Institute
Lesson 18 Materyal ng Titser: Pagtanggap ng Banal na Kaloob na Biyaya ng Tagapagligtas


“Lesson 18 Materyal ng Titser: Pagtanggap ng Banal na Kaloob na Biyaya ng Tagapagligtas,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (2023)

“Lesson 18 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo

Lesson 18 Materyal ng Titser

Pagtanggap ng Banal na Kaloob na Biyaya ng Tagapagligtas

Itinuturo sa mga banal na kasulatan na tanging sa pamamagitan lamang ng “kabutihan, awa, at biyaya ng Banal na Mesiyas” natin matatanggap ang buhay na walang hanggan (2 Nephi 2:8). Sa lesson na ito, ipaliliwanag ng mga estudyante ang kanilang pangangailangan sa biyaya ng Tagapagligtas, magbabahagi ng mga paraan na naranasan nila ang Kanyang biyaya, at magpapasiya kung ano ang magagawa nila upang mas umasa sa Kanya.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Itinuturo ng Panginoon at ng Kanyang mga tagapaglingkod na kailangan ang biyaya.

Sabihin sa mga estudyante na ilista nang sarilinan ang ilan sa kanilang mga pinakamatinding pangangailangan at hangarin para sa tulong ng Diyos. Halimbawa, maaari nilang ilista ang mga tukso o kasalanan na nais nilang madaig, mga kahinaang nahihirapan silang mapaglabanan, isang hamon o desisyong kinakaharap nila, isang malaking gawain na kailangan nila ng tulong para makumpleto, o mga katangiang tulad ng kay Cristo na nais nilang taglayin. Hikayatin ang mga estudyante na isaisip ang mga hangaring ito habang tinatalakay nila ang biyaya ni Jesucristo sa oras ng lesson.

Para malaman ang nauunawaan ng mga estudyante tungkol sa biyaya, maaari mo silang anyayahang ipaliwanag kung ano ang nauunawaan nila sa biyaya ni Jesucristo at alamin kung may mga tanong sila. Kung kailangan, ipakita ang sumusunod na kahulugan:

Ang biyaya ay tulong o lakas na ibinibigay sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo. … Ang salitang biyaya, ayon sa pagkakagamit sa mga banal na kasulatan, ay karaniwang tumutukoy sa nagbibigay-kakayahang kapangyarihan at espirituwal na pagpapagaling na inihahandog sa pamamagitan ng awa at pagmamahal ni Jesucristo. (Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Biyaya,” https://www.churchofjesuschrist.org/study/manual/gospel-topics/grace?lang=tgl)

Maaari mong ipakita ang sumusunod na larawan ng isang puno ng ubas. Ipaliwanag na itinuro ni Jesucristo ang talinghaga tungkol sa tunay na puno ng ubas bago pumunta sa Halamanan ng Getsemani upang isakatuparan ang Kanyang Pagbabayad-sala.

puno ng ubas

Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang Juan 15:1–8, na inaalam kung ano ang maituturo sa atin ng mga simbolo ng puno ng ubas, mga sanga, at bunga tungkol sa banal na kaloob na biyaya ng Tagapagligtas.

Maaari mong itanong ang mga sumusunod upang matulungan ang mga estudyante na makita ang mga pagkakaugnay ng talinghaga tungkol sa tunay na puno ng ubas at ng biyaya:

  • Ano ang maaaring isinasagisag ng mga simbolo ng puno ng ubas, mga sanga, at bunga? Ano ang maaaring ituro sa atin ng mga ito tungkol sa pangangailangan natin sa biyaya ng Tagapagligtas? (Maaari mong tulungan ang mga estudyante na matukoy ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag nananatili tayo kay Jesucristo, matatanggap natin ang Kanyang biyaya upang tulungan tayong gumawa ng mabubuting gawa.)

  • Ano kaya ang mangyayari kung mananatili tayo kay Cristo? (Maaari mong rebyuhin ang pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.) Ano ang nakatulong sa inyo para manatiling nakaugnay sa Tagapagligtas? Ano ang maaaring gawin ng isang tao na nadaramang nahiwalay siya kay Jesucristo at sa Kanyang kaloob na biyaya?

Maaari mong anyayahan ang isa o dalawang estudyante na ibahagi ang kanilang nadarama tungkol sa kaloob na biyaya ng Tagapagligtas. Maaari mong ibahagi ang sarili mong patotoo.

Matatanggap natin ang proteksyon ng Panginoon sa ating buhay.

Maaari mong ipakita ang mga larawan ng isang regalo at bayad na matatagpuan sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda. Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung ano ang nalalaman nila tungkol sa biyaya ni Cristo bilang isang kaloob o isang bagay na pagsisikapang matamo. (Maaaring maglaan ang mga estudyante ng ilang minuto para rebyuhin ang bahagi 2 o ang ilan sa materyal sa “Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?” kung kinakailangan. Kung ipinaliwanag na nila ang mga ideyang ito sa simula ng lesson, maaaring ipagpatuloy mo na lang ang mga sumusunod na sitwasyon.)

Ipakita at basahin nang malakas ang mga sumusunod na sitwasyon.

Nadarama ni Sakura na palagi siyang nagkukulang at hindi sapat ang kabutihan para maging marapat sa tulong ng Panginoon.

Naniniwala si Tobias na bago niya matanggap ang tulong ng Panginoon para madaig ang adiksyon sa pornograpiya, kailangan muna niyang gawin ang lahat ng magagawa niya para madaig ito.

Naniniwala si Elena na ang sarili niyang mga pagsisikap ay walang kabuluhan at hindi mahalaga kung ikukumpara sa nakatutubos na biyaya ni Jesucristo.

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung paano kaya sila tutugon kina Sakura, Tobias, at Elena. Isipin kung alin sa mga sumusunod ang maaari mong itanong para matulungan ang mga estudyante na mapalalim ang kanilang pag-aaral:

  • Ano kaya ang maling pagkaunawa ng taong ito tungkol sa kaloob na biyaya ng Tagapagligtas?

  • Paano nakahahadlang sa kanyang kakayahang makatanggap o magtiwala sa biyaya ng Tagapagligtas ang gayong maling pagkaunawa?

  • Anong turo o alituntunin na nauugnay sa biyaya ng Tagapagligtas ang maibabahagi mo sa taong ito?

Isulat sa pisara ang mga katotohanang natukoy ng mga estudyante. Maaaring matukoy ng mga estudyante ang mga katotohanang tulad ng sumusunod: Ang biyaya ay isang kaloob na hindi natin natatamo ngunit natatanggap natin kapag sumasampalataya tayo kay Jesucristo at sinisikap na ipamuhay ang ebanghelyo. Maaari nating matanggap ang biyaya ng Panginoon bago, habang, at matapos nating ibigay ang lahat ng ating makakaya.

Ipaalala sa mga estudyante na inanyayahan sila sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda na pag-aralan ang isang tala sa banal na kasulatan na naglalarawan kung paano magiging epektibo ang biyaya ng Panginoon sa ating buhay. (Maaari mong bigyan ng oras ang mga estudyante na rebyuhin ang tala sa banal na kasulatan na pinili nila.) Hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo. Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag ang kanilang scripture passage at ibahagi ang kanilang mga sagot sa tatlong tanong sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Bigyan ng oras ang mga estudyante na magnilay. Ang isang paraan na matutulungan natin ang mga estudyante na mas makaunawa sa kanilang puso ay bigyan sila ng oras sa klase na pagnilayan o isulat ang naunawaan at nadama nila. Pagkatapos ay maaari natin silang anyayahang pag-isipan kung anong mga partikular na gawain ang dapat nilang gawin upang maipamuhay ang natutuhan nila.

Maaari mong tapusin ang klase sa pag-anyaya sa mga estudyante na rebyuhin ang mga personal na pangangailangan at hangarin na inilista nila sa simula ng klase. Bigyan sila ng oras na mapanalanging pag-isipan at isulat kung ano ang magagawa nila para maanyayahan ang biyaya ng Panginoon nang mas sagana sa kanilang buhay, sumulong nang may pananampalataya, at lubos na umasa sa Kanyang banal na kapangyarihan.

Para sa Susunod

Maaari mong ipadala ang sumusunod na mensahe, o sarili mong mensahe, sa iyong mga estudyante bago ang susunod na klase: Habang pinag-aaralan ninyo ang materyal sa paghahanda para sa lesson 19, isipin ang isang taong kilala ninyo na mapagpapala ang buhay dahil sa pagkakaroon ng mas malalim na pang-unawa sa ministeryo ni Jesucristo sa mga nasa daigdig ng mga espiritu.