“Lesson 25 Materyal ng Titser: Pagsisikap na Maging Matapat na Disipulo ni Jesucristo” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (2023)
“Lesson 25 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo
Lesson 25 Materyal ng Titser
Pagsisikap na Maging Matapat na Disipulo ni Jesucristo
Ang pagiging matapat na disipulo ni Jesucristo ay sulit na pagsikapan dahil “Siya ang daan na naghahatid sa kaligayahan sa buhay na ito at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating” (“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” SimbahanniJesucristo.org). Sa lesson na ito, matutukoy ng mga estudyante ang hinihingi ng Panginoon sa Kanyang mga disipulo. Pag-iisipan din nila kung ano ang magagawa nila para maging mas tapat na disipulo ni Jesucristo.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Inaanyayahan tayo ni Jesucristo na maging mga disipulo Niya.
Maaari kang magdispley ng larawan ni Jesus na hinuhugasan ang mga paa ng Kanyang mga Apostol, at sabihin sa isa o dalawang estudyante na ibahagi kung ano ang madarama nila kung hinugasan ng Tagapagligtas ang kanilang mga paa.
Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tanong at sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ito nang ilang sandali:
-
Ano ang matututuhan ko tungkol sa mga katangian ng Tagapagligtas mula sa Kanyang mga ginawa sa Kanyang mga Apostol? Paano ko mas matutularan ang mga katangiang ito na tulad ng kay Cristo?
Ipaliwanag na ang ganitong uri ng mga tanong ay maaari nating itanong sa ating sarili kapag nagsisikap tayong maging mas mabubuting disipulo ni Jesucristo. Ang isang disipulo ni Cristo ay isang taong sumusunod sa Tagapagligtas at ipinamumuhay ang Kanyang mga turo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 41:5). Matapos hugasan ng Tagapagligtas ang mga paa ng Kanyang mga Apostol, marami pa Siyang itinuro sa kanila tungkol sa pagkadisipulo.
Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang Juan 13:14–17, 34–35; 14:15 at kumpletuhin ang sumusunod na pahayag: Ang isang disipulo ni Jesucristo ay …
Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang nakumpleto nilang mga pahayag, na maaaring kabilangan ng mga pariralang tulad ng “naglilingkod sa kapwa,” “nagmamahal sa kapwa,” at “sumusunod sa Kanyang mga kautusan.” Habang sumasagot ang mga estudyante, maaari mong isunod na itanong ang katulad ng mga ito:
-
Sino sa mga banal na kasulatan o sa sarili ninyong buhay ang nagpapakita ng ganitong uri ng pagkadisipulo? Paano nakaimpluwensya sa inyo ang kanyang halimbawa?
Maaari kang magpakita o magbigay sa mga estudyante ng kopya ng sumusunod na pagsusuri sa sarili.
Matapos ang sapat na oras na maisulat ng mga estudyante ang kanilang mga sagot, sabihin sa kanila na mag-ukol ng ilang minuto para pag-isipan ang natutuhan nila mula sa pagsusuri sa sarili.
Ikuwento sa mga estudyante na inanyayahan ng Tagapagligtas ang isang mayamang binatang pinuno na suriin ang sarili. Sabihin sa isang estudyante na ibuod ang kuwento tungkol sa binatang ito (tingnan sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda).
-
Ano ang kahalagahan ng tanong na “Ano pa ang kulang sa akin?”? (Mateo 19:20). Bakit mahalagang itanong ito ng lahat ng disipulo ni Jesucristo?
Ipabasa sa mga estudyante ang Marcos 10:21, na inaalam kung paano inilarawan ni Marcos ang nadarama ng Tagapagligtas tungkol sa mayamang binatang pinunong ito.
-
Paano makatutulong sa inyo ang nadarama ninyong pagmamahal ng Tagapagligtas kapag natuklasan ninyo ang isang bagay na kailangan ninyong baguhin?
-
Ano ang ibig sabihin ng “pasanin ang [inyong] krus” at sumunod kay Jesucristo? (Maaari mong rebyuhin ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 16:25–26 [sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia na matatagpuan sa https://www.churchofjesuschrist.org/study/scriptures/jst/jst-matt/16?lang=tgl] at ang pahayag ni Elder Ulisses Soares mula sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.)
Pagkatapos maaari mong iparebyu sa mga estudyante ang pahayag ni Elder Larry R. Lawrence sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda. Kasunod niyan ipakita ang mga sumusunod na tanong, at sabihin sa mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot tungkol sa tanong na pinakamahalaga sa kanila:
-
Ano ang humahadlang sa espirituwal na pag-unlad mo?
-
Paano mo maipapakita sa Panginoon ang hangarin mong pasanin ang iyong krus at sumunod sa Kanya?
-
Mayroon ka bang anumang bagay na sa palagay mo ay kailangan mong isakripisyo sa panahong ito upang maging mas mabuting disipulo ni Jesucristo?
Pinalalakas ng Panginoon ang Kanyang mga disipulo.
Maaari mong ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong James E. Faust at sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga pagpapalang ipinangako sa mga handang magsakripisyo para maging disipulo:
Iniisip ng marami na napakalaki at napakabigat ng halaga ng pagiging disipulo. Para sa ilan, ito ay pagsuko ng napakaraming bagay. Ngunit ang krus ay hindi simbigat ng akala natin. Sa pagsunod nadaragdagan ang lakas natin para pasanin ito.
“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan.
“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at matuto kayo sa akin; sapagkat ako’y maamo at may mapagpakumbabang puso at makakatagpo kayo ng kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa.
“Sapagka’t malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan” (Mateo 11:28–30). (James E. Faust, “Pagkadisipulo,” Liahona, Nob. 2006, 22)
Maaari mong sabihin sa mga estudyante na makipagtulungan sa isang kapartner o sa maliliit na grupo at iparebyu sa kanila ang Roma 8:16–18, 28, 35, 38–39. Anyayahan sila na alamin ang mga katotohanan na makatutulong sa kanila sa pagharap sa mga hamon ng pagiging disipulo. (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang mga katotohanang tulad ng sumusunod: Kung tayo ay matatapat na disipulo, tayo ay magiging kasamang tagapagmana ni Jesucristo at luluwalhatiin kasama Niya. Kung mahal natin ang Diyos, ang lahat ng bagay ay magiging para sa ikabubuti natin.)
Kapag naibahagi na ng mga estudyante ang mga katotohanang nalaman nila, isiping itanong ang mga sumusunod:
-
Paano makatutulong sa atin ang paniniwala na maaari tayong maging kasamang tagapagmana ni Jesucristo upang manatili tayong tapat na mga disipulo? (Maaari ninyong rebyuhin ang 2 Nephi 9:18. Maaaring mahalagang ipaliwanag na ang kasamang tagapagmana ay tumatanggap ng pantay na mana tulad ng iba [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76:50, 55–59; 84:38].)
-
Paano nakatulong sa inyo ang pagmamahal ninyo sa Diyos at ang Kanyang pagmamahal sa inyo kapag naging mahirap ang landas tungo sa pagkadisipulo?
Sa pagtatapos ng klase, maaari mong ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa mga alituntunin ng pagkadisipulo na tinalakay ninyo sa klase. O maaari ninyong panoorin ang “Masayang Ipinamumuhay ang Ebanghelyo” (1:40) ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay miyembro ng Unang Panguluhan.