“Lesson 22 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pakikiisa kay Jesucristo sa Patuloy na Pagpapanumbalik,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (2023)
“Lesson 22 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo
Lesson 22 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Pakikiisa kay Jesucristo sa Patuloy na Pagpapanumbalik
Naisip mo na ba kung bakit ipinadala ka ng Ama sa Langit sa mundo sa panahong ito? Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay tagapayo sa Unang Panguluhan, na ang Pagpapanunumbalik ay nagpapatuloy sa ating panahon at na nabubuhay tayo sa “isa sa mga pinakapambihirang panahon ng kasaysayan ng mundo!” (“Kabahagi Ba Kayo sa Gawain ng Panunumbalik?,” Liahona, Mayo 2014, 59). Ang Tagapagligtas ay patuloy na aktibong namumuno sa Kanyang Simbahan at kumikilos para sa kaligtasan ng lahat ng tao sa mundo. Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, isipin kung paano ka makakasama sa Kanya sa Kanyang dakilang gawain.
Bahagi 1
Ano ang bahagi ko sa patuloy na Pagpapanumbalik?
Sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, ipinanumbalik ng Panginoon ang Kanyang ebanghelyo at muling itinatag ang Kanyang “tunay at buhay na simbahan” sa lupa (Doktrina at mga Tipan 1:30). Sinabi ni Elder LeGrand R. Curtis Jr. ng Pitumpu:
Nakatutuwa man ang mga bagay na inihayag ng Diyos sa pamamagitan ni Joseph Smith, hindi natapos ang Panunumbalik sa panahon ni Joseph. Sa pamamagitan ng mga propetang sumunod sa kanya natanggap natin ang mga bagay na tulad ng patuloy na pag-unlad ng gawain sa templo; karagdagang mga banal na kasulatan; pagsasalin ng banal na kasulatan sa maraming wika; pagdadala ng ebanghelyo sa buong mundo; [at] pag-organisa ng Sunday School, Young Women, Primary, at mga priesthood quorum. …
“Saksi tayo sa isang proseso ng panunumbalik,” sabi ni Pangulong Russell M. Nelson. “Kung inaakala ninyo na lubos nang naipanumbalik ang Simbahan, simula pa lang ang nakikita ninyo. Napakarami pang mangyayari.” (“Ang Patuloy na Panunumbalik,” Liahona, Abr. 2020, 21)
Habang patuloy na inihahayag ng Panginoon ang Kanyang gawain, mahalaga para sa bawat isa sa atin na pag-isipan kung paano tayo makakabahagi. Itinanong ni Pangulong Uchtdorf:
Kapag nagwakas na ang buhay natin sa mundo, anong mga karanasan ang maibabahagi natin tungkol sa sarili nating kontribusyon sa mahalagang panahong ito ng ating buhay at sa pagsusulong ng gawain ng Panginoon? …
Napakalaki ng naghihintay sa atin bilang mga indibiduwal, pamilya, at Simbahan ni Cristo para hindi natin ibigay ang buong pagsisikap sa sagradong gawaing ito.
Ang pagiging disipulo ni Jesucristo ay hindi gawaing minsan lang sa isang linggo o minsan lang sa isang araw. …
Manatili tayong gising at huwag mapagod sa paggawa ng mabuti, sapagkat tayo “ay naglalagay ng saligan ng isang dakilang gawain” [Doktrina at mga Tipan 64:33], ang paghahanda para sa pagbabalik ng Tagapagligtas. (“Kabahagi Ba Kayo sa Gawain ng Panunumbalik?,” Liahona, Mayo 2014, 59, 62)
Bahagi 2
Paano ako makikibahagi sa patuloy na Pagpapanumbalik?
Itinuro ni Pangulong Nelson na ang isang paraan na makakabahagi tayo sa Pagpapanumbalik ay sa pagtulong na tipunin ang Israel. Ipinahayag Niya:
Ang pagtitipon na ito ang pinakamahalagang nangyayari sa mundo ngayon. Walang maikukumpara sa laki, walang maikukumpara sa halaga, at sa kadakilaan nito. …
… Nais ba ninyong maging malaking bahagi ng pinakamalaking hamon, pinakamagiting na layunin, at pinakadakilang gawain sa mundo ngayon?
Nais ba ninyong tumulong sa pagtipon ng Israel sa mahalagang mga huling araw na ito? Kayo ba, na mga hinirang, ay pumapayag na hanapin ang mga hinirang na hindi pa nakarinig sa mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo? (Russell M. Nelson at Wendy W. Nelson, “Pag-asa ng Israel” [pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan Hunyo 3, 2018], suplemento sa New Era at Liahona, 8, SimbahanniJesucristo.org)
Ang pagtitipon ng Israel ay napakahalaga dahil nagagawa nito na matamo ng lahat ng tao ang mga tipan at pagpapalang ipinangako sa mga inapo nina Abraham, Isaac, at Jacob (tingnan sa Genesis 26:3–4; 35:11–12; Abraham 2:8–11).
Noong sinaunang panahon, ang sambahayan ni Israel, ang mga pinagtipanang tao ng Diyos, ay nilabag ang kanilang mga tipan at hindi tinanggap ang Panginoon. Sila ay ikinalat “sa lahat ng bansa” (1 Nephi 22:3; tingnan din sa mga talata 4–5). Gayunman, ipinropesiya ng mga propeta na sa mga huling araw ay gagawa ang Panginoon ng “kagila-gilalas na gawain” (1 Nephi 22:8) sa Israel at sa lahat ng lahi ng mundo. Titipunin Niya ang nakalat na Israel at ipaaalam ang Kanyang mga tipan (tingnan sa 1 Nephi 15:12–16; 22:8–10).
Ganito rin ang sinabi ni Pangulong Nelson tungkol sa pagtitipon ng Israel:
Ang pagtitipon ng Israel ay hindi ang pinakahuling mithiin. Simula pa lamang ito. Kabilang sa mithiing pinagsisikapan nating makamtan ang endowment at ordenansa ng pagbubuklod sa templo. Kabilang dito ang pakikipagtipan natin sa Diyos kalahi man tayo o kinupkop at kasunod nito ay mabubuhay tayo sa piling Niya at ng ating pamilya magpakailanman. Iyan ang kaluwalhatian ng Diyos—buhay na walang hanggan para sa Kanyang mga anak. (“Ang Aklat ni Mormon, ang Pagtitipon ng Israel, at ang Ikalawang Pagparito,” Liahona, Hulyo 2014, 31)
Habang pinag-iisipan mo ang saklaw ng pagtitipon ng Israel, maaaring maisip mo kung ano ang magagawa mo para makibahagi. Ipinaliwanag ni Pangulong Nelson, “Sa tuwing gumagawa tayo ng kahit ano na makatutulong sa kahit sino—sa magkabilang panig ng tabing—para gawin at tuparin ang kanilang mga tipan sa Diyos, tumutulong tayo na tipunin ang Israel” (“Hayaang Manaig ang Diyos,” Liahona, Nob. 2020, 92–93).
Itinuro ni Pangulong Bonnie H. Cordon ng Young Women General Presidency kung paano mo matutuklasan ang iyong bahagi sa pagtitipon:
Mapanalanging itanong sa Ama sa Langit kung ano ang magagawa mo para maging bahagi ng pagtitipon na ito, na magdadala sa iba kay Cristo. Isulat ang iyong mga impresyon, at pagkatapos ay maging matapang at kumilos ayon dito! Ang mga posibilidad ay iba-iba tulad natin. Nagpapasalamat ako sa isang propetang humahamon sa bawat isa sa atin na umangat sa mas mataas na antas. (Facebook, June 3, 2018, facebook.com/YWPresident)
Bahagi 3
Makagagawa ba talaga ako ng kaibhan?
Kung minsan maaari kang makadama ng kakulangan habang pinagsisikapan mong gawin ang gawain ng Panginoon. Kapag ganito ang pakiramdam mo, mahalagang tandaan na hindi mo kailanman gagawing mag-isa ang Kanyang gawain.
Sa talinghaga ng mga punong olibo, inihambing ng propetang si Zenos ang olibohan sa mundo. Ang sambahayan ni Israel ay kumakatawan sa isang likas na punong olibo, at ang mga Gentil ay kumakatawan sa mga ligaw na punong olibo. Habang papalapit na ang wakas ng kuwento, ginawa ng Panginoon ng olibohan, na si Jesucristo, ang lahat sa Kanyang kapangyarihan upang tulungan ang lahat ng punungkahoy na maging mabunga (tingnan sa Jacob 5:47).
Isipin kung ano ang ibig sabihin sa iyo ng gumawang kasama ng Panginoon. Sa mga Banal sa mga Huling Araw, sinabi ng Tagapagligtas: “At sinuman ang tatanggap sa inyo, naroroon din ako, sapagkat ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo” (Doktrina at mga Tipan 84:88).
Ganito ang sinabi ni Elder Kim B. Clark, habang naglilingkod bilang miyembro ng Pitumpu, tungkol sa suporta ng Tagapagligtas:
Mangyaring tandaan ang mga salitang ito ng Tagapagligtas: “Hindi ako nag-iisa, sapagka’t ang Ama ay sumasa akin” [Juan 16:32]. Ganoon din tayo. Hindi tayo nag-iisa. Mahal tayo ng Panginoong Jesucristo at ng ating Ama sa Langit, at napasasaatin Sila. Dahil nagtuon si Jesus sa Kanyang Ama at kinumpleto ang dakilang nagbabayad-salang sakripisyo, makatutuon tayo kay Jesucristo nang may katiyakang tutulungan Niya tayo. (“Magtuon kay Jesucristo,” Liahona, Mayo 2019, 56)