Institute
Lesson 4 Materyal ng Titser: Paghahanap ng Layunin at Kagalakan sa mga Nilikha ng Panginoon


“Lesson 4 Materyal ng Titser: Paghahanap ng Layunin at Kagalakan sa mga Nilikha ng Panginoon,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (2023)

“Lesson 4 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo

Lesson 4 Materyal ng Titser

Paghahanap ng Layunin at Kagalakan sa mga Nilikha ng Panginoon

“Sa ilalim ng pamamahala ng Kanyang Ama, [si Jesucristo] ang manlilikha ng daigdig” (“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” SimbahanniJesucristo.org). Sa lesson na ito, pag-iisipan ng mga estudyante kung bakit nilikha ng Panginoon ang mundo at kung ano ang magagawa nila upang makahanap ng mas malaking kagalakan sa Kanyang mga nilikha.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Magtiwala sa paghahanda ng iyong mga estudyante. Mag-isip ng mga paraan para mahikayat ang mga estudyante na pag-aralan ang materyal sa paghahanda para sa klase. Pagkatapos ay magtiwala sa iyong mga estudyante sa pamamagitan ng paggamit ng natutuhan nila mula sa kanilang paghahanda sa oras ng klase. Ang paggawa nito ay makahihikayat sa mga estudyante na maging mas responsable sa sarili nilang pag-aaral.

Nilikha ng Diyos ang mundo upang maisakatuparan ang ating kaligtasan.

Para masimulan ang klase, maaari mong ipakita ang kalakip na larawan at anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang mga naisip, nadama, o tanong nila habang nakatingin sa mga bituin sa kalangitan sa gabi. O maaari mong ipakita ang mga larawan na maaaring dinala o ipinadala sa iyo ng mga estudyante. Sabihin sa kanila na ibahagi ang naibigay na inspirasyon sa kanila ng mga larawan.

Larawan
taong nakatingin sa mga bituin

Ipaalala sa mga estudyante na si Moises ay nagkaroon ng kamangha-manghang pangitain kung saan nakita niya ang kalakhan ng mga nilikha ng Diyos. Upang matulungan ang mga estudyante na pag-isipan nang mas malalim ang tungkol sa Lumikha at sa Kanyang mga nilikha, sabihin sa kanila na gumawa sa maliliit na grupo at ibigay sa kanila ang sumusunod na handout.

Nalaman ni Moises ang Mahahalagang Katotohanan tungkol sa Paglikha

Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo—Lesson 4

Basahin ang sumusunod na sitwasyon:

  • Gustung-gusto ni Gretchen ang siyensya. Mula sa kanyang pag-aaral marami na siyang natutuhan tungkol sa kung paano gumagana ang likas na mundo ngunit wala siyang mahanap na kasiya-siyang sagot kung bakit may mundo. May ilang tanong siya tungkol sa layunin ng mundo at ng ating buhay.

  • Anong mga hamon ang maaaring maranasan ng isang tao kung hindi niya nauunawaan kung bakit nilikha ang mundo?

Sama-samang basahin ang Moises 1:27–39, at alamin ang mga katotohanan na maaaring makaragdag sa kaalaman ni Gretchen tungkol sa Paglikha. Pagkatapos ay sabihin sa bawat miyembro ng grupo na pumili ng isa sa mga bullet point sa ibaba at mag-ukol ng ilang minuto para maghanda ng sagot. Pagkatapos ay ibabahagi ng bawat isa ang kanyang ideya sa kanyang mga kagrupo.

  • Ano ang nalaman mo tungkol sa katangian ng Lumikha mula sa Paglikha? Paano nakaimpluwensya sa iyong pananampalataya kay Jesucristo ang kaalamang nilikha Niya ang lahat ng bagay?

  • Ano ang mga naiisip o nadarama mo kapag iniisip mo na “tayo ang dahilan kaya nilikha [ng Diyos] ang sansinukob”? (Maaari mong rebyuhin ang pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.)

  • Ano ang mga ginawa o magagawa mo para matulungan ang iba na maabot ang kanilang potensyal bilang mga anak ng Ama sa Langit? (Maaari mong ipasulat sa mga miyembro ng grupo ang anumang bagay na maaaring madama nila na dapat nilang gawin para sa isang taong kilala nila.)

  • Anong uri ng kaalaman ang matatamo natin sa siyensya? Anong uri ng kaalaman ang matatamo natin sa mga banal na kasulatan? Bakit natin kailangan ang dalawang uri na ito ng kaalaman? (Maaari mong rebyuhin ang mga pahayag nina Pangulong Russell M. Nelson at Pangulong Dallin H. Oaks sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda.)

Nalaman ni Moises ang Mahahalagang Katotohanan tungkol sa Paglikha

Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo—Lesson 4

Larawan
handout ng titser

Paalala: Maaari mong piliing sabihin sa maliliit na grupo na magreport sa klase. O kung sa palagay mo ay natalakay na nang sapat ng mga grupo ang paksa, maaari mong piliing magpatuloy na lamang sa susunod na bahagi ng lesson.

Maaari mong tapusin ang bahaging ito ng lesson sa pamamagitan ng pagbibigay-diin o pagpapatotoo na sa ilalim ng pamamahala ng Ama sa Langit, nilikha ni Jesucristo ang lahat ng bagay. Maaari mo ring patotohanan na ang Paglikha ng mundo ay mahalagang bahagi ng plano ng Ama sa Langit na isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng Kanyang mga anak.

Inilagay ng Diyos ang lahat ng bagay sa mundo para sa ating kapakinabangan at kasiyahan.

Maaari mong simulan ang bahaging ito ng talakayan sa klase sa pagtatanong ng:

  • Ano ang ilan sa mga nilikha ng Panginoon na lubos ninyong pinasasalamatan? Paano ninyo ipinapakita ang inyong pasasalamat sa Diyos para sa mga nilikhang ito?

Pagkatapos ay maaari mong ipaalala sa mga estudyante na ang Diyos ay nagpahinga sa ikapitong araw at nakita na “lahat ng bagay na [Kanyang] nilikha … ay mabuti” (Moises 3:2). Pagkatapos ay Kanyang “binasbasan ang ikapitong araw, at ginawang banal ito” (Moises 3:3). At sa makabagong panahon, ipinapaalala sa atin ng Tagapagligtas na kapag iginagalang natin ang araw ng Sabbath “ang kabuuan ng mundo” ay mapapasaatin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 59:9–16).

Sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 59:16–20, at sabihin sa mga estudyante na hanapin ang mga salita o parirala na naglalarawan kung paano ninanais ng Panginoon na tamasahin at damhin natin ang Kanyang mga nilikha. Matapos talakayin ang kahalagahan ng mga salita at mga pariralang iyon (lalo ang nasa talata 20), maaaring makatulong na ipakita ang sumusunod na katotohanan: Ang mga nilikha ng Panginoon ay para sa ating kapakinabangan at kasiyahan at hindi dapat gamitin sa masasamang layunin.

Upang matulungan ang mga estudyante na pag-isipan nang malalim ang katotohanang ito maaari mong itanong ang ilan sa mga sumusunod:

  • Bakit maaaring mahalagang palaging mag-ukol ng oras na makahanap ng kagalakan sa mga nilikha ng Panginoon? (Maaari mong i-follow-up ang paanyayang “Kumilos” sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.) Ano kaya ang kinakailangang baguhin ninyo sa inyong gawain sa araw-araw para makatiyak na palagi kayong may oras na masdan at damhin ang mga nilikha ng Panginoon? (Maaaring makatulong na bigyan ng oras ang mga estudyante na isulat ang kanilang mga naiisip at nadarama.)

  • Paano kayo nakinabang sa mabubuting bagay na nagmumula sa mundo? Paano ninyo maipapakita sa Panginoon ang lubos ninyong pasasalamat para sa mga bagay na ito?

  • Sa inyong palagay, bakit itinuturing na pinakamahalagang nilikha ng Diyos ang ating katawan? (Tingnan sa pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.) Ano ang ilang paraan na maigagalang natin ang kabanalan ng ating katawan at ng katawan ng iba? Ano ang nakatulong sa inyo na mas pahalagahan ang sarili ninyong katawan?

Maglaan ng ilang minuto sa pagtatapos ng klase para magpatotoo at anyayahan ang mga estudyante na patotohanan ang pagmamahal ng Lumikha sa bawat isa sa atin.

Para sa Susunod

Ipadala ang sumusunod na mensahe sa mga estudyante bago ang susunod na klase: Gusto ba ninyong magkaroon ng karagdagang lakas at proteksyon sa inyong buhay? Sa pag-aaral ninyo ng materyal sa paghahanda para sa lesson 5, alamin ang mga ipinangakong pagpapala sa mga taong tapat na tumutupad sa kanilang mga tipan sa Panginoon.

Print