“Lesson 8 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagtanggap kay Jesucristo bilang ang Ipinangakong Mesiyas,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (2023)
“Lesson 8 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo
Lesson 8 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Pagtanggap kay Jesucristo bilang ang Ipinangakong Mesiyas
Isipin ang isang pagkakataon na nakaranas ka ng ilang uri ng problema sa pisikal, mental, emosyonal, o espirituwal. Saan ka humingi ng tulong? Nagpatotoo ang mga sinaunang propeta na darating ang Mesiyas upang panatagin, palakasin, at pagalingin tayo. Habang pinag-aaralan mo ang ilan sa mga sagradong propesiyang ito, isipin kung paano ka matutulungan ni Jesucristo, ang Mesiyas.
Bahagi 1
Paano ako mapapagaling ng pagtanggap kay Jesucristo bilang Mesiyas?
Tulad ng pagbabantay natin sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon, sabik na hinintay ng mga pinagtipanang tao sa Lumang Tipan ang unang pagparito ng Mesiyas, ang tagapagligtas. Ayon sa mga propeta sa Lumang Tipan, ang Mesiyas ay magiging inapo ni Haring David at palalayain ang Kanyang mga tao. “Sa Bagong Tipan [ang tagapagligtas] ay tinatawag na Cristo, na sa wikang Griyego ay katumbas ng salitang Mesiyas” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Mesiyas”).
Si Isaias ay nagsulat ng ilang propesiya tungkol sa Mesiyas at sa Kanyang misyon (tingnan sa Isaias 9:6; 7:14–15; 11:1–9; 35:5; 51:4–8; 52:9–10).
Sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa Isaias 61:1–3, “Ang mga talatang iyon ay maihahanay sa pinakanakaaantig at pinakamakabuluhang naisulat, lalo na kung isasaalang-alang dito ang tunay na kahulugan ng Mesiyas” (Christ and the New Covenant [1997], 89).
Bagama’t ang gayong mga propesiya ay pumuspos sa mga Judio ng pag-asa at pag-asam na maililigtas sila, sa panahon ng Bagong Tipan marami “ang naghihintay lamang sa isang tagapagligtas mula sa kapangyarihan ng Roma at para sa mas maunlad na bayan” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Mesiyas”). Nang hindi natugunan ni Jesus ang mga inaasahang ito, marami ang hindi tumanggap ng Kanyang pahayag na Siya ang matagal nang ipinangakong Mesiyas.
Halimbawa, sa pagsisimula ng Kanyang ministeryo, bumalik si Jesus sa Kanyang bayang sinilangan sa Nazaret at dumalo sa sinagoga sa araw ng Sabbath. Tumayo Siya para magbasa mula sa mga banal na kasulatan, binuklat ang scroll, at binasa nang malakas ang Isaias 61:1–2. Pagkatapos ay ipinahayag Niya na Siya ang katuparan ng propesiyang ito tungkol sa Mesiyas (tingnan sa Lucas 4:16–21). Ang mga naroon ay nagulat, nagalit, at tinangkang patayin Siya (tingnan sa Lucas 4:22–30).
Tulad ng mga tao sa Nazaret, kailangang magpasiya ang bawat isa sa atin kung tatanggapin natin si Jesus bilang Mesiyas. Sa pagpapatotoo sa personal na katangian ng misyon ng Panginoon bilang Mesiyas, sinabi ni Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Siya ay buhay—hindi lang noon, kundi ngayon; hindi lang para sa iilan, kundi para sa lahat. Siya ay dumating at darating upang pagalingin ang mga bagbag na puso, palayain ang mga bihag, ibalik ang paningin ng mga bulag, at palayain ang mga naaapi [tingnan sa Lucas 4:18]. Iyan ang bawat isa sa atin. Makakamtan ang Kanyang mapantubos na mga pangako, anuman ang ating nakaraan, kasalukuyan, o mga alalahanin sa hinaharap. (“Hosana at Aleluia—Ang Buhay na Jesucristo: Ang Sentro ng Pagpapanumbalik at Pasko ng Pagkabuhay,” Liahona, Mayo 2020, 53)
Bahagi 2
Ano ang ginawa ng Mesiyas na nagbigay ng kapangyarihan sa Kanya na pagalingin at tulungan ako?
Malamang na nadama mo na kahit paano sa iyong sariling karanasan ang pagdurusa at sakit. At marahil nakita mo na ito sa buhay ng iba sa iyong paligid. Subukang isipin kung ano kaya ang pakiramdam ni Jesucristo na maranasan ang lahat ng pagdurusa ng tao—pisikal, emosyonal, at espirituwal na pasakit, para sa lahat ng tao sa lahat ng panahon, at kabilang ka rito.
Ang Isaias 53 ay isa sa mga paghahayag sa mga banal na kasulatan na nagbibigay ng kaalaman tungkol sa pagdurusa ni Jesucristo para sa atin. Sa katunayan, sinabi ni Elder Holland na ito “ang pinakadakila, pinakamahaba at pinakamatalinghagang pagpapahayag ng buhay, kamatayan, at nagbabayad-salang sakripisyo ng Panginoong Jesucristo” (Christ and the New Covenant [1997], 89).
Nang mangaral ang propetang si Nakababatang Alma sa mga Nephita, inilarawan niya ang lawak at lalim ng pagdurusa ng Mesiyas.
Itinuro ni Pangulong Jean B. Bingham, Relief Society General President:
Sa Kanyang 33 taon sa mortalidad, [si Jesucristo] ay tinanggihan; inusig; nagutom, nauhaw, at napagod; nalungkot; nilait at sinaktan; at sa huli, namatay sa napakasakit na paraan sa kamay ng mga makasalanan. Sa Halamanan ng Getsemani at sa krus ng Kalbaryo, nadama Niya ang lahat ng ating pasakit, hirap, tukso, karamdaman, at kahinaan.
Anuman ang ipinagdusa natin, Siya ang pinagmumulan ng paggaling. Ang mga taong nakaranas ng anumang uri ng pang-aabuso, nakapanlulumong kawalan, pabalik-balik na sakit o pagkabaldado, mga maling paratang, matinding pang-uusig, o espirituwal na kapahamakan dahil sa kasalanan o di-pagkakaunawaan ay mapapagaling lahat ng Manunubos ng sanlibutan. Gayunman, hindi Siya darating nang walang paanyaya. Dapat tayong lumapit sa Kanya at tulutan Siyang gawin ang Kanyang mga himala. (“Upang ang Inyong Kagalakan ay Malubos,” Liahona, Nob. 2017, 86)
Sa pagtalakay kung paano tayo tinutulungan ng Panginoon, sinabi ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan:
Dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala, may kapangyarihan ang Tagapagligtas na sumaklolo—tumulong—sa lahat ng pasakit at paghihirap ng tao. Kung minsa’y pinagagaling ng Kanyang kapangyarihan ang isang kahinaan, ngunit natutuhan natin sa mga banal na kasulatan at sa ating mga karanasan na kung minsa’y sumasaklolo o tumutulong Siya sa pagbibigay sa atin ng lakas o tiyagang tiisin ang ating mga kahinaan. (“Pinalakas ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” Liahona, Nob. 2015, 62)