“Lesson 15 Materyal ng Titser: Napapalapit kay Jesucristo sa pamamagitan ng Sakramento,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (2023)
“Lesson 15 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo
Lesson 15 Materyal ng Titser
Napapalapit kay Jesucristo sa pamamagitan ng Sakramento
Itinuro ni Elder Peter M. Johnson ng Pitumpu, “Ang sakramento ay may kaugnay na espirituwal na kaalaman at pagkaunawa—ito ay personal, ito ay makapangyarihan, at ito ay kinakailangan” (“Kapangyarihang Madaig ang Kaaway,” Liahona, Nob. 2019, 112). Sa lesson na ito, magkakaroon ang mga estudyante ng pagkakataong ibahagi kung paano magiging personal at malakas na impluwensya ang sakramento sa kanilang buhay. Iisipin din nila kung ano ang magagawa nila para mas mapalapit sa Tagapagligtas kapag tumatanggap sila ng sakramento at nagsisikap na lagi Siyang alalahanin.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Pinasimulan ni Jesucristo ang sakramento bilang paalaala sa Kanyang dakilang nagbabayad-salang sakripisyo.
Ipaalala sa mga estudyante na sa gabi bago ang Kanyang Pagpapako sa Krus, kumain ang Tagapagligtas ng pagkain ng Paskuwa kasama ang Kanyang mga disipulo. Sa pagkain na ito, pinasimulan ng Tagapagligtas ang sakramento.
Upang matulungan ang mga estudyante na madama ang kahalagahan ng Huling Hapunan, maaari kang magdispley ng isang larawan na nagpapakita ng pangyayari at ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 26:19–20, 26–30. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano kaya ang pakiramdam kung naroon sila habang pinangangasiwaan ng Tagapagligtas ang sakramento sa unang pagkakataon. Hikayatin ang ilang estudyante na ibahagi ang naisip o nadama nila.
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na isipin kunwari na hindi sila Kristiyano at nasasaksihan ang pangangasiwa ng sakramento sa unang pagkakataon sa isang miting ng Simbahan. Sa miting, inaawit ng kongregasyon ang “Jesus ng Nazaret, Aming Hari” (Mga Himno, blg. 107) at ang tinapay at tubig ng sakramento ay binabasbasan at ipinapasa. (Maaaring makatulong na ipabasa sa mga estudyante ang mga titik ng himnong ito.) Sabihin sa mga estudyante na magsulat ng ilang tanong na maaaring mayroon sila tungkol sa sakramento kung hindi sila Kristiyano.
Matapos maisulat ng mga estudyante ang kanilang mga tanong, sabihin sa kanila na bumuo ng maliliit na grupo. Anyayahan ang mga miyembro ng grupo na magsalitan sa pagtatanong at pagsagot sa kanilang mga tanong.
Habang tinatalakay ng mga estudyante ang kanilang mga tanong, lumibot sa buong silid at pakinggan kung ano ang ibinabahagi. Batay sa naririnig mo, alamin kung ang pagtatanong ng alinman sa mga sumusunod ay makatutulong sa iyong mga estudyante na matuto nang mas malalim sa isang talakayan sa klase:
-
Ano ang isinasagisag ng mga simbolo ng sakramento? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod: Ang tinapay at alak, o tubig, ay sumasagisag sa katawan at dugo ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala para sa atin.)
-
Ano ang itinuturo ng mga banal na kasulatan tungkol sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga simbolo ng tinapay, alak, at tubig? Bakit mahalagang pira-pirasuhin ang tinapay bago natin ito kainin?
-
Bakit kaya mahalagang kainin natin ang tinapay at inumin ang tubig, at hindi lamang tingnan ito? (Maaari mong rebyuhin ang mga bullet point sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda para mapaganda ang inyong talakayan.)
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pag-isipang mabuti ang kahalagahan ng mga simbolo ng sakramento at kung paano sila makatutulong na maipaalala sa atin ang personal na katangian ng sakripisyo ng Tagapagligtas.
Mas napapalapit tayo sa Tagapagligtas habang tinatanggap natin ang sakramento nang buong pag-iisip.
Ipakita ang sumusunod na sitwasyon.
-
Paano ninyo ilalarawan ang paraan ng pagturing ni Julia sa sakramento? Anong mga oportunidad at pagpapala ang maaaring nawawala kay Julia dahil sa paraan ng pagturing niya sa sakramento?
-
Sa inyong palagay, paano maaaring mabago ang karanasan ni Julia kung ang Tagapagligtas mismo ang nagbibigay sa kanya ng tinapay at tubig?
Sabihin sa ilang estudyante na rebyuhin nang tahimik ang 3 Nephi 18:7, 10–12; 20:8–9, may ilang magbabasa ng Doktrina at mga Tipan 20:77 79, at pag-aaralan ng iba pa ang pahayag ni Sister Cheryl A. Esplin sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang iba’t ibang alituntunin, pag-uugali, at pagpapalang nauugnay sa sakramento. Maaaring isulat mo o nila ang mga nalaman nila sa pisara.
Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, maaari mo rin silang anyayahang magbahagi ng mga personal na karanasan o halimbawa na may kaugnayan sa kanilang mga ideya. Maaari din silang magbahagi ng mga halimbawa o karanasan mula sa mga taong kinausap nila bilang paghahanda para sa klase (tingnan sa “Talakayin upang Makapaghanda para sa Klase”sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.)
Habang tinatalakay ng mga estudyante ang ibig sabihin ng laging alalahanin ang Tagapagligtas, maaari mong itanong:
-
Paano makaiimpluwensya sa ating buhay sa araw-araw ang laging alalahanin ang Tagapagligtas? Paano ninyo ito magagawa nang mas mahusay sa buong linggo?
Maaari kang maglaan ng oras para mapagnilayan at maisulat ng mga estudyante ang tungkol sa sarili nilang pakikibahagi sa sakramento. Maaari nilang isipin kung paano mas mapapaganda ang mararanasan nila sa oras ng sakramento at mas mapagsisikapang “lagi siyang alalahanin” (Doktrina at mga Tipan 20:77).
Kung may mga tanong ang mga estudyante tungkol sa pagiging karapat-dapat na tumanggap ng sakramento, o kung nahihikayat kang talakayin ang paksang ito bilang isang klase, sumangguni sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda. Maaari mong itanong:
-
Bakit mahalaga para sa atin na “siyasatin” ang ating sarili habang naghahanda tayong tumanggap ng sakramento? (tingnan sa 1 Corinto 11:27–29).
-
Ano ang nadarama ninyo tungkol sa pahayag ni Elder John H. Groberg tungkol sa pagiging karapat-dapat na tumanggap ng sakramento (mula sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda)? Paano makapagbibigay ng pag-asa ang payong ito sa mga nahihirapan sa mga kahinaan, kasalanan, o iba pang mga hamon?
Para matapos ang klase, ang mga estudyante mo o ikaw ay maaaring magpatotoo kung paano tayo tinutulungan ng ordenansa ng sakramento na lumapit sa Tagapagligtas. O maaaring ibahagi ng mga estudyante ang nadama at natutuhan nila mula sa lesson.
Para sa Susunod
Upang mahikayat na maghanda ang mga estudyante para sa susunod na klase, maaari mong ipadala ang sumusunod na mensahe (o isang mula sa iyo) sa buong linggo: Habang pinag-aaralan ninyo ang materyal sa paghahanda, isipin kung bakit ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang pinakamahalagang pangyayari sa kasaysayan ng sangkatauhan.
Maaari ka ring magpadala ng link sa video na “Dahil sa Kanya: Video ng Pasko ng Pagkabuhay” (2:36).