“Lesson 13 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Paglilingkod na Tulad sa Tagapagligtas” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (2023)
“Lesson 13 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo
Lesson 13 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Paglilingkod na Tulad sa Tagapagligtas
Napapansin nating lahat—at kung minsan ay hindi napapansin—ang mga taong nangangailangan ng tulong. Ang ilan ay maaaring masama lang ang araw. Ang iba ay maaaring nakararanas ng kalungkutan, pagdududa sa sarili, gutom, kabiguan, o karamdaman. Marahil ay naiisip natin, ano ang puwede kong gawin? Kapag tinitingnan natin ang buhay ng Tagapagligtas, marami tayong makikitang halimbawa kung paano Siya “naglibot … na gumagawa ng mabuti” (Mga Gawa 10:38). Habang tinitingnan mo ang Kanyang halimbawa, isipin ang natutuhan mo tungkol sa ministering o paglilingkod sa mga pangangailangan ng iba.
Bahagi 1
Ano ang maaari kong matutuhan tungkol sa ministering o paglilingkod mula sa halimbawa ng Tagapagligtas?
Isipin kung ano ang maaaring nadama ng Tagapagligtas sa Huling Hapunan, na inaasahan na ang napakatinding pagdurusa na naghihintay sa Kanya sa Getsemani at sa krus. Ipinahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Sa nadaramang malalim at matinding emosyon … tahimik na tumayo si Cristo, ibinigkis ang tuwalya sa kanyang sarili tulad sa isang alipin o tagapagsilbi, at lumuhod upang hugasan ang mga paa ng mga Apostol. (Tingnan sa Juan 13:3–17.) Ang maliit na grupong ito ng mga mananampalataya sa kakatatag pa lamang na simbahan ay malapit nang dumanas ng napakatinding pagsubok, kaya isinantabi niya ang kanyang sariling pagdadalamhati upang muli silang mapaglingkuran at mapalakas. (“He Loved Them unto the End,” Ensign, Nob. 1989, 25)
Matapos hugasan ang mga paa ng mga Apostol, binigyan sila ng Tagapagligtas ng bagong kautusan, na magiging mahalaga sa lahat ng nagnanais na maglingkod sa Kanyang pangalan.
Kapag pinagnilayan natin ang buhay ni Jesucristo, makikita natin na ipinakita Niya sa atin kung paano maglingkod nang may pagmamahal.
Nais ng karamihan sa atin na maglingkod sa iba nang may pagmamahal na tulad ng kay Cristo. Ngunit maaaring hindi natin alam kung paano o kailan tayo tutulong. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na “ang ibig sabihin ng paglilingkod ay pagsunod sa inyong damdamin na tulungan ang iba na madama ang pagmamahal ng Tagapagligtas sa kanyang buhay” (Sheri L. Dew, Insights from a Prophet’s Life: Russell M. Nelson [2019], 349).
Ipinayo ni Pangulong Henry B. Eyring ang sumusunod:
Layunin ng Panginoon na kalingain ng Kanyang mga Banal ang isa’t isa gaya ng pagkalinga Niya sa kanila. … Nagtatagumpay sila kapag ginagabayan ng Espiritu Santo ang mga tagapagkalinga na malaman ang alam ng Panginoon na pinakamabuti para sa taong sinisikap Niyang tulungan. (“Inspiradong Pagmiministeryo,” Liahona, Mayo 2018, 62)
Madalas tayong hikayatin ng Espiritu Santo na maglingkod sa maliliit at mga simpleng paraan. Itinuro ni Pangulong Jean B. Bingham, Relief Society General President:
Kung minsan iniisip natin na kailangang dakila at magiting ang bagay na ating gagawin upang “matanggap” ito na paglilingkod sa ating kapwa. Gayunman, ang mga simpleng paglilingkod ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa iba—pati na rin sa ating sarili. Ano ang ginawa ng Tagapagligtas? … Siya … ay ngumiti, nakipag-usap, naglakad kasama, nakinig, nag-ukol ng oras, naghikayat, nagturo, nagpakain at nagpatawad. Naglingkod siya sa pamilya at mga kaibigan, kapitbahay at mga dayuhan, at inanyayahan ang mga kakilala niya at mga mahal sa buhay upang tamasahin ang saganang mga pagpapala ng Kanyang ebanghelyo. Ang mga “simpleng” paglilingkod at pagmamahal na iyon ay huwaran para sa ating ministering ngayon. (“Paglilingkod na Tulad ng Ginagawa ng Tagapagligtas,” Liahona, Mayo 2018, 104)
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Sharon Eubank, Unang Tagapayo sa Relief Society General Presidency, at isipin kung ano ang magagawa mo para maging mas makabuluhan at personal na karanasan ang ministering o paglilingkod.
Kung babaguhin natin ang ating pananaw upang ang pangangalaga sa mga maralita at nangangailangan ay hindi gaanong tungkol sa pagbibigay ng mga bagay-bagay kundi tungkol sa pakikipag-ugnayan sa tao, pagkakaroon ng makabuluhang pag-uusap, at pagbuo ng masaya at mabuting ugnayan, kung gayon maisusugo tayo ng Panginoon sa kung saang lugar. … Nais ng Panginoon na gamitin kayo. May gawaing ipagagawa sa inyo, at partikular ito sa inyo at sa inyong mga kakayahan. Walang sinuman ang magiging katulad ng impluwensya ninyo. … Tandaan na, tulad ng Tagapagligtas, kayo mismo ang isa sa pinakamagagandang kaloob na maibibigay ninyo sa ibang taong nangangailangan. (“Turning Enemies into Friends” [Brigham Young University forum address, Ene. 23, 2018], speeches.byu.edu)
Bahagi 2
Ano ang matututuhan ko tungkol sa ministering o paglilingkod mula sa talinghaga ng Tagapagligtas tungkol sa mabuting Samaritano?
Noong panahon ni Jesucristo, malaki ang pagkapoot ng mga Judio at mga Samaritano sa isa’t isa. Nilalait ng mga Judio ang mga Samaritano dahil sila ay “bahagyang Israelita at bahagyang Gentil” at ang kanilang “relihiyon ay pinaghalong mga paniniwala at kaugalian ng Judio at pagano” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Samaritano, Mga,” SimbahanniJesucristo.org).
Nang tinangka ng isang dalubhasa sa kautusan (ang mga tagapagtanggol ng panahong iyon ay mga eksperto sa batas ni Moises) na bigyang-katwiran ang kanyang mga ginawa hinggil sa utos na “[ibigin] ang iyong kapwa,” nagtanong siya sa Panginoon, “Sino ang aking kapwa?” (Tingnan sa Lucas 10:25–29.) Sumagot ang Panginoon gamit ang talinghaga tungkol sa mabuting Samaritano.
Itinuro ni Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Sa ating maalikabok na daan patungong Jerico, tayo ay sinasalakay, nasusugatan, at iniiwang nasasaktan.
Bagama’t dapat nating tulungan ang isa’t isa, kadalasa’y lumilipat tayo sa kabilang kalsada, sa anumang kadahilanan.
Gayunman, nang may pagkahabag, tumitigil ang Mabuting Samaritano at tinatalian ang ating mga sugat. … Dinadala Niya tayo sa bahay-panuluyan, na maaaring kumatawan sa Kanyang Simbahan. …
… Inaanyayahan tayo ni Jesucristo na maging isang mabuting Samaritano, katulad Niya, na gawing kanlungan ang Kanyang Bahay-Panuluyan (Kanyang Simbahan) para sa lahat mula sa mga pasakit at unos sa buhay. (“Silid sa Bahay-Panuluyan” Liahona, Mayo 2021, 24–25)