Institute
Lesson 5 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagiging mga Pinagtipanang Tao ng Panginoon


“Lesson 5 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagiging mga Pinagtipanang Tao ng Panginoon,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (2023)

“Lesson 5 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo

lalaking binibinyagan

Lesson 5 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Pagiging mga Pinagtipanang Tao ng Panginoon

Kailangan ng mataas na antas ng pagtitiwala at pagmamahal para maibigkis ang iyong sarili sa isang tao sa isang pakikipagtipan. At nabubuo ang pagtitiwalang iyan kapag nakilala ninyo ang isa’t isa. Sa paggawa ng mga tipan sa Diyos na nagbibigkis sa iyo sa Kanya, kilala ka na Niya nang lubos at nais Niyang ibigay sa iyo ang lahat ng mayroon Siya—lahat ng nasa Kanya. Inaanyayahan ka Niya na magtiwala sa Kanya at pumasok sa Kanyang landas ng tipan. Ikaw ay pagpapalain nang sagana kapag ginawa mo ito, sapagkat “Siya ang daan na naghahatid sa kaligayahan sa buhay na ito at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating” (“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” SimbahanniJesucristo.org).

Bahagi 1

Sino si Jehova, at bakit ko Siya mapagkakatiwalaan?

Itinuturo ng “Ang Buhay na Cristo” na “[si Jesucristo] ang Dakilang Jehova ng Lumang Tipan.” Saan nanggaling ang pangalang Jehova , at ano ang maituturo nito sa iyo tungkol sa Tagapagligtas?

Matapos ang maraming taon ng pagkaalipin sa Ehipto, tinawag ng Panginoon si Moises upang “ilabas [sila] sa Ehipto” (Exodo 3:10; tingnan din sa talata 1–9). Si Moises ay nakadama ng kakulangan para maisakatuparan ang gawaing ito. Tinanong ni Moises sa Panginoon ang Kanyang pangalan upang masabi niya sa mga Israelita kung sino ang nagsugo sa kanya (tingnan sa Exodo 3:11–13).

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Exodo 3:13–14, at markahan ang pangalang inihayag ng Panginoon kay Moises.

Moses Seeing Jehovah [Nakita ni Moises si Jehova], ni Joseph Brickey

Ang ibig sabihin ng pangalang Ako Nga ay “Siya nga” o “Siya ay buhay” at direktang nauugnay sa pangalang Hebreo na Yahweh, o Jehova. Ang Jehova ay nangangahulugang “Diyos na Hindi Pabagu-bago” (Bible Dictionary, “Jehovah”). Ang pagpipitagang nadama nila para sa pangalan ni Jehova ang dahilan kung bakit ang mga Judio na binanggit sa salaysay sa Bagong Tipan ay nagalit nang sabihin sa kanila ni Jesucristo, “Bago pa man si Abraham ay Ako Nga” (Juan 8:58). Ang paggamit ni Cristo ng katagang “Ako nga” ay katulad ng sa Exodo 3:14 nang sabihin Niyang, “Ako ay ang Ako nga.”

pinag-aalinlanganan si Jesus

Ganito ang sinabi ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol sa pahayag ng Tagapagligtas:

Elder Bruce R. McConkie

Ito ay isang malinaw at tuwirang pahayag ng pagiging Diyos na nagawa o magagawa ng sinumang tao. “Bago pa man si Abraham ay Ako si Jehova.” Ibig sabihin, “Ako ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat, ang Dakilang AKO NGA. Nabubuhay ako dahil sa sarili kong kapangyarihan at ako ay Diyos na Walang Hanggan. Ako ang Diyos ng inyong mga ninuno. Ang Aking pangalan ay: AKO AY ANG AKO NGA.” (Doctrinal New Testament Commentary [1965], 1:464)

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Paano nakakaapekto ang kaalamang si Jesucristo ang Dakilang Jehova—ang Diyos ng Lumang Tipan, Siya ay buhay at hindi pabagu-bago—sa iyong pagtitiwala sa Kanya? Ano ang itinuturo sa iyo ng mga titulong ito tungkol sa Kanyang kapangyarihang gumawa at tumupad ng mga pangako sa iyo?

Bahagi 2

Sa paanong mga paraan mapagpapala ang buhay ko sa paggawa at pagtupad ng mga tipan kay Jehova?

Bagama’t ang Panginoon, si Jehova, ay makapangyarihan at hindi pabagu-bago, inaanyayahan Niya at ng Kanyang Ama ang bawat isa sa atin na makipagtipan sa Kanila. Ang pakikipagtipang ito ay kinapapalooban ng mga pagpapala na hindi matatanggap sa ibang paraan.

Maaalala mo na ang tipan ay “isang sagradong kasunduan sa pagitan ng Diyos at ng isang tao o grupo ng mga tao. Nagtatakda ang Diyos ng mga partikular na kundisyon, at nangangako Siyang pagpapalain tayo kapag sinunod natin ang mga kundisyong iyon. Kapag pinili nating hindi tuparin ang mga tipan, hindi natin matatanggap ang mga pagpapala, at sa ilang pagkakataon ay daranas tayo ng kaparusahan dahil sa ating pagsuway” (Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Tipan,” SimbahanniJesucristo.org).

Si Abraham ay isang magandang halimbawa ng isang taong gumawa at tumupad ng mga tipan sa Panginoon. Sa kabila ng pagsamba sa diyus-diyusan at masamang halimbawa ng maraming tao sa kanyang paligid, hinangad ni Abraham na maging “isang higit na dakilang tagasunod ng kabutihan” (Abraham 1:2). Ang mga hangarin ni Abraham ay ginantimpalaan nang makipagtipan sa kanya si Jehova.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Ang madalas tawaging “tipang Abraham” ay kinapapalooban ng mga pangakong ibinibigay ng Diyos sa ating lahat. Pag-aralan ang Abraham 2:8–11 para maging mas pamilyar sa bahagi ng tipang Abraham, at isipin na sinasabi ng Panginoon ang mga pangakong ito sa iyo at gayon din kay Abraham. Maaari mong markahan ang mga pagpapalang nakita mo.

The Lord Appearing unto Abraham [Nagpakita ang Panginoon kay Abraham], ni Keith Larson

Kabilang sa tipang Abraham ang lahat ng walang hanggang pagpapalang nagmumula sa ebanghelyo ng Panginoon, mga ordenansa ng priesthood, at selestiyal na kasal. Ang landas na ito ay nagsimula sa tipang ginawa sa binyag at nagpapatuloy sa templo at magpapatuloy pa kapag masunurin tayo sa mga tipang ginawa natin.

Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson tungkol sa tipang Abraham:

Pangulong Russell M. Nelson

Ang mga pangunahing pagpapala ng tipang Abraham ay ipinagkakaloob sa mga banal na templo. … Ang sinaunang tipang Abraham ay matutupad lamang dahil sa Panginoong Jesucristo. Siya ang nagbigay-daan para tayo ay makapamuhay sa piling ng Diyos, kasama Niya, at ng ating mga pamilya sa kawalang-hanggan. (Sa “Special Witnesses of Christ,” Ensign, Abr. 2001, 7)

mag-asawang nakatingin sa templo

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol, at maaari mong markahan ang mga pagpapalang nagmumula sa pagtahak sa landas ng tipan ng Tagapagligtas:

Elder D. Todd Christofferson

Ano ang landas ng tipan? Ito ang landas na humahantong sa kahariang selestiyal ng Diyos. … Sa pagtahak sa landas ng tipan (hindi lamang sa mortalidad), tinatanggap natin ang lahat ng mga ordenansa at tipan ukol sa kaligtasan at kadakilaan.

Ang ating pinakamahalagang pangako ay ang gawin ang kalooban ng Diyos “at maging masunurin sa kanyang mga kautusan sa lahat ng bagay na kanyang ipag-uutos sa [atin]” [Mosias 5:5]. …

… Ang mga tipang ibinibigay ng Diyos sa Kanyang mga anak ay hindi lamang gumagabay sa atin. Ibinibigkis tayo ng mga ito sa Kanya, at, dahil matibay na nakaugnay sa Kanya, madadaig natin ang lahat ng bagay. …

… Naglalaan ang Diyos ng halos hindi maunawaan na kaloob upang tulungan ang mga gumagawa ng tipan na maging mga tagatupad ng tipan; ang kaloob na Espiritu Santo. Ang kaloob na ito ay ang karapatan na palaging masamahan, maprotektahan, at magabayan ng Banal na Espiritu. …

Sa landas ng tipan, matatagpuan din natin ang mahahalagang pagpapala ng kapatawaran at pagkalinis mula sa kasalanan. …

Ang mga nagpapatuloy sa landas ng tipan ay nakahahanap ng natatanging mga pagpapala sa iba’t ibang pagtitipong itinakda ng Diyos. … Ang … literal na pagtitipon ng matagal nang nakalat na mga lipi ng Israel … ay nagaganap na sa kasalukuyan sa pagtitipon ng mga pinagtipanang tao sa Simbahan. … May lingguhang pagtitipon din ang mga pinagtipanang tao … upang tumanggap ng tubig at tinapay ng sakramento bilang pag-alaala sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. …

Ang mga pinagtipanang tao ay nagtitipon din sa templo, ang bahay ng Panginoon, upang matamo ang mga ordenansa, pagpapala, at paghahayag na doon lamang makukuha. …

Sa huli, tanging sa pagpapatuloy sa landas ng tipan natin mamamana ang mga pagpapala nina Abraham, Isaac, at Jacob, ang pinakalubos na mga pagpapala ng kaligtasan at kadakilaan na tanging Diyos lamang ang makapagbibigay. (“Bakit Mahalagang Tahakin ang Landas ng Tipan,” Liahona, Mayo 2021, 116, 118)

icon, kumilos

Kumilos

Sinabi ni Pangulong Nelson, “Ang pinakadakilang papuri na maaaring makamtan sa buhay na ito ay ang makilala bilang tagatupad ng tipan” (“Mga Tipan,” Liahona, Nob. 2011, 88). Tukuyin ang isang hakbang na gagawin mo simula sa linggong ito para makasulong ka sa landas ng tipan. Isipin kung paano makatutulong sa iyo si Jesucristo—si Jehova, ang Diyos na Hindi Pabagu-bago—na makamit ang iyong mithiin. Pagkatapos ay isipin kung paano mo matutulungan ang iba sa kanilang pagtahak sa landas ng tipan.