Institute
Lesson 10 Materyal ng Titser: Tularan ang Halimbawa ng Pagsunod ni Jesucristo


“Lesson 10 Materyal ng Titser: Tularan ang Halimbawa ng Pagsunod ni Jesucristo,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (2023)

“Lesson 10 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo

Lesson 10 Materyal ng Titser

Tularan ang Halimbawa ng Pagsunod ni Jesucristo

Pumarito si Jesucristo sa lupa upang gawin ang kalooban ng Kanyang Ama (tingnan sa Juan 5:19). Sa lesson na ito, pag-iisipan ng mga estudyante kung paano nauugnay ang perpektong halimbawa ng pagsunod ng Tagapagligtas sa mga banal na katangian na pagpapakumbaba at pagiging maamo. Pag-iisipan din ng mga estudyante kung ano ang maaari nilang gawin para mas lubos na manaig ang Diyos sa kanilang buhay.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Sinusunod ni Jesucristo ang kalooban ng Ama sa Langit sa lahat ng bagay.

Maaari mong ibahagi ang sumusunod na sitwasyon:

Katatawag lang kay Lucas bilang elders quorum president. Matapos tanggapin ang calling, tinanong niya ang bishop, “Ano ang maaari kong gawin para maging malakas na lider, na gugustuhing sundin ng mga tao?” Sandaling napatigil ang bishop at pagkatapos ay sinabing, “Maging mapagpakumbaba ka at maamo.” Pinasalamatan ni Lucas ang payo ng bishop, ngunit nag-alala siya na baka magmukha siyang mahinang lider sa pagiging mapagpakumbaba at maamo.

  • Ano ang maaaring maling pagkaunawa ni Lucas tungkol sa pagiging mapagpakumbaba at maamo?

  • Kung babalewalain ni Lucas ang payo ng bishop, anong uri ng lider ang maaari niyang kahinatnan?

Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na kahulugan ng pagpapakumbaba at pagiging maamo mula kay Elder David A. Bednar, at talakayin kung paano nauugnay ang mga ito sa pagsunod natin sa kalooban ng Diyos:

Elder David A. Bednar

Ang pagiging mapagpakumbaba ay karaniwang nangangahulugan ng pagtitiwala sa Diyos at patuloy na palagiang pangangailangan ng Kanyang paggabay at suporta. …

Ang pagiging maamo ay … nakikita sa pamamagitan ng matuwid na pagtugon, kahandaang magpasakop, at malakas na pagpipigil sa sarili. (“Maamo at Mapagpakumbabang Puso,” Liahona, Mayo 2018, 32)

si Jesus na nagdarasal sa Getsemani

Magdispley ng larawan ni Jesucristo na nagdarasal sa Halamanan ng Getsemani. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Lucas 22:39–44 at alamin ang itinuturo sa atin ng karanasang ito tungkol sa pagsunod. Maaari mo ring itanong:

  • Ano ang iba pang mga halimbawa mula sa buhay ng Tagapagligtas na nagtuturo sa atin tungkol sa pagpapakumbaba, pagiging maamo, at pagsunod? (Kung makatutulong sa mga estudyante, maaari kang magdispley ng mga karagdagang larawan mula sa buhay ng Tagapagligtas na may kaugnayan sa pagsunod. Maaari din ninyong rebyuhin at talakayin ang pahayag ni Elder David A. Bednar sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.)

  • Sa paanong mga paraan tayo napagpala dahil ipinasakop ni Jesus ang Kanyang kalooban sa Ama? (Maaari mong ipakita ang sumusunod na katotohanan: “binata [ni Jesucristo] ang kalooban ng Ama sa lahat ng bagay magbuhat pa sa simula” (3 Nephi 11:11).)

  • Paano kayo mapagpapala at ang mga tao sa inyong buhay kung mas masunurin kayo sa kalooban ng Diyos? (Maaari mong sabihin sa mga estudyante na mag-ukol ng ilang minuto na mag-isang tukuyin at isulat ang isang bagay na magagawa nila para maging mas masunurin sa kalooban ng Diyos.)

Maaaring makatulong na rebyuhin nang maikli ang sitwasyon tungkol kay Lucas at sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung paano mapagpapala si Lucas at ang kanyang korum kung susundin niya ang payo ng bishop na maging mapagpakumbaba at maamong lider.

Hinahayaan ng mga pinagtipanang tao na manaig ang Diyos sa kanilang buhay.

Maaaring rebyuhin ng mga estudyante ang pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda at maikling talakayin ang kahalagahan ng salitang handa. Maaari mong patotohanan na tayo ay nagiging mga tao ng Panginoon kapag handa tayong piliin na hayaang manaig ang Diyos sa ating buhay.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Hikayatin ang mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila. Kapag binigyan ang mga estudyante ng mga pagkakataong ibahagi sa iba ang kanilang mga naisip, nadama, at impresyon, matutulungan sila nitong mapalalim ang kanilang sariling pag-unawa, mapalakas ang kanilang patotoo, mapag-ibayo ang kanilang kakayahang maipahayag ang mga katotohanan ng ebanghelyo, at madagdagan ang kanilang tiwala na magsalita tungkol sa ebanghelyo sa ibang mga sitwasyon.

Upang matulungan ang mga estudyante na mag-isip ng iba’t ibang paraan para hayaang manaig ang Diyos sa ating buhay, maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tagubilin o ibigay ito bilang handout.

Hayaang Manaig ang Diyos

Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo—Lesson 10

Gamitin ang susunod na ilang minuto para maghanda ng maikling pahayag tungkol sa pagsunod sa kalooban ng Diyos. Dapat kasama sa iyong pahayag ang isang halimbawa ng pagsunod mula sa mga banal na kasulatan o mula sa iyong buhay o sa buhay ng isang taong kilala mo. Maaari ding isama rito kung paano natin maipamumuhay ang halimbawang iyon. Maaari mong gamitin ang isa sa mga sumusunod na resource sa iyong paghahanda:

Hayaang Manaig ang Diyos

Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo—Lesson 10

handout ng titser

Matapos ang sapat na oras na makapaghanda ang mga estudyante, sabihin sa kanila na bumuo ng maliliit na grupo. Ang laki ng grupo ay dapat nakabatay sa oras na natitira sa klase. Kapag mas maikli ang oras na natitira, mas maliit ang grupo. Makatutulong ito para matiyak na maibabahagi ng lahat ng estudyante ang kanilang mga naisip.

Bago matapos ang klase, maaari mong bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto para tahimik na pagnilayan at isulat ang kanilang mga saloobin tungkol sa tanong na ito na matatagpuan sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda: Ano ang isang bagay na sa palagay mo ay dapat mong simulang gawin o itigil na gawin upang mas lubos na manaig ang Diyos sa iyong buhay?

Para sa Susunod

Upang mahikayat ang mga estudyante na maghanda para sa susunod na klase, maaari mong ipadala ang sumusunod na mensahe sa loob ng buong linggo: Sinabi ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan, “Ang pagdalo at aktibidad sa simbahan ay tumutulong sa atin na maging mas mabubuting tao at mabubuting impluwensya sa buhay ng iba” (“Ang Pangangailangan para sa Isang Simbahan,” Liahona, Nob. 2021, 24). Sa pag-aaral mo ng materyal sa paghahanda para sa lesson 11, alamin ang iba’t ibang paraan na mapagpapala ng pagdalo sa Simbahan ang iyong buhay at ang buhay ng iyong pamilya at mga kaibigan.