagligtas kapag pinipili nating magsisi? Bakit kaya makadarama ng kagalakan ang Panginoon kapag nagsisisi tayo? (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:13).

  5. Kung nadarama ng isang tao na hindi siya sigurado sa katotohanan ng Pagbabayad-sala ng Panginoon, ano ang magagawa niya para magkaroon ng patotoo tungkol dito?

Si Jesucristo ay Nagdusa upang Iligtas Tayo

Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Walang Hanggang Ebanghelyo—Lesson 16

handout ng titser

Depende sa mga pangangailangan ng iyong mga estudyante, maaari mo silang anyayahang ibahagi kung ano ang pinakatumimo sa isip nila sa kanilang pagtatalakayan. O maaari kang magtuon sa doktrina ng pagsisisi sa pamamagitan ng pagpapakita ng dalawang sumusunod na pahayag. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung alin sa mga ito ang mas madalas na nakakaugnay sila kapag nakikita nila na kailangan din nilang magsisi.

  1. Ang pagsisisi ay parang kaparusahan na dapat iwasan.

  2. Ang pagsisisi ay parang sagradong kaloob na dapat yakapin nang may kagalakan.

Upang matulungan ang mga estudyante na pagnilayan ang kanilang saloobin tungkol sa pagsisisi, maaari mong basahin nang malakas ang pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda. Pagkatapos ay maaari mong tulungan ang mga estudyante na matukoy ang katotohanang ito: “Kapag nilakipan ng pananampalataya, ang pagsisisi ay nagiging daan para magamit natin ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo” (“Maaari Tayong Gumawa nang Mas Mahusay at Maging Mas Mahusay,” Liahona, Mayo 2019, 67). Pagkatapos ay itanong:

  • Sa paanong mga paraan tayo nabibigyang-daan ng pananampalataya at pagsisisi na matamo ang kapangyarihan ng Tagapagligtas?

  • Ano ang magagawa natin para makita ang pagsisisi bilang sagradong kaloob at mas masaya itong tanggapin?

Matapos sumagot ang mga estudyante, maaari mo silang bigyan ng oras na isulat ang isang bagay na gagawin nila para gawing mas masaya at makabuluhang bahagi ng kanilang buhay ang pagsisisi.

Kung may oras pa, maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi kung paano nakatulong sa kanila ang pagsisisi na matamo ang nakalilinis na kapangyarihan ng Tagapagligtas. Ipaalala sa mga estudyante na huwag ihayag ang nakaraang mga kasalanan habang nagbabahagi sila.

Para sa Susunod

Upang mahikayat ang mga estudyante na maghanda para sa lesson 17, maaari mong ipadala sa mga estudyante ang sumusunod na mensahe at larawan: Habang pinag-aaralan ninyo ang materyal sa paghahanda para sa lesson 17, pagnilayan ang kahalagahan ng libingang walang-laman ng Tagapagligtas.

libingang walang-laman ni Jesucristo